Lesson 7: Paglilinang ng Matibay na Relasyong Mag-asawa
24 min read
by Stephen Gibson
Mga Layunin ng Aralin
Sa katapusan ng araling ito, magagawa ng mag-aaral na:
(1) Maunawaan ang relasyon sa pagitan ng disenyo ng Diyos para sa mga pangangailangan ng mga lalaki at mga babae at ang mga tagubilin ng Diyos para sa mga relasyong mag-asawa.
(2) Maipakita ang mga paraan kung paano natutugunan ng mag- asawa ang pangangailangan ng bawat isa sa pamamagitan ng pagsunod sa mga prinsipyong Bíblikal.
Hindi lihim na magkaiba ang mga kalalakihan at mga kababaihan sa maraming paraan! Maraming kalalakihan ang nahihirapan na ipahayag ang kanilang mga emosyon, samantalang itinuturing ng maraming kababaihan pagpapahayag ng emosyon bilang bahagi ng tunay na komunikasyon. Mas may pagkakataon na sumugal ang mga kalalakihan, samantalang karaniwanng inaalala ng mga kababaihan ang kaligtasan. Mas natural para sa mga kalalakihan ang magkagusto sa pisikal na kagandahan, samantalang karamihan sa mga kababaihan ay natural na mas nagkakagusto sa emosyonal na pagkakasundo. Maraming iba pang pagkakaiba ang maaaring mailista.
Maliban sa mga pangkaraniwang pagkakaiba ng kasarian, mayroong mga pagkakaiba rin sa personalidad ang mag-asawa. Marahil, may isa sa kanila na mas gustong kasama ng ibang tao, samantalang ang isa naman ay mas gustong mapag-isa. Mayroong mga maliliit na gusto, tulad ng gaano dapat kaliwanag sa bahay o anong temperatura ng isang silid. Madalas may mga di-pagkakaunawaan ang mga mag-asawa tungkol sa kung paano dapat gastusin ang pera. Ang mga pagkakaibang ito ay hindi kinakailangang mga pagkakaiba sa karakter; maaaring simpleng pagkakaiba ito sa personalidad at opinyon.
Dahil pinagbubuklod ng kasal ang isang lalaki at isang babae, may mga pagkakataon na iniisip ng mga tao na dapat matapos na ang mga pagkakaiba. Maaaring isipin ng isang tao na ang mga pagkakaibang ito ng kanyang asawa ay mga depekto na dapat baguhin. Maaaring patuloy na subukan ng bawat asawa na baguhin ang opinyon, mga kaugalian, at mga kagustuhan ng kanyang asawa.
Totoo na ang bawat tao ay dapat umunlad at mapahusay dahil sa isang relasyon. Gayunpaman, may mga pagkakataon na ang ating pagsusumikap na baguhin ang isang tao ay pag-atake sa kanyang pagkatao. Sa malulusog na relasyong mag-asawa, pinalalago ng bawat isa ang disiplina ng pagmamahal, paggalang, pagpapahalaga, at paglilingkod sa isa't isa.
► Ano pa ang iba't ibang pagkakaiba sa pagitan ng kalalakihan at kababaihan? Ano pa ang iba't ibang pagkakaiba sa personalidad na dapat tanggapin ng mga tao?
Pagdedesisyong Maglingkod
Sa kanyang aklat na Sacred Marriage, sinabi ni Gary Thomas,
Ang maayos na pagsasama ng mag-asawa ay hindi hinahanap, ito'y isang bagay na kailangang pagsumikapan. Kinakailangan nito ang pagsisikap. Dapat itakwil ang pagkamakasarili. Minsan, kailangan mong mangompronta, at sa ibang pagkakataon, kailangang umamin. Ang gawain ng pagpapatawad ay mahalaga. Hindi maitatangging mahirap ito, ngunit magbubunga ito sa huli. Sa huli, lumilikha ito ng relasyon na puno ng kagandahan, tiwala, at mutuwal na suporta.[1]
Sinipi ni Thomas si Otto Piper:
Kung ang pag-aasawa… ay mapanirang karanasan para sa maraming tao, ang dahilan ay matatagpuan sa [kawalan] ng kanilang pananampalataya. Ayaw ng mga tao ang katotohanan na ang mga pagpapala ng Diyos ay maaari lamang matagpuan at maranasan kapag sila ay patuloy na naghahanap (Mateo 7:7; Lucas 11:9). Kung gayon, ang pag-aasawa ay isang biyaya at isang gawain dapat matamo.[2]
Madalas na hindi umuunlad ang mga relasyong mag-asawa dahil iniisip ng mga lalaki at babae ang kanilang sariling pangangailangan kaysa tugunan ang pangangailangan ng isa't isa.
Hindi natin matutugunan ang pinakamalalim na pangangailangan ng isa't isa. Ang ating Ama sa langit lamang ang ganap na makakatugon sa ating mga pagnanasa at kagustuhan, at iyan ang dahilan kung bakit dumating si Jesus. Ang kanyang layunin ay iligtas tayo, punuin tayo ng Kanyang Espiritu - ang Espiritu Santo - at dalhin tayo sa isang malalim at nakaliligayang relasyon sa “Abba, Ama” (Roma 8:14-15; Galacia 4:6).
