Ang konstruksyon ng templo ay nagsimula na! Ang pundasyon pa lamang ang naitayo, ngunit iyon ay isang makabuluhang tagumpay. Ang mga tao ay nagtipun-tipon upang magdiwang. Marami ang sumisigaw sa kasabikan at papuri sa Dios. Ngunit nang makita ng matatandang kalalakihan ang pundasyon, napagtanto nila na ang bagong templo ay hindi magiging kasing ganda ng orihinal na templo. Umiyak sila nang may pagdadalamhati sa kadahilanan na ang dakilang templo na kanilang naaalala ay nawala na nang tuluyan. Ang kalungkutan at ang kagalakan ay naghahalo mula sa ingay ng mga tao. Iyon ay isang panahon ng malaking pagbabago, at ang mga tao ay may iba’t ibang damdamin tungkol sa iba’t ibang aspeto ng pagbabago (Ezra 3:10-13).
Ang mundo ay mabilis na nagbabago. Ang teknolohiya ay mabilis na sumusulong. May mga bagong produktong iniaalok. Binabago ng maraming tao ang kanilang mga paniniwala tungkol sa buhay, sa mundo, at relihiyon.
Ang pagbabago ay nakakaapekto sa mga organisasyon. Ang mga organisasyon ay dapat magbago upang matugunan ang mga pangangailangan ng isang nagbabagong kapaligiran. Hindi nila dapat baguhin ang kanilang mga pinahahalagahan o ang kanilang layunin, ngunit dapat nilang baguhin ang kanilang mga hangarin, estratehiya, at mga pagkilos.
Dapat pangunahan ng pinuno ang pagbabago sa kanyang organisasyon. Kung hindi siya handa para sa pagbabago, palagi siyang tumutugon sa mga panlabas na pagbabago. Hindi magandang pamumuno kung laging ipinapaliwanag na ang isang organisasyon ay bumabagsak dahil sa hindi inaasahang mga pagbabago.
Ang isang pinuno ay hindi dapat naghihintay at nangangarap lamang na mabago ang mundo sa paraang makakatulong ito sa kanyang organisasyon. Hindi niya dapat tanggapin ang pagbagsak ng samahan dahil sa mga pagbabago na wala sa kanyang kontrol. Sa halip na magreklamo tungkol sa isang nagbabagong mundo, dapat niyang baguhin ang organisasyon upang matugunan ang mga pangangailangan ng isang nagbabagong mundo.
“Nabanggit na ang pagtingin sa hinaharap ay isang responsibilidad sa pamumuno na hindi maaaring italaga sa iba. Maaari itong ibahagi, ngunit tungkulin ng pinuno na gumawa ng oras ngayon upang matiyak na may bukas.”[1] Dapat tiyakin ng pinuno na mayroong hinaharap para sa organisasyon sa pamamagitan ng paghahanda nitong matugunan ang hinaharap. Kung hindi ito magagawa ng pinuno, walang ibang gagawa nito. Kung ang namumuno ay naging isang tagapamahala lamang ng kasalukuyang mga pangyayari, ang tunay na trabaho ng isang pinuno ay hindi magagawa.
[2]► Bakit kinakailangan na mag-alala/pag-isipan ng isang namumuno ang tungkol sa hinaharap?
Ang pagbabago ay kinakailangan hindi lamang dahil sa panlabas na pagbabago,kundi dahil sa pag-unlad ng organisasyon. Malinaw na ang isang nabigong organisasyon ay dapat magbago, ngunit kahit ang isang nagtatagumpay na organisasyon ay dapat na magbago upang mas higit na magtagumpay. Hindi lahat ng pagbabago ay nakakabuti, ngunit kung walang pagbabago ay walang pagpapabuting magaganap.
Sinusubukan ng ilang tao na maiwasan ang mga problema sa pamamagitan ng pag-iwas sa pagbabago. Para sa kanila, ang bawat ideya ay isang problema dahil ito ay nagmumungkahi para sa pagbabago.
Nakikita ng isang mabuting pinuno ang mga problema bilang isang hindi maiiwasang bagay patungo sa daan ng pagpapabuti.
► Paano maaaring makita ang problema bilang isang pagkakataon?
