Mga Layunin ng Leksiyon
Sa katapusan ng leksiyong ito, ang mag-aaral ay dapat italaga ang sarili sa pagiging lubusang matapat sa lahat ng sitwasyon sa lahat ng pagkakataon.
Search through all lessons and sections in this course
Searching...
No results found
No matches for ""
Try different keywords or check your spelling
19 min read
by Stephen Gibson
Sa katapusan ng leksiyong ito, ang mag-aaral ay dapat italaga ang sarili sa pagiging lubusang matapat sa lahat ng sitwasyon sa lahat ng pagkakataon.
Nagtrabaho si Abraham sa isang tindahan. Isang araw napagtanto niya na nagkamali siya ng sukli sa isang bumili. Nakaalis na ang babae. Nakatira siya ng ilang milya sa isang lugar sa labas ng lunsod. Alam ni Abraham na hindi niya siya makikita sa lalong madaling panahon. Bagaman maliit lamang ang halaga, inaalala niya na baka kailanganin iyon ng babae. Nais din niyang tiyakin na hindi nito iisipin na sinadya niyang hindi ibigay ang tamang sukli. Pagkatapos magsara ang tindahan sa araw na iyon, naglakad ng ilang milya si Abraham upang ibalik ang pera. Dahil sa kanyang pagiging maingat sa sitwasyong iyon at sa iba pang pagkakataon, tinawag siyang “Si Abeng Matapat” ng kanyang mga kaibigan. Nang malaon, siya ay naging isang abogado, at sa paglipas ng panahon ay naglingkod bilang Pangulo ng Estados Unidos.
Sinasabi sa atin ng Biblia na hindi makapagsisinungaling ang Dios (Tito 1:2, Hebreo 6:18). Ang kanyang likas na katangian ay nananatiling pareho at hindi nagbabago (Santiago 1:17). Hindi lamang sinasabi ng Dios ang katotohanan kapag ito ay magbibigay ng kabutihan. Hindi siya nagsisinungaling upang makakuha ng mabuting mga resulta. Maaari tayong magkaroon ng katiyakan na ang Salita ng Dios ay lubusang totoo at mapagkakatiwalaan. Binibigyan tayo ng seguridad ng kanyang katotohanan (Awit 40:11, 91:4).
► Paano maaapektuhan ang iyong relasyon sa Dios kung hindi ka nagtitiwala sa kanya na lagi siyang magsasabi ng katotohanan?
Isipin ninyo kung paanong ang katotohanan ay mahalaga sa ating relasyon sa Dios. Tinatawag tayo ng Dios upang lubusang italaga ang ating sarili sa kanya. Hindi natin iyon magagawa kung hindi natin siya lubusang pinagtitiwalaan.
Nais ng Dios na lagi nating sabihin ang katotohanan. Ang isang taong nagsisinungaling ay hindi matuwid sa paningin ng Dios (Kawikaan 12:17).
Kung minsan nagsisinungaling ang mga tao upang manalo sa kaso sa korte. Ang mga taong may pera ay nagbabayad sa hukom upang tanggapin ang mga kasinungalingan upang angkinin ang mga pag-aari ng iba (Santiago 2:6). Ang mayayamang tao ay tumatakas sa hustisya at humahatol sa mga taong inosente sa pamamagitan ng pagbabayad ng suhol upang itatag ang mga kasinungalingan (Santiago 5:1, 6).
Kasalanan kapag sumasaksi tayo sa kasinungaling, kahit pa iniisip mo na ang layunin mo ay tama. Hinahatulan ng Biblia ang mga nagsisinungaling na saksi at hindi nagpapahintulot ng pagtatangi.[1] Maraming tao ang nag-iisip na makapagsisinungaling sila kung ang pagsisinungaling ay makatutupad ng mabuti at hindi nakalilikha ng masama, subalit hindi ibinibigay ng Biblia ang gayung pagpipilian. Hindi tayo kailanman sinabihan ng Kasulatan na may mga pagkakataon na kailangan nating magsinungaling.
Ang mga Kristiyano ay dapat magsalita ng katotohanan nang walang itinatangi. Kinakailangan ang katotohanan sa ating mga relasyon.
