Si Hans ay isang Aleman na lumipat sa Amerika. Sa kolehiyo siya ay nagkaroon ng mga kaibigan na mga Hudyo. Naging pamilyar siya sa kasaysayan ng mga Hudyo at nalaman na milyon-milyon sa kanila ang pinatay ng mga Aleman sa ilalim ni Hitler. Nakaramdam siya ng kahihiyan sa pagiging isang Aleman, at iniisip kung dapat ba siyang sumama sa Hudaismo upang bahagyang bayaran ang ginawa ng kanyang bansa.
► Basahin nang malakas ang Isaias 52:13–53:12 nang sabay-sabay. Dapat magsulat ang bawat mag-aaral ng isang talata na nagbubuod sa talata ng banal na kasulatan na ito. Kung hindi mo alam ang tungkol kay Jesus, ano ang makikita mo sa talatang ito tungkol sa taong tinatawag na “lingkod”? Ang bawat mag-aaral ay dapat magsulat ng isang listahan ng mga pahayag. Bilang isang pangkat, talakayin kung ano ang iyong isinulat.
Hudaismo
Ang Hudaismo ay mas malapit na nauugnay sa Kristiyanismo kaysa sa ibang relihiyon na hindi nagsasabing Kristiyano. Sinasabi ng Hudaismo na sumasamba sila sa Diyos ng sinaunang Israel, ang Diyos ng Lumang Tipan, na siyang parehong Diyos na sinasamba sa Kristiyanismo. Ang mga banal na kasulatan ng Hudaismo ay ang Lumang Tipan sa Kristiyanong Bibliya.
Ang mga tagasunod ng Hudaismo ay naniniwala sa Lumang Tipan, ngunit hindi nila nauunawaan ang pinakamahalagang katotohanan sa Lumang Tipan tungkol sa Mesiyas, tingnan ang Juan 5:39-40, 2 Corinto 3:14-16.
[1]Ang modernong Hudaismo ay nagmula sa relihiyon at kasaysayan ng sinaunang Israel na inilarawan sa Lumang Tipan. Ang mga kasanayan at paniniwala ay inangkop sa paglipas ng mga siglo at hindi katulad ng mga orihinal.
Mayroong humigit-kumulang 14 na milyong tagasunod ng Hudaismo. Halos kalahati sa kanila ay nakatira sa bansang Israel.
Ang Hudaismo ang pangunahing relihiyon ng bansang Israel, at karamihan sa mga tagasunod ng Hudaismo ay mga etnikong Hudyo, sila man ay nakatira sa Israel o saanman. Ang pagsasabi na ang isang tao ay isang Hudyo ay kadalasang nagpapakilala sa kanyang relihiyon at sa kanyang etnisidad, at kung minsan ay kanyang nasyonalidad.
Gayunpaman, mahirap ang mga kahulugan. Karamihan sa mga tagasunod ng Hudaismo ay mula sa etnisidad ng mga Hudyo, ngunit ang mga tao ay nagpalit sa Hudaismo mula sa ibang mga grupong etniko. Ang Hudaismo ay isang pambansang relihiyon, ngunit 25% ng mga tao sa Israel ay hindi mga Hudyo, sa relihiyon o etnisidad. Maraming Hudyo ang hindi nakatira sa Israel, at ang ilan sa Israel ay hindi seryosong nagsasagawa ng anumang relihiyon. Ang isang tao na ang etniko ay isang Hudyo, maging sa Israel o saanman, ay maaaring nanggaling sa ibang relihiyon, o kahit na ateista.
► Ipaliwanag kung ano ang isang Hudyo, una ay may kahulugang etniko, pagkatapos ay may kahulugang panrelihiyon.
“Katangian ng pag-ibig ng Diyos ang pumili. Pinipili nito hindi para ibukod ang iba kundi para magbigay ng tulay kung saan maaaring maipaalam ang pag-ibig ng Diyos sa buong sangkatauhan. Ang pag-ibig ng Diyos ay partikular na ipinakita sa Israel upang ito ay maipakita sa lahat.”