Sinabi ng propeta kay Haring Hezekiah na ang paghuhukom ay darating, ngunit hindi sa panahon ng kanyang buhay. Hindi gaanong nag-alala si Hezekiah nang marinig niya na ang mga resulta ng kanyang pagkilos ay makakaapekto sa susunod pang henerasyon (2 Hari 20:16-19).
Iniisip ng isang matapat na pinuno kung paano makakaapekto sa mga tao sa hinaharap ang kanyang mga aksyon. Ang ilang mga resulta ng isang desisyon ay maaaring hindi kaagad na lumitaw sa loob ng maraming taon, ngunit dapat tandaan ng pinuno na hinuhubog niya ang hinaharap sa pamamagitan ng kanyang mga desisyon.
[1]Ken Blanchard and Mark Miller, The Secret: What Great Leaders Know and Do (San Francisco: Berrett-Koehler Publishers, 2014), 51
“Ang pagbabago ay ang pagkakaiba sa pagitan ng isang tagapamuno at ng isang tagasunod.”
- Steve Jobs
(nagtatag ng Apple Computer)
Ang Mabuting Pagbabago
Mabuti ba ang pagbabago? Hindi palagi. Ang paghina, pagkasira, at pagkabulok ay pawang pagbabago, ngunit hindi magandang pagbabago.
Huwag baguhin ang mga bagay upang magkaroon lamang ng pagbabago. Ang pagbabago ay dapat gawin nang maingat upang makamit ang isang hangarin.
Kapag nagsisimula pa lamang ang isang namumuno, alam na ng karamihan sa mga miyembro ng organisasyon na kailangan nila ng ilang pagbabago. Sa paggawa ng mga pagbabagong ito, pinatataas ng lider ang kanilang kumpiyansa. Habang unti-unti siyang gumagawa ng mga mas mahirap na mga pagbabago, ang kanilang kumpiyansa sa kanya ay lumalaki kapag ang pagbabago ay nagbubunga ng magagandang resulta.
Ang pinakamalaking pagbabago ay nangyayari kapag nilinaw ng organisasyon ang mga pinahahalagahan at layunin nito, pagkatapos ay gumagawa ng malaking pagbabago sa mga hangarin at estratehiya nito. Ito ay isang proseso. Kung ginawa ito ng masyadong mabilis, maraming tao ang hindi makikipagtulungan. Hindi ito maaaring magawa nang mag-isa ng pinuno dahil dapat nakikibahagi sa mga pinahahalagahan at layunin ng organisasyon ang karamihan ng miyembro.
Karamihan sa mga organisasyon ay nangangailangan ng mga pagbabago sa kanilang pananalapi, upang ang pera ay magamit para sa isang bagay na mas mahalaga at upang makakuha ng mga mas mahusay na resulta. Kadalasan ang paggastos ay hindi naaayon sa mga prayoridad ng organisasyon. Malalaking pagbabago sa pananalapi ang magaganap kung magbago ang organisasyon dahil ang pananalapi ay gagamitin kung saan lumilitaw ang mga prayoridad.
► Bakit naipapakita ng paggastos ang totoong mga prayoridad?
Pag-unawa sa Mga Kundisyon
[1]Gampanin ng isang pinuno na mailarawan nang tumpak ang mga katotohanan o kaganapan para sa kanyang sarili at sa koponan. Kapag may mga problema na dapat lutasin, ang sitwasyon ay madalas na mas malala kaysa sa iniisip natin, ang proseso ng pagwawasto ay mas matagal kaysa sa ating plano, at ang halaga ay mas malaki kaysa sa ating inaasahan. Ang isang pinuno ay natutuksong paliitin ang problema upang magbigay katiyakan sa kanyang mga tagasunod, ngunit sa huli ay maaaring makakasama sa kanyang kredibilidad.
Maaaring masamain ng isang pinuno ang mga negatibong reaksyon sa kanyang mga ideya, ngunit dapat siyang makinig ng mabuti sa kanilang mga pag-aalinlangan at babala. Dapat niyang seryosohing tanggapin ang mga katotohanan. Kung sa palagay niya na ang kanyang ideya ay napakahusay na gagana kahit na hindi niya isinasaalang-alang ang lahat ng sitwasyon, bibiguin lamang niya ang kanyang sarili at ang mga taong naniniwala sa kanya. “Hindi ka talaga makakagawa ng isang serye ng magagandang desisyon nang hindi mo muna hinaharap ang mga matitinding katotohanan.”[2]
Kapag gumagawa ng estratehiya, isaalang-alang,“Paano ba tayo napaglipasan ng panahon sa ating pag-iisip, pamamaraan, at kasanayan?”