Sinasabi ng Efeso 4:15 na kinakailangan ang pagsasalita ng katotohanan para sa paglago sa espirituwal na kahustuhan sa edad.
Sinasabi ng Colosas 3:9 na ang pagsisinungaling ay bahagi ng makasalanang buhay na iniwan na natin.
Huhukuman at hahatulan ng Dios ang mga sinungaling. Kabilang ang mga sinungaling sa isang listahan ng mga kasuklam-suklam na makasalanan na hinatulan ng batas ng Dios (1 Timoteo 1:10, Pahayag 22:15). Ang lahat ng sinungaling ay itatapon sa lawa ng apoy (Pahayag 21:8). Hindi makakapasok ang mga sinungaling sa lunsod ng Dios (Pahayag 21:27).
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Kawikaan 11:1 para sa grupo.
Nagsasalita ang talatang ito tungkol sa mga timbangan na ginagamit upang magbenta ng anumang bagay ayon sa timbang, tulad ng prutas, o gulay, o karne. Kung minsan ang mga tao ay may timbangan na nakadisenyo para magbigay ng maling timbang upang kumuha ng ekstrang pera. Sinasabi ng talata na kinamumuhian ng Dios ang kawalang katapatan.
Hindi tama para sa tao na magbenta ng isang bagay habang nagsisinungaling tungkol sa kundisyon nito, at itinatago ang mga depekto nito. Hindi tama na magsinungaling kapag sinasabi natin sa ibang tao kung magkano natin nabili ang isang bagay na nais nating maibenta sa mas mataas na halaga.
Hindi tama para sa isang tao na pirmahan ang isang hindi totoong ulat upang makaiwas sa pagbabayad ng pera. Hindi tama para sa isang tao na tulungan ang kanyang amo na linlangin ang mga tao para kumita ng pera.
► Ano ang mga anyo ng kawalang katapatan na inyong naobserbahan?
Sinasabi ng Biblia na ang mga taong masama ay humihiram at hindi na nagbabayad
(Awit 37:21, Kawikaan 3:28). May mga tao na humihiram at pagkatapos ay hindi nakararamdam ng obligasyon na bayaran ang kanilang utang. Sinasabi ng Biblia na tiyakin natin na hindi tayo nabibigong ibigay sa iba ang utang natin sa kanila
(Roma 13: 7-8).
Ang katapatan ay nangangahulugan na tinutupad mo ang iyong mga pangako at mga inaasahan sa iyo. Inilalarawan ng Awit 15 ang isang taong may mabuting relasyon sa Dios. Isa sa kanyang katangian ay nangangako siya at tinutupad iyon kahit na magiging malaki ang halaga niyon sa kanya (Awit 15:4).
Kawalan ng katapatan kapag ang isang tao ay hindi nagtatrabaho ayon sa dapat niyang gawin para sa taong umuupa sa kanya (Efeso 6:5-6).
Hindi tama para sa isang manggagawa na magnakaw ng mga kagamitan mula sa kanyang amo (Tito 2:9-10).
Mali na magbigay ng maling resibo na nagsasabi na ang isang bagay ay mas mataas ang halaga kaysa tunay na presyo nito. Mali para sa isang empleyado o ahente na magsinungaling tungkol sa presyo ng isang bagay upang naitago niya ang sobrang pera.
Mali para sa isang amo o umuupa na hindi ibigay ang ipinangakong sweldo para sa mga manggagawa (Santiago 5:4).
Mali na itago ang isang bagay na hindi sinasadyang maiwala ng ibang tao. Dapat mo iyong ibalik sa tunay na may-ari kung magagawa mo. (Deuteronomio 22:1).
Kung ikaw ay nangangasiwa ng mga ari-arian ng ibang tao (katulad ng amo o isang ministeryo), mali na gumamit ng pera o mga bagay para sa iyong sarili kung hindi ka binigyan ng pahintulot na gawin iyon.
