Kumatok sila sa pintuan ni Anthony at inalok siya ng isang kopya ng magasing Gumising!. Ang mga bisita ay isang babae kasama ang dalawa niyang anak. Maganda ang pananamit nila at palakaibigan. Ang artikulo sa pabalat ng magazine ay tungkol sa kung paano tulungan ang mga bata na maging mas mahusay sa paaralan. Binasa ng babae ang isang talata ng kasulatan, nagkomento rito, at pagkatapos ay tinanong si Anthony kung interesado siyang dalawin para sa isang pag-aaral sa Bibliya. Sinabi ni Anthony na pag-iisipan niya ito.
► Basahin ng malakas ang Hebreo 1 nang sabay-sabay. Dapat magsulat ang bawat mag-aaral ng isang talata na nagbubuod sa talata ng banal na kasulatan na ito. Ano ang sinasabi sa atin ng talatang ito tungkol kay Jesus? Ang bawat mag-aaral ay dapat magsulat ng isang listahan ng mga pahayag. Bilang isang pangkat, talakayin kung ano ang iyong isinulat.
Mga Saksi Ni Jehova
Kasaysayan
Sinimulan ni Charles Russell ang Zion’s Watch Tower Tract Society noong 1881 upang ilathala ang kaniyang natatanging mga turo. Pinalitan ng organisasyon ang pangalan nito ng mga Saksi ni Jehova noong 1931.
Sumulat si Russell ng anim na volume set ng mga pag-aaral sa banal na kasulatan. Sinabi niya na mas mabuting basahin ng mga tao ang kanyang mga aklat nang walang Bibliya kaysa magbasa ng Bibliya nang wala ang kanyang mga aklat. Sinabi niya na kung ang isang tao ay huminto sa pagbabasa ng kanyang mga libro at magbasa lamang ng Bibliya, siya ay nasa kadiliman sa loob ng dalaw ang taon, ngunit kung siya ay magbabasa lamang ng kanyang mga libro nang walang Bibliya, siya ay nasa liwanag.
Sinasabi ng Bibliya na ang Salita ng Diyos ay isang liwanag na gumagabay sa atin, tingnan ang Awit 119:105. Ang Banal na Espiritu ay nagtuturo sa mga tagasunod ni Kristo kahit na wala tayong gurong tao, tingnan ang 1 Juan 2:27.
Maraming beses na binago ang mga doktrina ng mga Saksi ni Jehova.
Ang mga pinuno ng mga Saksi ni Jehova ay gumawa ng maraming hula na hindi nagkatotoo. Halimbawa, ang pangalawang pinuno, si Rutherford, ay inihula na sina Abraham, Isaac, at Jacob ay bubuhaying muli sa 1925 at maninirahan sa isang marangyang bahay na inihanda niya para sa kanila. Hindi sila dumating, ngunit siya mismo ang nakatira sa bahay.
Sinasabi ng Bibliya na kung ang propesiya ng isang tao ay hindi magkatotoo, hindi siya dapat pagkatiwalaan bilang isang propeta, tingnan ang Deuteronomio 18:22.
Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na lahat ng iba pang simbahan ay Sataniko, at walang kaligtasan maliban sa pamamagitan ng kanilang organisasyon.
Sinabi ni Jesus sa mga disipulo na hindi lahat ng mga lingkod ng Diyos ay nasa iisang organisasyon, tingnan ang Lucas 9:49-50. Ang kaligtasan ay matatagpuan lamang sa pamamagitan ni Jesus, hindi sa anumang organisasyon, tingnan ang Mga Gawa 4:10, 12.
► Ano ang ilang bagay na nakikita mo na nagpapahiwatig na ang mga Saksi ni Jehova ay hindi Kristiyano base sa Bibliya?
