Ang isang pangkat ng mga batang lalaki ay naglalaro nang magkakasama. Sinabi ni John, isa sa kanila, “Tara, maglaro tayo ng football.” Tila walang nakapansin na nagsalita siya. Pagkatapos ay sinabi ni Tim, isa pang bata na, “George, kunin mo ang mga kahoy na iyon, at maglalaro tayo bilang mga sundalo.” Kinuha ni George ang mga kahoy, at pagkatapos ang mga batang lalaki ay kumilos upang maglaro sila tulad ng isang hukbo.
► Sino ang pinuno ng grupong ito, si John o si Tim? Ano ang isang pinuno?
► Bakit natin masasabi na ang pamumuno ay hindi agad na nangangahulugan ng isang posisyon na may awtoridad?
Kahulugan ng Pamumuno
Kung minsan ang isang tao sa isang posisyon na may awtoridad ay hindi talaga ang taong may kontrol. Kung minsan ang isang tao na wala sa isang opisyal na posisyon ay siyang sinusunod ng mga tao. Ito ay nangangahulugan na ang pamumuno ay higit pa sa isang posisyon.
Ang isang pinuno ay isang tao na sinusundan ng mga tao.
Ang Pamumuno ay ang impluwensya.
Anumang oras na sinusubukan mong impluwensyahan ang mga saloobin at aksyon ng iba tungo sa ninanais na tagumpay sa alinman sa kanilang personal o propesyonal na buhay, ikaw ay nagsasagawa ng pamumuno.[1]
Ilang Mga Karaniwang Sitwasyon
Ang isang tagapamahala ng pabrika ay nag-anunsyo ng mga bagong patakaran. Pagkaalis niya, isa sa mga manggagawa ang nagsasabi sa iba nitong kasamahan kung ano talaga ang gagawin nila.
Isang pangkat ng mga tao ang sama-samang naglalakbay sakay ng isang bus. Ang bus ay nasira. May isang taong lumabas upang kumuha ng kanilang lilipatang sasakyan.
Ang isang pastor ay nagpapaliwanag sa isang pangkat ng mga miyembro ng kanyang iglesya kung ano sa palagay niya ang dapat gawin ng iglesya. Ang mga miyembro ay nakinig ngunit hindi nagbigay ng isang tiyak na tugon. Hinihintay pa nila ang isang taong wala pa roon na siyang magsasabi sa kanila kung ano ang kanilang gagawin.
Isang negosyante and nagrereklamo na kailanman na siya’y umaalis sa indahan, hindi sumusunod sa kanyang mga tagubilin ang kanyang mga empleyado. Sa bawat sitwasyong nabanggit sino ang pinuno? Ang taong pinili ng ibang tao na sundin.
Tinutukoy natin ang pamumuno. Hindi pa natin tinutukoy kung ano ang isang mahusay na pinuno o isang pinuno na mabisa ng pangmatagalan. Ang kilos ng isang pinuno ay maaaring tama o mali at maaaring magkaroon ng magagandang resulta o masasamang resulta. Ang isang tao ay maaaring isang pinuno na mabilis sundin ng mga tao. ngunit maaaring hindi isang tao na tutuparin ang kanilang mga inaasahan. Maaari siyang magkaroon ng isang pattern na madalas nakakaakit ng mga bagong tagasunod ngunit hindi nagtatagal ay nawawala ang mga ito.
Kung ang isang tao ay gumawa ng mga pagkilos na nakakaakit at sinusundan ito ng mga tao, siya ay isang pinuno sa oras na iyon. Ang isang tao ay maaaring isang pinuno sa isang pagkakataon at hindi sa iba. Ang pagkilos ng isang tagapamuno ay maaaring tama o mali, at maaaring magkaroon ng mabuti o masamang bunga o resulta.
Maaari siyang nanguna sa ilang mga sitwasyon at hindi sa iba dahil sa mga espesyal na kakayahan. Kung tutukuyin ang pamumuno bilang impluwensya, si Jesus ang pinakadakilang pinuno sa buong kasaysayan. Milyun-milyong tao ang sumusunod sa kanyang mga aral. Umiiral ang mga institusyon sa buong mundo na may layuning sundin ang kanyang mga utos.
Isa sa kanyang mga estratehiya ay nakatuon sa pagtatanim ng kanyang katangian at pinahahalagahan sa isang maliit na grupo ng mga tagasunod.