- W.T. Purkiser God, Man, and Salvation
Mga Espesyal na Katangian ng Hudaismo
Mga Kasulatang Hebreo
Ang Torah ay isang salitang Hebreo na nangangahulugang pagtuturo, patnubay, o batas. Ang salita ay pinaka-espesipikong ginamit upang tukuyin ang unang limang aklat ng Lumang Tipan. Minsan ito ay ginagamit nang mas malawak upang tukuyin ang Hebreong Bibliya, na kung saan ay ang Lumang Tipan sa Mga Bibliya ng Protestanteng Kristiyano. Ang terminong Torah ay ginamit nang mas malawak upang isama ang mga paliwanag ng mga Hebreong kasulatan na isinulat ng mga sinaunang Hudyong iskolar.
Ang mga Hudyo ay mayroong napakataas na paggalang sa mga banal na kasulatan na kinasihan ng Diyos. Noong sinaunang panahon ang Torah (tumutukoy sa limang aklat) ay kinopya ng may napakaingat na paraan para mapigilan ang mga pagkakamali. Ang mga balumbon na naglalaman ng Torah ay tinarato nang may malaking pagpipitagan.
Ang Talmud ay isang koleksyon ng mga sinulat ng mga sinaunang Hudyong rabbi. Nakalimbag sa anyo ng aklat, ito ay higit sa 6,000 mga pahina. Ang Hudaismo ay nakaasa sa Talmud para sa awtoridad ng kanilang mga tradisyon at gawain.
Pagtutuli
Ang Genesis 17:9-14 ay ang talaan ng utos ng Diyos kay Abraham na ang lahat ng lalaki sa kanyang sambahayan ay dapat tuliin. Ang pagtutuli ay tanda ng tipan sa pagitan ng Diyos at Israel. Tinukoy ng mga Israelita ang mga tao ng ibang mga bansa bilang “ang Di-Tuli”—mga taong walang batas o tipan ng Diyos. Sa modernong panahon, maraming tao na hindi Hudyo ang nagsasagawa ng pagtutuli bilang isang medikal na pamamaraan, ngunit itinuturing pa rin ito ng mga Hudyo bilang isang relihiyosong gawain.
Araw ng pamamahinga
Ang Sabbath ay ang ikapitong araw ng linggo. Ginugunita nang Sabbath ang araw na ang Diyos ay nagpahinga mula sa kanyang gawain pagkatapos ng anim na araw ng paglikha (Genesis 2:2-3). Sinabi ng Diyos na ang mga tao ay dapat magpahinga sa Sabbath (Exodo 20:8-11). Bumuo ng maraming mga paghihigpit ang mga Hudyo para sa Sabbath upang ilapat ang prinsipyo ng pagpapahinga mula sa trabaho. Ang mga Hudyo na sumusunod sa mga paghihigpit sa Sabbath ay talagang hindi gumagawa ng anumang negosyo o anumang gawain sa Sabbath kung ito ay posibleng maiiwasan. Sinusubukan nilang gumawa ng modernong mga aplikasyon ng sinaunang mga paghihigpit sa Sabbath. Halimbawa, ang mga sinaunang Hudyo ay hindi dapat magsindi ng apoy sa kanilang bahay sa Sabbath (Exodo 35:3), bagama't maaari nilang panatilihin ang apoy kung ito ay sinimulan noon. Ang ilang modernong Hudyo ay hindi magbubukas ng mga de-kuryenteng ilaw o pampainit sa Sabbath, ngunit gagamit sila ng mga ilaw at pampainit na nakabukas na dati.
Hudaismo at Ebanghelyo
Sa pangkalahatan, tinanggihan ng bansang Israel si Jesus bilang Mesiyas. Ang mga Hudyo na sumampalataya kay Jesus ay ang mga unang miyembro ng simbahang Kristiyano, pagkatapos ay ang pagpapalaganap ng ebanghelyo na nagdala sa mga Gentil sa simbahan.
Nais ng Diyos na maligtas ang lahat ng mga Hudyo, tingnan ang Roma 9:31, Roma 10:1, at Roma 11:1.
Sa ngayon ay may mga organisasyong tulad ng Jews for Jesus na mga nagsisikap na panatilihin ang pamana ng mga Hudyo habang nagiging mga Kristiyano. Tinatawag silang “Messianic Jews” dahil tinatanggap nila si Jesus bilang Mesiyas habang patuloy na kinikilala ang kanilang sarili bilang mga Hudyo. Hindi sila bahagi ng relihiyon ng Hudaismo.