Sa ilang komunidad ang mga tao ay namumuhay sa ilalim ng pangangalaga ng isang hepe. Ang mga tao ay tapat sa hepe, at ang hepe ay inaasahang tutulong sa kanila sa lahat ng pangangailangan. Sa ganitong mga komunidad ang mga tao ay walang maraming pansariling pag-aari. Ang pinakamahalagang pinagkukunan ng pangangailangan, tulad ng lupa, ay pag-aari ng komunidad. Ang mga nangunguna ay inaasahang pamamahalaan ang mga pinagkukunan ng pangangailangan para sa kapakinabang ng lahat. Kapag may pangangailangan ang isang tao, may pakiramdam siya na mayroon siyang karapatang kunin kung ano ang kanyang kailangan mula sa pinagkukunan ng pangangailangan ng komunidad.
Si Gerald ay isinilang sa isang pamayanan sa gubat. Ang kanyang pamilya at ang mga pamilya sa kanilang kapaligiran ay nagtatanim ng pagkain sa lupain na pag-aari ng pamayanan. Humahanap sila ng mga pinagkukunan ng pangangailangan sa gubat. Walang sinuman sa kanila ang nagmamay-ari ng sariling lupa, maging ang lugar na kinatatayuan ng kanilang mga bahay. Nagtutulungan ang mga pamilya kapag sila ay may suliranin. Ang hepe ay tulad ng isang ama sa buong pamayanan. Inaasahan ng mga tao na tutugunan niya ang kanilang mga pangangailangan.
Nang magkaedad si Gerald nakakuha siya ng trabaho sa isang kompanya na pumuputol ng mga puno para gawing tabla. Umalis siya sa pamayanan upang tumira malapit sa lugar ng trabaho. Siya ay may sweldo buwan-buwan. Kung minsan hindi sapat ang kanyang pagkain dahil hindi siya sanay sa pagbabadyet ng kanyang suweldo. Inasahan niyang ibibigay ng amo niya ang kanyang pagkain, at nagulat siya ng sabihin ng amo na responsibilidad ni Gerald na bumili ng lahat ng kailangan niya mula sa kanyang sweldo. Nang kailanganin ng kanyang kapatid na babae ng doktor, humingi si Gerald ng pera sa kanyang amo para sa kanyang kapatid. Nagalit si Gerald nang hindi siya tinulungan ng kanyang amo. Inisip ni Gerald na dapat siyang tulungan ng kanyang amo sa kanyang mga problema, subalit sinabi nito na tanging ang sweldo ang responsibilidad niya kay Gerald. Nang umalis si Gerald sa kanyang trabaho, ninakaw nito ang ilang kagamitan upang dalhin sa kanilang pamayanan, dahil ang pakiramdam niya, hindi naging sapat ang tulong ng kanyang amo sa kanya.
Pagkalipas noon, lumipat si Gerald kasama ang kanyang asawa at anak sa lunsod. Nagtrabaho siya sa isang malaking groseri. Hiningi ni Gerald sa kanyang amo na bayaran nito ang gastos sa pag-aaral ng kanyang anak, ngunit hindi ito ginawa ng amo. Kung minsan hindi sapat ang pera ni Gerald upang mabili ang lahat ng pangangailangan ng kanyang pamilya. Dahil nagtatrabaho siya sa isang tindahan na nagbebenta ng pagkain, inisip niya na dapat siyang pahintulutang kumuha ng pagkain mula sa tindahan upang iuwi sa kanyang pamilya. Alam niya na hindi papayag ang kanyang amo, kaya’t palihim siyang kumukuha ng pagkain.
May mga manggagawa na hindi nauunawaan ang hangganan o limit ng pananagutan ng isang amo. Iniisip nila na responsable ang amo para sa lahat ng kanilang mga pangangailangan. Humihingi sila sa kanya ng maraming anyo ng tulong bukod sa sweldo para sa kanilang trabaho. Kapag hindi niya ibinigay ang kanilang kailangan, ang pakiramdam nila ay makatwiran na sila ay magnakaw. Para sa kanila kailangan nitong ibigay ang kanilang mga pangangailangan.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Tito 2:9-14 para sa grupo.