Inilarawan ni Jesus ang pamumuno bilang isang paglilingkod (Mateo 20:25-28). Sa pamamagitan din ng kahulugan na ito, si Jesus ang pinakadakilang pinuno mula sa buong kasaysayan dahil ibinigay niya ang pinakadakilang serbisyo para sa lahat ng mga tao sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaligtasan.
[1]Ken Blanchard and Phil Hodges, The Servant Leader: Transforming Your Heart, Head, Hands, and Habits (Nashville, TN: Thomas Nelson, 2003),
Ang Pamumuno Ay Higit Pa Sa Posisyon
Ang opisyal na posisyon ay nagbibigay sa iyo ng karapatang gumamit ng awtoridad, ngunit hindi ka awtomatiko na ginagawang isang pinuno.
Huwag ipagpalagay na ikaw ay namumuno dahil may hawak kang posisyon, lalo na kung hindi ka inilagay sa posisyon ng mga taong sinusubukan mong pangunahan. Ang posisyon ay isang pintuan lamang ng pamumuno. Ang posisyon ay nagbibigay sa iyo ng pagkakataong maging isang pinuno. Ang isang posisyon, sa kanyang kahulugan, ay hindi ka ginagawang isang pinuno.
► Ipaliwanag ang pahayag na ito: “Ang posisyon ay isang pintuan lamang sa pamumuno.”
Kapag sinabi ng isang tao sa mga taong pinamumunuan niya, “Ako ang boss,” o “Ako ang pastor,” madalas niyang ginagawa ang pahayag na ito dahil hindi tinatanggap ng mga tao ang kanyang awtoridad. Mayroon siyang posisyon, ngunit ang mga tao ay hindi sumusunod. Sinusubukan niyang gamitin ang awtoridad ng kanyang posisyon dahil hindi sapat ang lakas ng kanyang impluwensya.
► Ano ang ibig sabihin ng pahayag na ito?: “Hindi mo kailanman kinakailangang ipaalala sa mga tao na ikaw ang kanilang pinuno.”
Si Samuel ang nangungunang propeta at pari bago nagkaroon ng hari sa Israel. Nagsilbi siyang hukom para sa mga tao. Ang kanyang mga anak ay hindi sumunod sa kanyang matuwid na halimbawa; kaya’t nang matanda na si Samuel, ang mga tao ay lumapit sa kanya upang hilingin sa kanya na bigyan sila ng isang hari (1 Samuel 8:5).
Nakita natin ang impluwensya ni Samuel sa katotohanan na alam ng mga tao na siya lamang ang maaaring humirang ng isang hari. Hindi nila sinubukan na humirang ng isang hari sa pamamagitan ng iba pang paraan. Nang sinabi niya sa kanila na si Saul ang kanyang pinili, hindi lahat ay tumanggap kay Saul, ngunit walang sinuman ang may sapat na impluwensya upang magtalaga ng ibang hari.
Ang impluwensya ni Samuel ay batay sa isang buhay na nagpapakita ng karunungan at mabuting ugali. Tinanggihan ng mga tao ang mga anak na lalaki ni Samuel dahil hindi nagtataglay ang kanyang mga anak ng mga katangian na katulad ni Samuel. Walang antas ng kakayahang mamuno ang maaaring makapagbigay ng impluwensiya kung nagkukulang ang isang tao ng mabuting pag-uugali.
Ang Pamumuno ay Higit sa Kakayahang Tumapos ng Maraming Bagay
[1]Ang isang manggagawa ay isang taong mahusay magtrabaho at natutupad ang mga layunin sa pamamagitan ng kanyang pagsisikap. Ang isang manggagawa ay mahalaga. Ang bawat samahan ay nakasalalay sa mga taong kumikilos para dito.
Ang isang pinuno ay isang tao na isinasaalang-alang kung ano ang maaaring gawin sa pamamagitan ng pag-impluwensya sa iba na magtulungan sa pagkilos. Kung ang isang pinuno ay higit na nakatuon sa pagiging isang tagagawa, hindi niya natutupad ang kanyang responsibilidad na mamuno. Ang kanyang trabaho ay hindi lamang upang gumawa ng mabuting gawain, kundi upang akayin ang iba na gumawa ng mabuting gawain nang magkakasama.