Ang Hudaismo ay ang relihiyon ng mga Hudyo na nagsikap na panatilihin ang relihiyon ng Lumang Tipan habang tinatanggihan si Jesus bilang katuparan ng pag-asa sa Lumang Tipan. Mayroong tatlong pangunahing grupo sa loob ng modernong Hudaismo: Hudaismo Ortodokso, Reform na Hudaismo at Hudaismong Konserbador.
Sa paglipas ng mga siglo, ang Hudaismo ay nagpatuloy sa pagbuo ng mga tradisyon nito, habang pinapanatili ang maraming tradisyon mula sa sinaunang panahon. Maraming mga Hudyo ang sumusunod sa mga tradisyon ng pananamit na nagpapakilala sa kanila bilang mga Hudyo. Sinusunod din nila ang mga paghihigpit sa diyeta sa Lumang Tipan, tulad ng pag-iwas sa pagkain ng baboy.
Ang mga Kristiyano ay malaya mula sa mga hinihingi sa Lumang Tipan na mga espesyal na araw at diyeta dahil ang mga bagay na iyon ay mga simbolo ni Kristo, at ngayon ay natupad na niya ang mga ito, tingnan ang Colosas 2:16-17.
Sa Hudaismo, ang kaligtasan ay hindi nangyayari bilang isang indibidwal na karanasan sa pagbabagong loob. Naniniwala ang mga Hudyo na maaari silang mamuhay sa isang pinagpalang pakikipagtipan sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa kanyang mga kautusan. Ang ibig sabihin ng kaligtasan ay ang pagpapalaya mula sa mga sitwasyon ng pang-aapi o mga kondisyon na pumipigil sa kanila sa paglilingkod sa Diyos ayon sa nararapat. Ang kaligtasan ay mas higit na isang pambansa o pangkatang usapin kaysa sa isang indibidwal na bagay.
► Ano ang konsepto ng kaligtasan sa Hudaismo?
Ayon sa biblikal na Kristiyanismo, ang kaligtasan ay nangangahulugan ng personal na pagpapalaya mula sa kasalanan. Ang sinumang naligtas ay naligtas sa pamamagitan ng biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya, maging siya ay isang Hudyo o isang Hentil. Ang lahat ay nagkasala at nangangailangan ng kapatawaran. Ang kaligtasan ay hindi nakakamit sa pamamagitan ng pagsunod sa mga detalye ng batas ng Lumang Tipan, ngunit sa pamamagitan ng paghahanap ng biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya. Walang taong ituturing na ganap sa pamamagitan ng pagsunod sa kautusan, sapagkat ang lahat ay nagkasala na at lumabag sa batas (Roma 3:20-23).
Ang Kristiyanismo ay ang pagpapatuloy at katuparan ng relihiyon ng Israel na ipinahayag sa Lumang Tipan. Ang Diyos ay ang Diyos ng parehong mga Hudyo at mga Hentil, at may parehong plano ng kaligtasan para sa lahat (Roma 3:29-30).
Hinulaan ng mga propeta ng Israel ang pagdating ni Jesus. Ang diwa ng pananampalataya sa Lumang Tipan ay relasyon sa Diyos, na naging posible sa pamamagitan ng kanyang pagpapatawad at biyaya. Samakatuwid, inaangkin ng mga Kristiyano ang mga sinulat ng Lumang Tipan bilang kanilang pamana.[1] Ang mga Kristiyano ay sumusunod sa halimbawa ng mga nasa tamang relasyon sa Diyos hanggang sa simula ng sangkatauhan. Sa isang kahulugan, ang tunay na Hudyo ay ang tumanggap ng gawa ng biyaya ng Diyos sa kanyang puso (Roma 2:28-29). Ang pagpapala ni Abraham ay maaari din para sa mga Hentil (Galacia 3:14).
► Bakit totoo ang pagsasabing hindi bagong relihiyon ang Kristiyanismo?
Walang iisang organisasyon para sa lahat ng mga tagasunod ng Hudaismo, walang iisang pahayag ng mga paniniwala na pinanghahawakan nilang lahat, at walang pangwakas na awtoridad para sa doktrina na kinikilala ng lahat. Ang ilan sa kanilang mga organisasyon ay napakakonserbatibo, na may mataas na pagtingin sa awtoridad ng banal na kasulatan, at sinusubukang panghawakan ang mga sinaunang tradisyon at paniniwala. Mas maraming liberal na organisasyong Hudyo ang nag-angkop sa kanilang mga paniniwala at gawi para maging akma ang mga ito sa modernong kultura, na pinipili kung ano ang gusto nilang panatilihin mula sa tradisyon at banal na kasulatan.