Sinasabi ng mga talatang ito na ang isang manggagawa ay hindi dapat magnakaw sa kanyang amo. Sinasabi ng talatang 10 na pinagaganda ng katapatan ang mga doktrina ni Kristo. Ang mga sumusunod na talata ay naglalarawan ng pamumuhay ng isang tao kapag siya ay binago na ng biyaya.
Ang pagiging matapat ay hindi lamang tungkol sa pera at mga ari-arian.
Ipinangako ni Carlos sa kanyang kasosyo na magkikita sila sa alas-8 ng umaga. Gayunman, tinanghali siya ng gising at kumain pa ng almusal. Nahuli siya ng mahigit sa isang oras. Sinabi niya sa kanyang kasosyo na tanghali na nang sunduin siya ng drayber. Hindi nagulat ang kanyang kasosyo. Alam ng lahat ng kaibigan ni Carlos na hindi siya kailanman tumutupad sa kanyang mga pangako.
Si Carlos ay hindi matapat sa dalawang paraan:
(1) Hindi siya tumupad sa kanyang pangako.
(2) Nagsinungaling siya sa dahilan kung bakit siya nahuli.
Maaari ka bang paniwalaan ng mga tao kapag sinabi mong gagawin mo ang isang bagay o darating ka sa isang lugar na pinag-usapan? Naniniwala ka ba sa iyong sarili kapag sinabi mo iyon? Kapag mayroon kang ipinangako, ipinapangako mo rin na gagawin ang kinakailangan upang tuparin iyon. Mali na mangako ka ng isang bagay at pagkatapos ay hindi ka magsisikap na tuparin ang iyong pangako.
Kapag nabigo kang tuparin ang isang pangako, dapat kang humingi ng paumanhin. Hindi ka dapat magsinungaling tungkol sa dahilan kung bakit ka nabigong tumupad.
Mali na sisihin ang ibang tao sa inyong organisasyon para sa iyong mga pagkakamali. Hindi ka pagtitiwalaan ng inyong grupo kung alam nilang ikaw ay magsisinungaling tungkol sa mga pagkakamali.
Ang isang tagapanguna na karapat-dapat ay hindi humihikayat sa mga tao na sumunod sa kanya sa pamamagitan ng pagsasabi sa kanila ng mga kasinungalingan. Isinulat ni Stephen Covey na “Ang pangunguna ay nagkakaroon ng mga resulta sa paraan na nakahihikayat ng pagtitiwala.”[1]
Maraming tao ang naniniwala na mali ang magsinungaling sa mga kaibigan o kamag-anak ngunit tama lang magsinungaling sa ibang kategorya ng mga tao. May mga taong nagnanakaw ng pera o mga gamit mula sa kanilang mga amo dahil iniisip nila na dapat silang upahan ng higit pa. May mga taong nagnanakaw mula sa mayayamang tao, lalo na sa mga banyagang mayayaman. May mga tao na gumagawa ng mga hindi pantay na mga transaksyon sa mga taong mula sa ibang katutubong grupo o kalagayang panlipunan.
Sinabi ni Hesus na dapat nating mahalin ang ating kapwa nang tulad sa ating sarili. Naaalala ba ninyo ang tanong ng isang abogado kay Hesus? “Sino ang aking kapwa?”[1] Nais ng abogado na tukuyin ng tiyak ni Hesus ang kategorya ng tao na dapat nating mahalin. Ikinuwento ni Hesus ang istorya tungkol sa “Mabuting Samaritano.” Ang kwento ay tungkol sa dalawang tao na mula sa magkaibang grupong etniko na nagkita sa unang pagkakataon. Wala silang relasyon sa nakaraang panahon, at may di-pagkakasundo sa pagitan ng kanilang pinagmulang grupo. Tinulungan ng Samaritano ang lalaking nangangailangan, kahit na hindi niya iyon tungkulin o dahil sa anumang relasyon. Ang isa sa mga punto na ibinigay ni Hesus sa kuwentong ito ay walang taong dapat na maibukod mula sa ating pagmamahal.