Nararamdaman ng isang manggagawa ang responsibilidad para sa kanyang sariling trabaho. Nararamdaman ng isang pinuno na siya ay responsable para sa kung ano ang ginagawa ng iba, dahil alam niyang maaari niya silang impluwensyahan.
Ibinibigay ng isang manggagawa ang kanyang pinakamahusay na pagkilos para sa gawain. Pinagsasama-sama ng isang pinuno ang mga pagsisikap ng kanyang sarili at ng iba upang matapos ang gawain.
Ang isang manggagawa ay patuloy na nagdaragdag sa kanyang mga nagawa. Ang isang pinuno ay pinaparami ang kanyang mga nagagawa sa pamamagitan ng isang grupo.
Kung ginagawa mo ang karamihan sa gawaing dapat ginagawa ng iyong samahan, hindi mo nagagawa ang pamumunong dapat mong ginagawa. Kung palagi kang abala sa mga gawain na dapat ginagawa ng samahan, maaari kang mabigo na mamuno.
► Suriin ang iyong mga gawain sa trabaho at iyong mga layunin. Anong mga katangian ang mayroon ka bilang isang manggagawa? Anong mga katangian ng pagiging isang pinuno ang mayroon ka?
Maraming tao ang hindi nakakaunawa kung paano ginugugol ng isang pinuno ang kanyang oras. Kung pinamumunuan niya ang isang malaking samahan, maaaring may ilan lamang siyang mga tiyak na gawain.
Halimbawa, isipin ninyo ang isang pangkalahatang tagapamahala ng isang malaking negosyo. Hindi siya kumukuha ng karamihan sa mga manggagawa, sapagkat ibinigay niya ang responsibilidad na iyon sa ibang tao. Hindi siya nagpapatakbo ng makinarya. Hindi siya ang bumibili ng mga materyales. Hindi siya ang nag-aayos ng gusali. Hindi siya ang nagbebenta ng mga produkto. Sa karamihan ng mga tao, maaaring iniisip nila na palakad-lakad lamang siya at tumatawag sa telepono at nakikipagpulong. Kung iiwan niya ang negosyo sa loob ng ilang araw, magiging maayos ito kahit na wala siya.
Ngunit ang pangkalahatang tagapamahala ang siyang nakakakita kung paano kumikilos at nagkakaugnay-ugnay ang lahat ng mga operasyon. Inilalagay niya ang mga tagapamahala ng departamento sa kanilang mga posisyon at tinitiyak na magagawa nila ang kanilang mga trabaho. Pinapananatili niya ang pangkalahatang kalidad ng negosyo at tinutulungan ang lahat na maunawaan kung ano ang pinakamahalaga. Bumubuo siya ng mga sistema na nagbubunga ng tuloy-tuloy na mga resulta. Hinuhubog niya ang kultura ng negosyo. Kung wala siya, di magtatagal ang negosyo ay babagsak.
Sa isang maliit na samahan, ang pinuno ay dapat maging handa na gawin ang anumang kinakailangang gawin. Gayunpaman, dapat palagi siyang naghahanap ng mga taong maaaring sanayin, responsable, at handang kumilos.
Sa isang samahang nagbabago, maaaring kailanganin ng pinuno na maging kabahagi sa gawain ng bawat departamento upang matiyak na naiintindihan ng mga tao ang mga pagbabago. Gayunpaman, dapat niyang sanayin ang mga tao upang mapamunuan niya ang departamento kahit na hindi siya palaging kabahagi sa gawain nito.
Ang isang pastor ay dapat na handang maglingkod at ibigay ang mga pangangailangan ng kanyang mga tao at hindi niya dapat isipin na masyadong mababa ang isang gawain para sa kanyang katayuan. Gayunpaman, dapat niyang akayin ang iba na tanggapin ang mga responsibilidad at kunin ang pamumuno ng mga programa sa iglesya. Kung hindi ito gagawin ng pastor, ang ministeryo ay hindi lalago ng higit sa trabaho na maaari niyang gawin ng personal.
► Ano ang ibig sabihin para sa isang pinuno na “masyadong abala upang mamuno”?
“Ang pinakadakilang tagapanguna ay hindi laging kung sino ang gumagawa ng pinakadakilang bagay. Siya ang taong nakapag-uutos sa mga tao upang gawin ang mga pinakadakilang mga bagay.”