Para sa pagbuo ng pangitain/vision, itanong ang katanungang ito:”Kung mayroon ka ng lahat ng tulong at pera na iyong kailangan, ano ang nais mong maisakatuparan?” Kung wala kang maisagot, wala kang pangitain/vision.
► Hayaang talakayin ng pangkat ang naunang talata. Bakit ipinapakita ng katanungang iyon kung ang isang tao ay may pangitain? Bakit mahalagang magkaroon ng sagot sa tanong?
“Ang katapangan ay ang kinakailangan upang tumindig at magsalita; ang katapangan din ang kinakailangan upang manatiling nakaupo at nakikinig. ”
- Winston Churchill
[2]Jim Collins, Good to Great: Why Some Companies Make the Leap... and Others Don’t (New York: HarperBusiness, 2001), 70
Pagtutol sa Pagbabago
Anong mga bagay ang sinasabi ng mga tao kapag tumututol sila sa pagbabago?
Ang mga taong tumututol sa pagbabago sa ministeryo ay maaaring magsabi ng mga bagay katulad nito:
“Ito ang pamamaraan na pinagpala tayo ng Dios noong nakalipas na panahon; hindi tayo dapat gumawa ng iba pa.”
“Ang mga Espirituwal na pinuno ng nakalipas na panahon ay nagturo sa atin na gawin ito sa ganitong paran; hindi mo maaaring sabihing mali sila.”
“Hindi natin kailangan ng mas mahusay na mga pamamaraan; kailangan natin ng mas maraming pananalangin.”
“Hindi hinihingi ng Dios na magtagumpay tayo; hinihiling niya sa atin na maging matapat tayo, kaya’t dapat nating ipagpatuloy ang ating ginagawa.”
Ang mga taong hindi ganap ang pakikiisa sa pagpapabuti ay maaaring magsabi ng mga bagay katulad nito:
“Ang mga pamamaraan natin sa paggawa nito ay maayos naman na gumagana; kaya bakit kailangang baguhin?”
“Wala akong oras upang gumawa ng dagdag pang trabaho.”
Mayroong iba’t ibang kadahilanan para sa pagtutol sa pagbabago, at hindi natin dapat ipagpalagay na lahat ay may parehong kadahilanan.
Ang mga tao ay tumututol sa pagbabago kapag:
Hindi nila nauunawaan ang layunin
Hindi sila sumasang-ayon sa pamamaraan
May pinahahalagahan silang bagay na hindi naisama
Natatakot sa mga bagong problemang maaaring lumitaw
Nasisiyahan sa isang comfort zone
Nais manatili sa isang larangan ng kakayahan
Pagtutol sa karagdagang tungkulin o sakripisyo
May emosyonal o panrelihiyong pagkahumaling sa mga lumang kaugalian
Paghahanda sa mga Tao para sa Pagbabago
Dinadala ng isang mabuting pinuno ang mga tao sa pagbabago sa pamamagitan ng mga pinakamahusay na mga resulta at sa pinakamaliit na posibleng pinsala. Kung paanong tila dinadala mo ang pangkat sa isang paglalakbay, gagawin mo ang pananaliksik upang maaari mong maipaliwanag sa kanila kung ano ang kanilang aasahan. Maging handa.
Ang pangunahing pangkat ng organisasyon ay kinakailangang pangunahan sa mga hakbang sa pagtuklas ng mga pinahahalagahan at layunin ng organisasyon. Ang mga kongklusyon ay dapat na isulat.
Ang pakikibahagi sa pagmamay-ari ng layunin ay kinakailangan; dahil kung hindi, ito ay isa lamang indibidwal na nagnanais ng tulong sa kanyang mga hangarin. Ang pakikibahagi sa mga hangarin ang siyang nagbubuklod sa koponan.
Tandaan na panatilihin ang koneksyon sa kasaysayan ng organisasyon. Huwag kumilos na parang ang lahat ng bagay na ginawa dati ay walang halaga. Ipakita kung paano mabubuo ang pag-unlad sa hinaharap sa pamamagitan ng mga bagay na nagawa na.