Hindi tayo ang dapat magpasya kung kanino tayo dapat maging tapat. Hindi tayo dapat maging matapat sa mga piling tao lamang. Kahit na iniisip natin na hindi makakasama sa isang tao ang ating pagiging hindi matapat, nais nating bigyang-lugod ang Dios sa pagiging matapat (Mga Gawa 24:16).[2]
Anong uri ng tao ang nais mong maging? Anong uri ng tao ang nais ng Dios na ikaw ay maging?
Maaaring may tao na hindi karapat-dapat sa iyong paggalang, subalit nais ng Dios na ikaw ay maging magalang.
Maaaring may tao na hindi karapat-dapat sa iyong katapatan, subali’t nais ng Dios na ikaw ay maging matapat.
Maaaring may isang tao na hindi karapat-dapat sa iyong pagmamahal, subalit minahal ka ng Dios kahit noong hindi ka karapat-dapat mahalin, at nais ng Dios na ikaw ay maging isang taong mapagmahal.
► Dapat basahin ng mga mag-aaral ang 1 Pedro 2:21-23 at 3:8-12 para sa grupo.
Huwag mong hayaan na ang ugali ng iba ang magdikta ng iyong pagkatao. Maaaring magsinungaling ang isang tao sa iyo, subali’t hindi kailangang ikaw ay maging sinungaling. Maaaring magnakaw sa iyo ang isang tao, subali’t hindi ka dapat maging isang magnanakaw. Ang isang tao ay maaaring maging masama ang ugali sa iyo, ngunit dapat kang maging magalang.
Ang lahat ng mga paglalarawan sa seksiyong ito ay mga tunay na pangyayari, ngunit ang mga pangalan at detalye ay binago. Ito ay mga halimbawa ng pagnanakaw, o pagsisinungaling o pareho.
Tiyakin na nauunawaan ng mga mag-aaral kung ano ang nangyari sa bawat ilustrasyon. Hilingan ang mga mag-aaral na ipaliwanag kung bakit mali ang ginawa sa ilustrasyon.
(1) Nagtatrabaho si George sa isang pabrika. Madalas siyang nag-uuwi ng mga gamit na panlinis, mga kasangkapan, at maliliit na bagay dahil alam niya na kayang palitan iyon ng pabrika.
(2) Si Pedro ay isang drayber ng trak ng gasolina para sa isang malaking kumpanya. Kung minsan habang siya ay nagmamaneho ng trak ng kumpanya, nakakikita siya sa tabing daan ng karatula na nagsasabi na “Bumibili kami ng krudo.” Paminsan-minsan tumitigil siya at nagbebenta sa kanila ng kaunting krudo galing sa trak, dahil alam niya na hindi naman malalaman ng kumpanya na nabawasan iyon.
(3) Pinagtitiwalaan si Tamara na bumili ng kompyuter para sa opisinang kanyang pinagtatrabahuhan. Sinuhulan niya ang ahente sa tindahan na gumawa ng mga resibo na may mataas na presyo kaysa sa pagkakabili upang makupit niya ang bahagi ng pera.
(4) Sa isang parke sa isang malaking lunsod, may isang lalaki na nagbebenta ng bombilya ng ilaw na hindi na nagagamit. Alam ng mga bumibili nito na hindi na ito magagamit. Binibili nila ito upang dalhin sa kanilang opisina kung saan nagnanakaw sila ng maayos na bumbilya, at pinapalitan iyon ng lumang bumbilya.
(5) Si Alex ay isang punung-guro sa paaralan. Isang araw, pumunta sa kanya ang ama ng isa sa mga mag-aaral at hinihingi na bigyan ang kanyang anak ng mataas na grado sa Algebra. Binigyan niya si Alex ng pera. Inutusan ni Alex ang guro sa Algebra na bigyan ang mag-aaral ng mataas na grado.
(6) Si Angelo ay isang guro sa unibersidad. Maliit lamang ang kanyang sahod. Sinabi niya sa kanyang klase na magiging napakahirap ng pagsusulit at walang sinumang mag-aaral ang makapapasa sa pagsusulit nang hindi bumibili sa kanya ng isang pahina na may mga sagot.