Impluwensiya sa kasalukuyan
Sinasabi ng mga Saksi ni Jehova na nagtatrabaho sila sa 239 na bansa at naglalathala sa mahigit 900 wika. Nakapag-imprenta sila ng humigit-kumulang 40 bilyong piraso ng literatura.[1] Mayroon silang halos 118,000 mga kongregasyon, at kasapi na higit sa 8 milyong aktibong miyembro.[2]
Ang punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova ay nasa Brooklyn, New York.
Mga Mahihirap na Doktrina ng mga Saksi ni Jehova
Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nakikilahok sa mga halalan sa gobyerno o humahawak ng anumang katungkulan sa gobyerno, dahil naniniwala silang hiwalay sila sa mga kaharian ng mundong ito.
Sa Bibliya, ang mga lalaking tulad nina Nehemias, Mordecai, at Daniel ay naglingkod sa Diyos ngunit nagtrabaho din para sa mga bansang pagano, tingnan ang Nehemias 1:11-2:1; Esther 8:2, Esther 10:3; at Daniel 6:1-3.
Hindi sila naglilingkod sa militar at hindi naniniwala na tama ang digmaan.
Hindi sila nagdiriwang ng anumang mga pista opisyal, maging ang mga pambansang pista opisyal, mga pista ng Kristiyano, o mga kaarawan, dahil naniniwala sila na ang lahat ng mga pagdiriwang ay sumusunod sa mga paganong kaugalian.
[3]Hindi sila tumatanggap ng pagsasalin ng dugo, kahit na upang iligtas ang buhay, dahil sa mga banal na kasulatan na nagbabawal sa pagkain ng dugo.
Hindi sila nagbabayad ng ikapu, at ang kanilang mga pastor ay hindi nakakakuha ng suweldo.
Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi naniniwala na ang isang tao ay maliligtas kaagad sa pamamagitan ng paglalagay ng kanyang pananampalataya kay Kristo. Naniniwala sila na dapat siyang sumali sa kanilang organisasyon, matutunan ang kanilang mga doktrina, at simulan ang pagsasanay ng kanilang mga utos. Ang kaligtasan ay isang proseso, at ang sandali kung kailan malalaman ng isa na siya ay naligtas ay hindi tiyak.
Sa Bagong Tipan, ang mga tao ay naging mga Kristiyano sa sandaling sila ay nagsisi at naglagay ng kanilang pananampalataya kay Kristo, tingnan ang Mga Gawa 2:41 at Mga Gawa 8:26-39. Ito ay posible dahil tayo ay naligtas sa pamamagitan ng biyaya at hindi sa pamamagitan ng mga gawa.
Ang bawat miyembro ay kinakailangang magbigay ng buwanang ulat ng aktibidad sa pagpapatotoo. Ang isang miyembro na hindi nagbibigay ng mga ulat ay inalis mula sa listahan ng mga aktibong miyembro at hindi itinuturing na ligtas.
Sinasabi ng Bibliya na ang Diyos ay may listahan sa langit ng mga taong maliligtas, tingnan ang Lucas 10:20 at Apocalipsis 21:27. Ang listahang iyon ay hindi kabilang sa isang makalupang organisasyon.
► Ayon sa mga Saksi ni Jehova, paano maliligtas ang isang tao?
Hindi tinatanggap ng mga Saksi ni Jehova ang krus bilang simbolo ng Kristiyano, at naniniwala sila na si Jesus ay namatay sa isang tulos.
Sinasabi nila na ang doktrina ng Trinidad ay dapat tanggihan dahil ito ay hindi makatwiran at imposibleng maunawaan, na para bang walang anumang bagay sa kalikasan ng Diyos na lampas sa ating pang-unawa.
Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na ang Banal na Espiritu ay hindi Diyos, kundi isang puwersang hindi personal na nagmumula sa Diyos, na maihahambing sa kapangyarihan ng kuryente.
Sinasabi nilang naniniwala sila sa muling pagkabuhay ni Jesus, ngunit naniniwala sila na ang kanyang espiritu lamang ang bumangon, hindi ang kanyang katawan.
► Bakit dapat tawaging “mahirap na doktrina” ang mga doktrinang ito?