► Bakit mahalaga na manatiling konektado sa kasaysayan ng organisasyon?
Dapat na ipakita ng isang batang pinuno na pinahahalagahan niya ang mga nagawa sa nakaraan. Dapat niyang pahalagahan ang pakikisama/fellowship na ibinahagi/ ng organisasyon. Hindi lamang ang pag-unlad at kahusayan ang dapat niyang pahalagahan.
[1]Magtaguyod ng isang paraan ng “pagsubaybay sa marka.” Tulad sa isang laro ng palakasan, kailangang malaman ng koponan kung ano ang ibig sabihin ng “pagpuntos” at kung ano ang ibig sabihin ng “foul/di tama.” Ang scoreboard ay mahalaga para sa pagsusuri, paggawa ng desisyon, pagsasaayos, at pagwawagi.
Tandaan na ang personal na kredibilidad ng pinuno ay ang pangunahing kadahilanan para sa pagtanggap ng mga tao ng isang pangitain. Ang mga tao ay hindi nakukumbinsi ng isang plano maliban kung pinagkakatiwalaan nila ang pinuno. Panatilihin ang kanilang tiwala sa pamamagitan ng palagiang pagkilos na may integridad. Huwag silang linlangin, at huwag ipagkait sa kanila ang mga impormasyon na nakakaimpluwensya sa kanilang desisyon.
Kailangang magkaroon ang pinuno ng dalawang uri ng pagtitiwala mula sa kanyang pinamumunuan. Kailangang makuha niya ang pagtitiwala nila sa kanyang pagkatao. Kailangan rin niyang makuha ang pagtitiwala nila sa kanyang kakayahan. Hindi lamang sila dapat maniwala na mayroon siyang mabuting pagkatao, kundi dapat rin nilang paniwalaan na kaya niyang mamuno nang maayos. Mayroong mabubuting tao na hindi kayang mamuno, at may mga taong may malaking kakayahan ngunit hindi naman mapagkakatiwalaan ang pagkatao.
Kailangang malaman ng mga tao na ang pinuno ay nagmamalasakit sa mga bagay na pinahahalagahan nila. Kung sa palagay nila ay wala siyang pakialam, susubukan nilang protektahan ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagtutol sa pagbabago at pagtatago sa kanilang mga opinyon at mga pagkilos.
Karamihan sa mga permanenteng pagbabago ay hindi dapat gawin bilang tugon sa isang hindi inaasahang pangyayari. Sa isang hindi inaasahang pangyayari, maglaan ng oras upang masuri ng tumpak ang sitwasyon. Ano ang totoong banta? Isaalang-alang kung ano ang talagang nasa panganib at alin ang hindi. Isaalang-alang kung ano ang maaaring gawing tugon upang maiwasan ang panganib nang hindi nagpapatupad ng mga permanenteng patakaran. Anong tulong ang maaaring magamit? Panatilihing kalmado ang organisasyon.
Pag-unawa Kung Paano Nakakaapekto sa mga Tao ang Pagbabago[2]
Kung Paano Nakakaapekto sa mga Tao ang Pagbabago
Kung Paano Sila Susuportahan
Ang mga tao ay walang kumpiyansa sa pagharap sa pagbabago.
Tulungan silang maramdaman na sila ay handa.
Ang mga tao ay nakakaramdam ng pag-iisa kahit na ang iba ay dumaranas ng parehong pagbabago. Mayroong posibilidad na protektahan ang kanilang sariling interes at gumawa ng mga lihim na plano.
Tulungan silang magtulungan at magbahagi ng mga ideya upang hindi nila maramdamang sila ay nag-iisa.
Iniisip muna ng mga tao kung ano ang mawawala sa kanila.
Hayaan silang magsalita tungkol sa kung ano sa palagay nila ang mawawala sa kanila. Huwag magpanggap na ang mga mawawala ay maliit o hindi totoo.
Nag-aalala ang mga tao na ang mga pagbabago ay nangyayari nang mas mabilis kaysa sa kaya nila.
Ihanda sila sa pagsasanay at suporta. Iiskedyul ang mga pagbabago upang hindi ito mangyari nang biglaan.