(7) Si Alex ay isang punung-guro sa isang paaralan ng gobyerno. Isang araw, si Vanya, isang kaibigang nagtatrabaho sa isang organisasyong pangmisyon ay nagtanong kung maaaring umupa ng ilang kwarto sa gusali ng paaralan. Nagbigay ng presyo si Alex, at dinadala ni Vanya kay Alex ang upa buwan-buwan. Inangkin ni Alex ang pera at hindi kailanman iniulat ang kinita.
(8) Si Vanya ay nagtatrabaho sa isang misyon na nangailangang umupa ng espasyo para sa silid-aralan. Pumunta siya sa kanyang kaibigang si Alex na punung-guro sa isang paaralan. Nagkasundo sila sa presyo ng upa, pagkatapos, sinabi nila sa misyon ang mas mataas na halaga. Buwan-buwan, dinadala ni Vanya kay Alex ang pera subali’t itinatago ang sobrang halaga.
(9) Nagtatrabaho si Sergei sa isang ministeryong nangangailangan ng bagong gusali. Pinahanap siya ng ministeryo ng isang construction company na magtatayo para sa kanila. Nakipag-usap si Sergei sa ilang contruction companies. Sa halip na piliin ang kompanyang magbibigay ng pinakamabuting presyo, pinili niya ang kumpanya na nangakong hahatian siya sa perang makukuha nila sa ministeryo.
(10) Kailangan ni Alberto ng rehistro para sa kanyang kotse, subalit alam niya na hindi ito papasa sa inspeksiyon dahil ang ilan sa mga ilaw nito ay hindi gumagana. Dinala niya ang kanyang kotse sa departamento para iparehistro pero nakita niya na mahaba ang pila ng mga taong naghihintay para ipainspeksiyon at iparehistro ang kanilang sasakyan. Isang lalaki malapit sa pinto ang nagsabi sa kanya na kung magbabayad siya sa halagang nais niya ay maikukuha niya si Alberto ng rehistro nang mabilis at hindi na kailangan ng inspeksiyon. Binayaran ni Alberto ang presyo at hindi nagtagal ay pauwi na siya dala ang rehistro.
(11) Dumating si Simon para kunin ang kanyang kotse sa paradahan ng sasakyan. Sinabi ng bantay doon ang presyo ng pagparada sa lugar. Binigyan ni Simon ang bantay ng kulang na bayad ngunit hindi niya kinuha ang parking tiket. Ibibigay niya ito sa ibang pumarada upang maging kanya na ang perang ibinayad ni Simon.
(12) Hindi nag-aral ng mabuti si Anna para sa pagsusulit. Nang dumating siya sa klase naupo siya malapit sa isang matalinong kaibigan upang maaari siyang kumopya ng mga sagot mula sa pagsusulit ng kanyang kaibigan.
(13) Nagmamaneho si Igor ng traktorang may araro para sa isang malaking bukid ng gobyerno. Gusto niyang maagang matapos. Itinaas niya ang araro upang hindi ito gaanong huhukay nang malalim, sagayun, mapaaandar niya ng mas mabilis ang traktora. Ang bukid ay mukhang handa na, subali’t hindi ito nagbunga ng mabuting ani dahil hindi ito naararo nang maayos.
(14) Isinugo ng isang misyon si Pastor Pierre para magpastor sa isang iglesya. Pinadadalhan siya ng misyon ng buwanang sahod. Dahil gusto niyang suportahan din siya ng iglesya, sinabi niya sa mga miyembro ng kanyang iglesya na hindi siya sinusuportahan ng misyon.
(15) Isang magnanakaw ang pumasok sa bahay ni Ella at nagnakaw ng pera. Nang ikinuwento niya ito sa kanyang mga kaibigan, sinabi niya na kumuha rin ng ibang gamit ang magnanakaw kahit hindi naman. Naawa sa kanya ang kanyang mga kaibigan at binigyan nila siya ng pera para mapalitan ang mga bagay na akala nila ay nanakaw.