- Ronald Reagan
Mga Katangian ng Isang Pinuno
Inilarawan natin ang pamumuno sa pinakapangunahing anyo nito bilang isang impluwensya. Ang isang pinuno ay isang tao na sinusunod ng mga tao. Gayunpaman, kung ang isang tao ay nagpapatuloy bilang pinuno ng isang pangkat o institusyon, mayroon din dapat siya ng apat na iba pang mga katangian.
(1) Ang isang pinuno ay may awtoridad.
Ang kahulugan ng awtoridad ay kapag ipinasasakop ng iba pang mga tao sa kanyang kalooban ang kanilang kalooban, alinman sa kusang loob o hindi sinasadya. Ang isang tao na kusang sinusundan ng mga tao ay may higit na kapangyarihan, dahil ang mga taong pinilit magpasakop ay ginagawa lamang ang pinakamaliit nilang makakaya. Hindi nila gagamitin ang kanilang mga kakayahan at imahinasyon upang makamit ang isang layunin.
(2) Ang isang pinuno ay may responsibilidad.
Inaasahan na mayroon siyang kaalaman, kakayahan, at pamamaraan na kinakailangan upang magtagumpay ang isang pangkat. Kung ang isang grupo ay hindi magtagumpay, ang namumuno ang siyang sisisihin. Ang pinuno ay hindi maaaring isang taong gumagawa ng mga dahilan para mabigo at sisihin ang iba. Hindi siya maaaring maging isang taong nais na iba ang gumawa ng mga desisyon upang hindi siya masisi sa mga magiging resulta.
Si Poncio Pilato ay gobernador ng Roma sa Judea. Siya ay itinalaga upang mamuno at sugpuin ang mga rebolusyon. Sa panahon ng kanyang pamamahala, nakagawa ng pagkakamali si Pilato. Nag-alala siya na hindi aprubahan ng Roma ang kanyang administrasyon.
Nang si Jesus ay inakusahan bilang isang rebelde, hindi naniwala si Pilato na si Jesus ay nagkasala. Gayunpaman, ipinahiwatig ng mga pinuno ng Hudyo na ibabalita nila na hindi nagawang parusahan ni Pilato ang isang rebelde. (Juan 19:12).
Alam ni Pilato na magkakaroon siya ng malubhang problema kung makakarating sa Roma ang balitang iyon. Kaya, nagpasya siyang hayaan ang isang inosenteng lalaki ang patayin.
Sinubukan ni Pilato na itanggi na ito ay kanyang desisyon. Naghugas siya ng kamay sa harapan ng mga pinuno ng Hudyo upang isagisag na hindi siya ang dapat sisihin sa desisyong iyon.
Hindi maaaring sisihin ng isang pinuno ang iba para sa mga desisyon na dapat niyang gawin. Kung hinahayaan niya ang iba na magpasya para sa kanya, dapat pa rin na siya ang sisihin.
Ang isang pinuno ay maaaring magtalaga ng iba sa bawat tiyak na responsibilidad, ngunit hindi niya maitatalaga sa iba ang pinakamalaking responsibilidad para sa tagumpay ng samahan. Hindi niya maaaring sisihin ang iba kung ang organisasyon ay mabigo. Ang pinuno ay mayroong pinakamalaking responsibilidad para sa bawat departamento ng samahan.
Ang isang pastor ay nakatanggap ng maraming reklamo tungkol sa istilo ng musika sa kanyang iglesya. Sinabi niya na hindi niya ito kasalanan sapagkat ang pagpili ng musika ay responsibilidad ng taong namumuno sa pagsamba/pag-aawitan. Mali siya na itanggi ang responsibilidad sapagkat responsibilidad niya na pamunuan ang mga tao na namumuno sa pagsamba/pag-aawitan.
(3) Ang isang pinuno ay may pananagutan sa mga taong pinamumunuan niya.
Ang kanyang pamumuno ay nakasalalay sa suporta ng maraming tao. Kung ang kanyang pamumuno ay walang magandang resulta, mawawalan siya ng impluwensya. Kahit na panatilihin niya ang kanyang posisyon, ang mga tao ay maaaring sumusunod sa iba.
► Paano kung ang isang namumuno ay gumagamit ng awtoridad ngunit hindi sinusubukang maging responsible o tumanggap ng pananagutan?