Ang pinakamalubhang pagkakamali sa doktrina ng mga Saksi ni Jehova ay ang pagtatatwa sa pagka-Diyos ni Kristo at ng Banal na Espiritu.
Sinasabi ng mga Saksi ni Jehova na sila ay tunay na Kristiyanismo. Sinasabi nila na ang lahat ng iba pang mga simbahan ay huwad. Ngunit kung naiintindihan at pinaniniwalaan nang isang tao ang lahat ng doktrina ng mga Saksi ni Jehova, hindi siya naniniwala sa ebanghelyo ng banal na kasulatan at hindi isang Kristiyano.
Mga taktika ng mga Saksi ni Jehova
Ang isang taong interesadong sumama sa mga Saksi ay dumaraan sa isang pag-aaral sa Bibliya sa loob ng ilang buwan. Kailangan niyang gumawa ng mga pagbabago sa kanyang buhay upang masunod ang kanyang natutunan. Pagkatapos, siya ay nabautismuhan at naging isang “mamamahayag,” at dapat ay namamahagi ng literatura mula sa organisasyon.
Sa karaniwan, ang mga mamamahayag ay gumugugol ng 10,000 oras sa pagpapatotoo bago magkaroon ng isang bagong miyembro.[4]
Ang bawat miyembro ay bibili ng mga nakalimbag na materyales mula sa organisasyon upang ipamahagi.
Hindi nila tinatawag na simbahan ang kanilang mga kongregasyon. Naniniwala silang lahat ng simbahan ay Sataniko. Tinatawag nilang “Bulwagan ng Kaharian” ang kanilang mga gusali.
Ang Bagong Tipan ay isinulat para sa mga simbahan, tingnan ang Apocalipsis 1:4 at 1 Mga Taga-Corinto 14:3
[5]Sinisikap nilang patunayan ang kanilang mga doktrina sa pamamagitan ng banal na kasulatan sa mga taong nagtitiwala sa Bibliya nang hindi gaanong nalalaman ang tungkol dito. Inilathala nila ang sarili nilang bersyon ng Bibliya, na tinatawag na Bagong Sanlibutang Salin, na may mga pagbabagong sumusuporta sa kanilang doktrina. Binago nila ang maraming mga talata na nagpapahiwatig ng pagka-Diyos ni Kristo. Ang bersyon na ito ay hindi ginawa ng mga tunay na iskolar ng wika sa Bibliya.
Sinasabi nila na si Jesus ay Anak ng Diyos at Tagapagligtas ng mundo, at ginawa niyang posible ang kaligtasan. Naniniwala sila na si Jesus ang unang nilikha ng Diyos, ngunit siya ay isang perpektong tao lamang, at hindi Diyos.
► Sa Colosas 1:16-17, idinagdag ng Bagong Sanlibutang Salin ang salitang “iba pa,” upang ang mga talata ay nagsasabi na nilikha ni Jesus ang lahat ng iba pang mga bagay, at siya ay nandun na bago ang lahat ng iba pang mga bagay, at para sa kanya ang lahat ng iba pang bagay ay umiiral. Sa palagay mo, bakit idinagdag ng mga Saksi ni Jehova ang salitang iyon?
► Ngayon bumalik at basahin ang naka-bold at naka-italic na teksto at bawat kasulatan.
“Naniniwala ako sa... isang Panginoong Jesucristo, ang bugtong na Anak ng Diyos; ipinanganak ng kanyang Ama bago ang lahat ng mundo, Diyos ng Diyos, Liwanag ng liwanag, Tunay na Diyos ng Diyos, ipinanganak, hindi ginawa; pagiging kaisa ng Ama.... At naniniwala ako sa Banal na Espiritu, ang Panginoon at Tagapagbigay ng Buhay, na nagmumula sa Ama at sa Anak; na kasama ng Ama at ng Anak ay sinasamba at niluluwalhati.”
- Ang Kredo ng Nicene
(Isinulat ng simbahan noong A.D. 325.)