Ang Hudaismo ay hindi naniniwala na ang Diyos ay isang Trinidad o may nangyaring isang pagkakatawang-tao. Naniniwala ang mga Hudyo na si Jesus ay isang kontrobersyal na guro na hindi ang Mesiyas at hindi ang Diyos.
Inihula ng Lumang Tipan na ang Mesiyas ay magiging Makapangyarihang Diyos, tingnan ang Isaias 9:6. Ang Bagong Tipan ay nagpapahayag na si Jesus ay ang Diyos na Anak at ang Mesiyas, tingnan ang Roma 1:1-4.
Ang pag-asa na darating ang isang Mesiyas ay sentro ng Hudaismo. Hindi sila naniniwalang dumating na ang Mesiyas. Naniniwala sila na ang Mesiyas ay hindi magiging isang pagkakatawang-tao ng Diyos, ngunit isang espesyal na hinirang na tao, na magdadala ng kapayapaan sa mundo.
Naniniwala ang mga konserbatibong Hudyo na ang Mesiyas ay magiging isang literal na tao. Ang mga Liberal na Hudyo ay mas malamang na isaalang-alang ang Mesiyas bilang isang sagisag na pagpapahayag para sa ahente ng kapayapaan, na maaaring isang grupo o organisasyon.
► Ilarawan ang konsepto ng Hudaismo tungkol sa isang mesiyas.
Sinasabi sa atin ng Bibliya na darating ang panahon na tatanggapin ng Israel si Kristo. (Tingnan sa Roma 11:23-26.) Sinabi ni Apostol Pablo na sa ngayon kumakalat sa mga Hentil ang ebanghelyo , at halos bulag sa ebanghelyo ang mga Hudyo. Ngunit sinabi pa niya, “ang buong Israel ay maliligtas” (Roma 11:26). Hindi iyon nangangahulugan na ang bawat indibidwal na Hudyo ay maliligtas, ngunit bilang isang bansa ay tinanggihan nila si Jesus, at bilang isang bansa magsisisi sila at tatanggapin siya. Kahit ngayon, maraming indibidwal na mga Hudyo ang napagbagong-loob.
► Ngayon bumalik at basahin ang naka-bold at naka-italic na teksto at bawat kasulatan.
[1]May pagkiling laban sa Kristiyanismo ang ilang mga Hudyo dahil ang mga Hudyo ay minsan nang inusig ng mga nagsasabing Kristiyano noong nakaraang panahon. Maaari nating subukang tulungan silang maunawaan ang ilang katotohanan tungkol sa pag-uusig. Una, hindi kailanman hinimok ni Jesus ang pag-uusig, at ang nagsasabing Kristiyano na napopoot sa iba ay hindi sumusunod sa kaniyang halimbawa. Ang pag-uusig ay pampulitika gayundin bilang relihiyon, at nauudyok ng mga kadahilanang salungat sa mga prinsipyo ng Kristiyanismo. Ang pinakamahusay na paraan para makumbinsi ang isang Hudyo na hindi niya kaaway ang mga Kristiyano ay ang ipakita ng mga Kristiyano ang pag-ibig ni Kristo.
Ang relihiyon ng isang Hudyo ay mahigpit na konektado sa kanyang kamag-anak, isang paraan ng pamumuhay, at isang sinaunang pamana. Maaaring isipin ng isang Hudyo na mawawala sa kanya ang lahat ng mahalaga kung magpapalit siya ng ibang relihiyon. Dapat ipakita ng Kristiyano na si Jesus ang likas na katuparan ng relihiyong Hudyo. Siya ang Mesiyas na inaasahan nila. Ibinigay Niya ang kaligtasang inilarawan sa Lumang Tipan.