(4) Ang isang pinuno ay may malawak na pananaw.
Hindi niya hinahayaan ang maliliit na tagumpay o pagkatalo ang makagambala sa kanya mula sa pangunahing layunin. Hindi niya hinahayaan na panghinaan siya ng loob dahil sa mga pagkabigo. Kaya niyang magsakripisyo. Kung siya ay nagiging sobrang mapagmataas o walang katiyakan upang gumawa ng mga pagsasakripisyo, hindi siya magpapatuloy na magkaroon ng higit na tagumpay.
Ang kuwentong ito ay nagmula sa sinaunang kasaysayan. Ipinagtatanggol ng isang bansa ang kanyang sariling bayan mula sa isang sumasalakay na hukbo. Ang hari ay namuno na ng maraming taon at minamahal at pinagkakatiwalaan siya ng kanyang bayan. Nakatanggap siya ng mensahe mula sa heneral ng sumasalakay na hukbo. Hinamon ng heneral ang hari na sumama sa kanyang tatlong anak na lalaki upang labanan ang heneral at tatlo sa kanyang mga tauhan. Sinabi ng heneral na isang duwag ang hari kung hindi niya tatanggapin ang hamon.
Nadama ng hari na malalait siya kung hindi niya tatanggapin ang hamon. Akala niya ay kailangan niyang patunayan ang kanyang tapang. Nakipagtagpo siya at ang kanyang mga anak sa kalaban upang makipaglaban sa isang tulay. Sa laban, ang hari at kanyang mga anak ay napatay. Ang bansa ay naiwan nang walang pinuno at nasakop ng mga sumalakay.
Ang isang makata mula sa nasakop na bansa ang nalungkot sa pagkawala ng hari at isinulat ang kuwento ng pagkawala ng kanilang kalayaan. Sinabi niya na nagkamali ang hari dahil sinunod nito ang pagmamataas. Walang karapatan ang hari na ipagsapalaran ang buong bansa para sa kanyang sariling kapalaluan. Ang tungkulin ng isang hari ay ang pamunuan ang bansa. Nang personal siyang nagpunta upang lumaban, iniwanan niya ang responsibilidad na mamuno.
► Tama bang sabihin ng makata na ang hari ay nagkamali?
Pahintulutan ang ilang mag-aaral na ibahagi kung paano nila inaasahan na baguhin ang kanilang mga layunin o aksyon dahil sa araling ito. Hindi kinakailangan na sumagot sa katanungan ang lahat ng mag-aaral. Huwag madaliin o pilitin ang isang mag-aaral na sagutin ang mga personal na katanungan ng higit sa kanyang kayang ihayag sa oras na iyon. Ang Takdang Aralin 2 ay nagbibigay sa kanila ng pagkakataon na mas mag-isip at magsulat ng kanilang mga ideya.
Limang Buod na Mga Pahayag
Ang isang pinuno ay isang taong sinusundan ng iba.
Ang pamumuno ay impluwensya.
Ang posisyon ay isang pintuan sa pamumuno.
Ang isang pinuno ay hindi maaaring maging isang manggagawa lamang.
Ang pamumuno ay nangangailangan ng awtoridad, responsibilidad, pananagutan, at malawak na pananaw.
Mga Takdang Aralin
(1) Sumulat ng isang talata na nagbubuod ng isang konsepto na makakapagpabago ng buhay mula sa leksiyong ito. Ipaliwanag kung bakit ito mahalaga. Ano ang kabutihang magagawa nito? Anong pinsala ang maaaring maging resulta kapag hindi ito nalaman?
(2) Ipaliwanag kung paano mo mailalapat ang mga alituntunin ng leksiyong ito sa iyong sariling buhay. Paano binago ng leksiyong ito ang iyong mga layunin? Paano mo planong baguhin ang iyong mga aksyon?
(3) Isaulo ang Limang Buod na mga Pahayag para sa Leksiyon 1. Maging handa na isulat ang mga ito mula sa memorya sa simula ng susunod na sesyon ng klase.
(4) Bago ang susunod na sesyon dapat mong basahin ang 1 Timoteo 3:1-13, Tito 1:5-11, at Gawa 6:1-6. Isulat ang ilang mga obserbasyon tungkol sa mga kwalipikasyon para sa pamumuno sa ministeryo.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.