“Ang Pagkabuhay na Mag-uli ay ang pagpapatunay kay Jesus. Sa pamamagitan nito ay natatag magpakailanman ang pagkakakilanlan ni Jesus at ang katotohanan ng kanyang misyon.”
- Willard Taylor God, Man, and Salvation
Paggamit ng Manwal ng Doktrina
► Ang mga doktrina sa listahan sa ibaba ay itinatanggi lahat ng mga Saksi ni Jehova. Tingnan ang Manwal ng Doktrina para makita ang kahalagahan ng bawat doktrina at ang ebidensya para dito. Tiyaking nauunawaan mo kung paano pinatutunayan ng mga talatang binanggit ang doktrina.
(5) Si Jesus ay Diyos.
(6) Si Jesus ay bumangon sa katawan mula sa mga patay.
(7) Ang Banal na Espiritu ay Diyos.
(8) Ang Diyos ay isang Trinidad.
(9) Ang kaligtasan ay sa pamamagitan lamang ng pagtubos ni Kristo.
(11) Tumatanggap tayo ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya.
(12) Maaari tayong magkaroon ng personal na katiyakan ng kaligtasan.
(13) Ang hindi ligtas ay magdaranas ng walang hanggang kaparusahan.
Ebanghelismo
Huwag masamang tratuhin ang mga Saksi ni Jehova. Dahil naniniwala sila na sila ay inuusig para sa katotohanan, inaasahan nila na ang mga Kristiyanong ebanghelikal ay tatratuhin sila nang masama. Sa halip, ipakita ang pag-ibig ni Kristo at ang tunay na pagmamalasakit sa kanila. Ito marahil ang pinakamabisang paraan para maipanalo sila kay Kristo.
Huwag makipagtalo tungkol sa maliliit na isyu, tulad ng pagdiriwang ng mga pista opisyal o paglilingkod sa militar. Mas mahalaga na pag-usapan ang mga pangunahing kaalaman ng ebanghelyo at katiyakan ng kaligtasan.
Ang priyoridad ay ang ibahagi ang ebanghelyo. Ang mga Saksi ni Jehova ay walang katiyakan ng kaligtasan at personal na kaugnayan sa Diyos.
Isang Patotoo
Si Carlo ay pinalaki bilang isang Saksi ni Jehova, at marami sa kanyang mga kamag-anak ay nasa kulto pa rin. Bilang isang may sapat na gulang siya ay lumayo sa organisasyon, ngunit naniniwala pa rin na tama sila. Naging Kristiyano ang kaniyang asawa, at nagpasiya siyang patunayan sa kaniya na tama ang mga Saksi ni Jehova. Sa kanyang pag-aaral nalaman niya na sila ay gumawa ng maraming maling hula. Nagsimula siyang magbasa ng Bibliya at napagtanto niya na si Jesus ay Diyos, at hindi isang anghel na tulad ng itinuro sa kanya. Binasa niya ang talata kung saan sinabi ni Jesus, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay” (Juan 14:6), at napagtanto niya na ang kailangan niya ay hindi lamang mga paniniwala sa relihiyon, kundi isang relasyon kay Jesus.
Pag-aaral ng Banal na Kasulatan- Bahagi 2
► Ngayon basahin muli ang Hebreo 1. Ang bawat mag-aaral ay dapat magsulat ng isang talata na nagpapaliwanag sa mensahe ng talatang ito para sa isang Saksi ni Jehova. Maaaring ibahagi ng ilang mag-aaral ang kanilang isinulat.
Takdang Aralin para sa Bawat Aralin
Tandaan na humanap ng pagkakataong ipahayag ang ebanghelyo sa isang tao mula sa relihiyosong grupong ito. Maghandang ibahagi sa iyong mga kamag-aral ang tungkol sa pag-uusap na mayroon kayo. Isulat ang iyong 2-pahinang nakasulat na ulat at ibigay ito sa iyong pinuno ng klase.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.