Ang magkakaibang tao ay nasa magkakaibang antas ng kahandan para sa pagbabago.
Huwang maging mabilis sa paghusga sa mga taong nangangailangan ng iba’t ibang uri ng katiyakan.
Ang mga tao ay may posibilidad na bumalik sa kanilang dating pamamaraan kung ang mga pagbabago ay hindi tuloy-tuloy na ipinatutupad at pinapanatili.
“Kapag ang pinakamataas na layunin ng isang kapitan ay ingatan ang kanyang barko, dapat niya itong habang panahong panatilihin sa pantalan. ”
- Thomas Aquinas
[2]This table of information is revised from Ken Blanchard and Phil Hodges, The Servant Leader (Nashville, TN: Thomas Nelson, 2003), 66-67.
Pagpapatupad ng Pagbabago
Ang gampanin ng isang pinuno ay tukuyin at bigkasin ang ilang mga pinahahalagahan, at pagkatapos ay kumilos upang makita itong nagpapatuloy sa buong organisasyon. Hindi ito magagawa ng pinuno nang hindi siya nakikibahagi sa makinarya ng organisasyon.[1]
Hindi trabaho ng isang pinuno na pangasiwaan ang bawat detalye ng organisasyon. Kung gagawin niya iyon, pinipigilan niya ang (1) pagpapa-unlad ng mga pinuno na makakatulong sa kanya at (2) nililimitahan niya ang gawain ng organisasyon sa lawak lamang ng kaya niyang pangasiwaan.
Gayunman, hindi niya mababago ang organisasyon ng hindi (1) nalalaman kung paano ginagawa ang lahat at (2) naipaliwanag kung paano mailalapat ang mga pinahahalagahang iyon sa bawat operasyon.
Nangangahulugan iyon na dapat na maging pamilyar siya sa mga gawain ng bawat departamento, tumulong sa paggawa ng mga tiyak na pagbabago na kinakailangan, at sanayin at itaguyod ang mga pinuno na magsasagawa ng mga pinahahalagahan sa kanilang mga departamento.
...pinamumunuan ng pinuno ang pamamahala upang ang mga paniniwala ng organisasyon ay iginagalang, napapanatili, naipaparating, at nailalagay sa sama-samang pagkilos.[2]
Hindi sapat para sa nangungunang pinuno na patuloy na magturo ng mga pinahahalagahan. Kahit na ang pagpapakita ng mga ito sa kanyang sariling aksyon ay hindi sapat. Dapat niyang tiyakin na isinasagawa ang mga ito sa buong organisasyon. Dapat niyang hanapin ang mga tao sa organisasyon na talagang naniniwala sa mga pinahahalagahan at may kakayahang tulungan siyang ipatupad ang mga ito.
Ipinapakita ng paggastos ng isang organisasyon ang mga prayoridad nito. Ang ipinapahayag na layunin ay hindi ang tunay na layunin maliban kung ang kanilang badyet ay naaayon dito. Nangangahulugan iyon na ang makabuluhang pagbabago ng organisasyon ay palaging mangangahulugan ng pagbabago sa badyet. “Ang mga mabisang pinuno ay nagbibigay ng masidhing personal na atensyon sa badyet sapagkat doon lumalabas ang totoong mga paniniwala ng organisasyon.”[3]
► Paano mo ibubuod kung ano ang itinuturo sa sekyong ito tungkol sa trabaho ng isang pinuno?
[1]Albert Mohler, The Conviction to Lead: 25 Principles for Leadership that Matters (Bloomington: Bethany House Publishers, 2012), 118
Ang organisasyon ay magkakaroon ng maliit, panandaliang layunin; ngunit pagkatapos na maging malinaw ang layunin at pangitain, dapat ay maitakda ng pinuno ang isang malaking layunin na makakapagbigay inspirasyon at motibasyon sa organisasyon.
Ang malaking layunin ay dapat na itakda pagkatapos dumaan ang organisasyon sa proseso ng paghahanap ng mga pinahahalagahan at layunin na inilarawan sa leksyon na “Ang Ministeryong may Layunin.”
Ang malaking layunin ay maaaring isang bagay na nangangailangan ng maraming taon upang makamit. Dapat itong napakalaki at may hamon na nangangailangan ng mataas na antas ng pagtutulungan,lakas at estratehiya upang maabot ito.