Ang katotohanan na si Jesus ang Mesiyas ay ipinakita sa pamamagitan ng kanyang katuparan ng hula sa Lumang Tipan tungkol sa Mesiyas. Ang mga halimbawa ay ang hula na ang Mesiyas ay ipanganganak sa Bethlehem (Mikas 5:2) at siya ay mula sa tribo ni Juda (Genesis 49:10). Higit na mahalaga na ipakita mula sa Isaias 52:13-53:12 na naisakatuparan niya ang kaligtasan na inaasahan sa Mesiyas. Hindi pa natupad ni Jesus ang Mesiyanikong propesiya ng kapayapaan sa daigdig, ngunit makatuwiran na ang kaligtasan mula sa kasalanan ay dapat mauna dahil ang digmaan ay nagmumula sa makasalanang puso ng mga tao.
Mahalagang ibahagi ang ebanghelyo at bigyang-diin na ang taong naligtas ay may personal na kaugnayan sa Diyos. Ang mga Hudyo ay naniniwala sa Diyos ngunit walang personal na kaugnayan sa kanya.
Posibleng ipaliwanag ang ebanghelyo gamit lamang ang Lumang Tipan. Ang lahat ng tao ay nagkasala laban sa Diyos (Awit 143:2). Ang kasalanan ang naghihiwalay sa mga tao sa Diyos (Isaias 59:2). Ang Mesiyas ay nagdusa at namatay bilang isang sakripisyo para sa ating mga kasalanan (Isaias 53:5). Nangangako ang Diyos na patatawarin at lilinisin ang nagsisi at naniniwala (Isaias 1:16-18).
Ang Awit 51 ay isang panalangin ng pagsisisi at pananampalataya. Nanalangin si David para sa kapatawaran at paglilinis. Ito ay isang panalanging kinasihan ng Espiritu ng Diyos, na nagsasabi sa atin na ang Diyos ay nag-aalok ng kapatawaran sa ganitong paraan. Kung ang isang tao ay naniniwala na ang Diyos ay naglaan kay Jesus bilang isang sakripisyo para sa kasalanan, maaari niyang ipagdasal ang panalanging ito nang may pananampalataya at tumanggap ng biyaya ng Diyos.
“Sa Roma 9:4-5, mahalagang sinasabi ni Pablo na
‘Si Cristo ay nasa katauhan ng tao isang Hudyo ngunit sa katunayan ay Diyos.’”
- Adapted from Willard Taylor God, Man, and Salvation
Isang Patotoo
Si David ay isang lalaking Hudyo na ang pamilya ay nagmula sa Germany. Ang kanyang mga lolo't lola ay namatay lahat sa mga kampong bilangguan ng Nazi. Sinabi niya na nadama ng mga Hudyo na pinapatay sila ng Kristiyanong mundo dahil hinayaan itong mangyari nang mga simbahan ng Alemanya at sa iba pang bahagi ng mundo. Sinabihan siya ng kanyang mga magulang na huwag tumingin sa isang krus dahil ito ay kumakatawan sa kamatayan. Araw-araw dumadaan ang kanyang school bus sa isang simbahan na may krus, at sinisikap niyang huwag tumingin dito. Isang araw sinubukan ng isang kaibigang Hudyo na bigyan siya ng Bagong Tipan, ngunit tumanggi siya, at nagsasabing hindi ito para sa mga Hudyo. Kalaunan ay ipinakita sa kanya ng isa pang kaibigan ang mga talata sa Lumang Tipan at sa Bagong Tipan na hindi pa niya nakita noon. Maraming tanong si David kung bakit ganito ang mundo, at nakita niya ang mga sagot sa Bibliya. Sumampalataya siya na si Jesus ang Mesiyas.
Pag-aaral ng Banal na Kasulatan- Bahagi 2
► Ngayon basahin muli ang Isaias 52:13–53:12. Ang bawat mag-aaral ay dapat magsulat ng isang talata na nagpapaliwanag sa mensahe ng talatang ito para sa isang tagasunod ng Hudaismo. Maaaring ibahagi ng ilang mag-aaral ang kanilang isinulat.
Takdang Aralin para sa Bawat Aralin
Tandaan na humanap ng pagkakataong ipahayag ang ebanghelyo sa isang tao mula sa relihiyosong grupong ito. Maghandang ibahagi sa iyong mga kamag-aral ang tungkol sa pag-uusap na mayroon kayo. Isulat ang iyong 2-pahinang nakasulat na ulat at ibigay ito sa iyong pinuno ng klase.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.