(16) Si Gulovo ang hepe ng isang maliit na baranggay. Tagapanguna rin siya sa iglesya ng baranggay. Ang mga tao ay makaluma, hindi nakapag-aral, at mahihirap, subalit ang baranggay ay nagmamay-ari ng malawak na lupain. Ang mga mangangalakal mula sa lunsod ay humihiling na bumili ng lupa para sa proyektong sakahan. Ibinenta ni Gulovo ang buong lupain ng baranggay at ginamit ang pera upang magpatayo ng bahay para sa kanya sa lunsod.
(17) Taon-taon ang Fairfield Community Church ay pumipili ng isang ina upang parangalan bilang “Ina ng Taon.” Pinili nila si Wilma, hindi dahil siya ay isang mabuting halimbawa ng pagiging ina, kundi dahil alam nila na magbibigay siya ng malaking donasyon sa iglesya. Pagkatapos nila siyang parangalan, nagbigay na pera si Wilma para sa iglesya upang ibili ng bagong gate para sa ari-arian. Nang sumunod na taon, nagpasya ang iglesya na muling piliin si Wilma bilang “Ina ng Taon,” kahit na nakalipat na siya sa ibang lunsod.
(18) Si Barney ay isang drayber para sa ministeryo. Gabi-gabi dinadala niya ang sasakyan ng ministeryo para iparada sa isang ligtas na lugar. Kung minsan bago iparada ang sasakyan ay ginagamit niya iyon upang magsakay ng mga pasahero o magsakay ng mga gamit para sa kanyang sariling suki.
Ang kuwentong ito ay kathang-isip ngunit naglalarawan kung ano ang nangyari sa maraming lugar.
Nalaman ng mga Kristiyano sa lunsod ng Borol na mayroong isang malaking komunidad ng mga tao sa kabilang bayan na namumuhay sa kahirapan. Ang mga tao sa lugar na iyon ay kabilang sa etnikong grupo na tinatawag na Ibanese. Sa loob ng maraming henerasyon ang mga taong Ibanese ay namumuhay sa mga makalumang tahanan at hindi nararating ng maraming tulong pang-medikal o pang-edukasyon. Marami ang walang sapat na pagkain, at ang ilan ay labis na nagugutom.
Nagsimulang magbigay ng pera ang mga Kristiyano sa Borol upang tulungan ang mga Ibanese. Nagsugo sila ng mga kinatawan sa ibang iglesya sa ibang bayan upang manghingi ng kontribusyon.
Nagsimulang magpadala ang mga Kristiyano sa Borol ng mga trak na puno ng pagkain patungo sa mga Ibanese. Ipinabahala nila sa mga tagapanguna sa iglesya ng mga Ibanese ang pamamahagi sa pagkain.
Nagtatag ng mga palengke ang mga tagapanguna ng Ibanese upang ibenta ang pagkain sa kanilang baranggay. Tanging ang mga taong may pera ang makakabili doon, kaya’t walang nakarating na pagkain sa mga taong nagugutom. Itinago ng mga tagapanguna sa iglesya at kanilang mga kaibigan ang kinita. Ang ibang pagkain ay ipinadala upang ibenta sa ibang bayan kung saan mas makapagbabayad ng mas mahal ang mga tao.
Ang mga Kristiyano ng Borol ay ipinilit na ang pagkain ay dapat ipamigay ng libre sa mga taong pinakanangangailangan nito. Ang mga tagapanguna sa iglesya ng Ibanese ay bumuo ng badyet para sa pagpapamahagi na kabilang ang pag-aarkila ng mga trak na may drayber at pagbabayad ng mga tao para tumulong. Itinakda nila nang mas mataas ang presyo kaysa sa normal na halaga at itinago ang sobrang pera. Nang humingi ng ulat ang mga Kristiyano sa Borol tungkol sa mga gastos, gumawa ng mga maling ulat ang mga Ibanese.