Ang malaking layunin ay dapat madaling mauunawaan ng lahat. Dapat itong isulat at bigyang-diin. Hindi lamang ito isang panaginip/pangarap, ngunit isang tunay na inaasahan.
Dapat pinagbubuklod ng malaking layunin ang organisasyon. Hindi ito dapat biglaang ipinatutupad ng mga pinuno. Dapat itong mangyari pagkatapos ng maraming talakayan upang makita ito ng mga nakikibahagi bilang naaangkop na layunin.
Kapag ang layunin ay nakamit, hindi na nito naibibigay ang kanyang layunin. Dapat na itakda ang isang bagong layunin. Dapat maging handa ang mga namumuno na manguna sa pagtatakda ng isang bagong layunin.
Paggamit ng Momentum
Ang Momentum ay ang tuloy-tuloy na paggalaw mula sa isang nakaraang motibasyon. Kapag pinag-uusapan natin ang momentum para sa isang organisasyon, nangangahulugan ito na ang mga tao ay handa na magpatuloy sa pagbabago at pagpapaunlad dahil sa isang tagumpay kamakailan lang.
Bilang isang pinuno, isaalang-alang kung anong momentum ang mayroon ang samahan mula sa tagumpay na naganap bago ka dumating. Paano mo ito magagamit at madaragdagan?
Isaalang-alang kung paano gawing momentum ang kasalukuyang mga tagumpay. Paano mo magagamit ang isang tagumpay kamakailan lang upang hikayatin ang mga tao na magkaroon ulit ng isa pang pagsisikap?
Huwag ipagpalagay na pinapananatili ng momentum ang kanyang sarili: gabayan ito at bigyan ito ng mga bagong tagumpay. Sadyain na magkaroon ng maayos na plano at iskedyul ng oras upang gabayan, hikayatin, at gamitin ang momentum. Ipagdiwang at isapubliko ang mga tagumpay, maging mapagbigay ng mga (kredito/credit) pagkilala.
Ano ang mga kadahilanan na nag-uudyok sa iyong mga pinamumunuan? Ano ang nagbibigay sa kanila ng pakiramdam ng momentum?
Alisin ang mga kadahilanan na hindi nakapagbibigay ng motibasyon. Ano ang naglilimita sa mga inaasahan ng mga tao at pinipigilan ang kasigasigan? Anong mga bagay ang nagpaparamdam sa mga tao na hindi sila maaaring magtagumpay?
Pahintulutan ang ilang mga mag-aaral na ibahagi kung paano nila inaasahan na baguhin ng leksiyong ito ang kanilang mga layunin o aksyon.
Limang Buod na Pahayag
Dapat baguhin ng organisasyon ang kanilang mga layunin, estratehiya, at pagkilos upang matugunan ang mga pangangailangan ng isang nagbabagong mundo.
Dapat tiyakin ng pinuno na mayroong hinaharap para sa organisasyon sa pamamagitan ng paghahanda dito na matugunan ang hinaharap.
Ang mga tao ay hindi nakukumbinsi sa isang plano maliban kung may tiwala sila sa pinuno.
Dinadala ng isang mabuting pinuno ang mga tao sa pagbabago sa pamamagitan ng pinakamahusay na mga resulta at pinakamaliit na posibleng pinsala.
Ang tamang malaking layunin ay nagbibigay inspirasyon, nagbibigay motibasyon, at pinagkakaisa ang organisasyon.
Mga Takdang Aralin:
(1) Sumulat ng isang talata na nagbubuod ng isang konsepto na nakakapagpabago ng buhay mula sa leksiyong ito. Ipaliwanag kung bakit ito mahalaga. Ano ang kabutihang magagawa nito? Anong pinsala ang maaaring maganap kapag hindi ito nalaman?
(2) Ipaliwanag kung paano mo mailalapat ang mga alituntunin ng leksiyong ito sa iyong sariling buhay. Paano binabago ng leksiyong ito ang iyong mga layunin? Paano mo planong baguhin ang iyong mga pagkilos?
(3) Isaulo ang Limang Buod na Pahayag para sa Leksiyon 12. Maging handa na isulat ang mga ito mula sa memorya sa simula ng susunod na sesyon ng klase.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.