Sa tuwing makatutuklas ang mga Kristiyano ng Borol ng hindi tapat na gawain, sila ay nakaramdam ng pagkabigo at nasisiraan ng loob. Sinikap nilang humanap ng ibang tagapangunang Ibanese upang sila ay tulungan subalit gayun din ang kanilang nagiging suliranin. Maraming Kristiyano sa Borol ang tumigil sa pagkakaloob. Ang iba ay nagpatuloy sa pagbibigay. Ang ilang pastor na Ibanese ay nakabili ng sasakyan at maaayos na bahay dahil sa suporta ng mga Kristiyano sa Borol. Nainggit sa kanila ang ibang pastor at nangarap na magkaroon din ng kaugnayan sa mga nagkakaloob na taga-Borol. Karamihan sa mga taong nagugutom sa malalayong lugar ay hindi nakatanggap ng tulong.
Si Warren Buffet ay CEO ng isang kumpanyang nagngangalang Bershire Hathaway. Gusto niyang bumili ng kumpanyang tinatawag na McLane Distribution na pag-aari ng Walmart. Ang pagbili ay nagkakahalaga ng 23 bilyong dolyar. Karaniwan ang ganitong pagbili ay mangangailangan ng ilang buwan ng inspeksiyon upang masuri ng bibili ang lahat ng kaugnay dito. Nakipagkita si Buffet sa mga tagapanguna ng Walmart at gumawa ng kasunduan sa isang pagkikita lamang. Hindi siya nagsugo ng sinuman upang tiyakin ang ari-arian at ibang assets ay nasa mabuting kalagayan. Pagkalipas noon, sinabi niya, “Alam namin na ang lahat ng bagay ay eksakto tulad ng sinabi ng Walmart, at gayun nga.” Ang malaking bilihang ito ay mabilis na natapos dahil nagtiwala sa isa’t-isa ang mga lider.[1]
Ngayon isipin ninyo ang mga taong inilarawan sa mga naunang ilustrasyon. Walang isa man sa kanila ang makagagawa ng ganitong mga kasunduan, dahil hindi sila mapagkakatiwalaan. Ang lahat ng bagay ay kinakailangang suriin, na mangangailangan ng mahabang oras at malaking gastos.
► Ano ang ilan sa mga gawaing hindi matapat na mahirap iwasan ng mga tao sa inyong kultura?
► Ano ang isang gawain na kailangan mong baguhin?
Aming Ama sa Langit,
Pinupuri ka po namin sa pagiging Dios ng katuwiran at katotohanan. Pinasasalamatan po namin kayo sa pagiging matapat sa iyong relasyon sa amin.
Tulungan mo po kaming sundin ang pamantayan ng katapatan na gusto mo para sa amin. Tulungan mo po kaming gamitin ang mga prinsipyo ng katapatan sa lahat ng aming sinasabi at ginagawa.
Salamat po sa pagiging aming Ama na nagkakaloob at gumagabay sa amin. Nais naming pagtiwalaan ka na siyang mangangalaga sa amin.
Amen
(1) Sumulat ng isang parapo tungkol sa bawat isa sa mga sumusunod:
Ipaliwanag ang kaugnayan sa pagitan ng karakter ng Dios (katotohanan) at ng pamantayan ng Dios para sa atin (katapatan). Ipaliwanag kung bakit hinihingi ng Dios na tayo ay maging matapat sa ating mga sinasabi at sa lahat ng ating mga pakikipag-usap.
Bigyang buod kung ano ang sinasabi ng Biblia tungkol sa katapatan. Gumamit ng hindi bababa sa tatlong batayang talata sa Kasulatan sa iyong buod.
Ipaliwanag ang hindi bababa sa apat na paraan kung saan nakakaapekto ang kawalang-katapatan/katapatan sa ating mga relasyon sa ibang tao.
(2) Maghanda ng isang biblikal na presentasyon tungkol sa pagiging matapat na maaari mong ibahagi sa isang grupo ng mga tao sa inyong kultura. Magbigay ng basehan ayon sa Biblia para sa pamantayan ng Dios, pagkatapos ay gamitin iyon sa mga tiyak na sitwasyon.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.
Questions? Reach out to us anytime at info@shepherdsglobal.org
Total
$21.99By submitting your contact info, you agree to receive occasional email updates about this ministry.
Download audio files for offline listening
No audio files are available for this course yet.
Check back soon or visit our audio courses page.
Share this free course with others