Gayunpaman, isa sa mga layunin ng Diyos para sa pag-aasawa ay maging isang lugar para magsanay sa pagiging lingkod; ang parehong uri ng paglilingkod na ating nasusumpungan kay Jesus (Juan 13:14). Gusto ng Diyos na buhayin sa mag-asawa ang mapagkumbabang puso ng isang lingkod na may malasakit sa isa't isa (Filipos 2:3-8).
Ang ilan sa mga pinakamaganda at masayang pagsasama ng mag-asawa ay umiiral dahil pinili ng isa sa kanila na kalimutan ang sarili at paglingkuran ang isa sa pamamagitan ng hindi pangkawanirang mahirap na sitwasyon ng karamdaman, kabiguan, trahedya, o pagluluksa. May ilang lalaki na nagpapatotoo na tiyak na masisira ang kanilang buhay kung hindi sila ipinagdasal ng kanilang mga asawa, pinatawad sila, pinanagot sila, at minahal sila nang walang kondisyon noong sila ay higit na hindi kaaya-aya. May mga babaeng nagpapatotoo na ang pasensya at pang-unawa ng kanilang mga asawa ang nakatulong sa kanila na malampasan ang pinsalang emosyonal na dulot ng abusadong ama o iba pang trauma. Dahil tayo ay nabubuhay sa bumagsak at makasalanang daigdig, kung saan ang lahat ng nilalang ay dumaraing (Roma 8:22), ang bawat taong may asawa ay may dala-dalang mga sugat at galos. Ngunit ang biyaya ng Diyos ay magpapahintulot sa atin na alagaan ang isa't isa at bigyan ng lunas ang mga sugat ng isa't isa!
Bawat isa sa atin ay ipinanganak na makasarili. Likas na mas iniisip natin ang ating mga pangangailangan kaysa sa mga pangangailangan ng iba. Ang Diyos na nagliligtas at naglilinis na biyaya ay makapagbabago sa atin sa pamamagitan ng Espiritu Santo na naninirahan sa atin hanggang tayo ay maging mga taong inuuna ang pangangailangan at kagustuhan ng iba. Bumubuti ang mga mag-asawa kung bawat isa ay nakatuon sa mga pangangailangan at kagustuhan ng isa.
► Ano ang ibig sabihin ng pagdedesiyong maglingkod?
Dinisenyo ng Diyos ang mga kalalakihan at kababaihan na magkaroon ng magkaibang mga pangangailangan at pagnanasa. Ibig sabihin nito, hindi dapat ipagpalagay ng isang lalaki na ang kasiyahan ng kanyang asawa ay makakamtan sa mga bagay na nagpapasaya sa kanya. Hindi dapat ipagpalagay ng babae na gusto ng kanyang asawa na tratuhin sa parehong paraan na gusto niyang tratuhin siya. Malinaw na ang ilang asal ng kabutihan at paggalang ay dapat pareho sa pagitan ng mag-asawa, ngunit mayroong mga natatanging pangangailangan ang kalalakihan at kababaihan.
Kung mauunawaan natin ang espesyal na pangangailangan ng kalalakihan at kababaihan, mauunawaan natin kung paano tugunan ang mga pangangailangan ng asawa. Nakakalungkot na maraming pag-aaway at pag-uusap sa pagitan ng mga asawa ang hindi nakakalutas ng mga problema dahil hindi nauunawaan ng bawat isa ang pangangailangan ng isa't isa. Maaaring galit at naiinis ang bawat isa dahil hindi nauunawaan ang isa't isa.
Lahat ng tao ay kailangang mahalin at respetuhin, ngunit may pagkakaiba sa pagitan ng kalalakihan at kababaihan. Ang pangunahing pangangailangan ng isang babae ay pag-ibig, at ang pangunahing pangangailangan ng lalaki ay respeto.[1]
► Paano mo napansin ang pagkakaibang ito sa pagitan ng pangangailangan ng kalalakihan at kababaihan?
[1]Ang aklat na Love and Respect by Dr. Emerson Eggerich ay lubos na nakatulong sa seksyong ito.
Paano Ipinapakita ng Lalaki ang Pagmamahal sa Kanyang Asawa
Sinasabi sa Efeso 5:25, 28, “Mga asawang lalaki, mahalin ninyo ang inyu-inyong mga asawa, gaya ni Cristo na nagmahal sa iglesya, at ibinigay ang kanyang sarili alang-alang sa kanya… Gayundin naman, nararapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kanya-kanyang sariling asawa gaya ng kanilang sariling mga katawan.”
Dapat madalas na sabihin ng lalaki sa kanyang asawa na mahal niya ito at hindi dapat niya ipagpalagay na alam na ito ng asawa niya. Dapat rin niyang ipakita ang kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng higit pa sa mga salita. Dapat niyang ipakita ang pagmamahal sa mga paraan na makabuluhan sa asawa niya. Hindi dapat niya isipin na dapat nararamdaman ng kanyang asawa na mahal niya ito dahil ipinapakita niya ang pagmamahal sa mga paraan na makabuluhan sa kanya. Magkaiba ang mga pangangailangan ng asawa niya sa kanyang mga pangangailangan.
(1) Minamahal ng lalaki ang kanyang asawa sa pamamagitan ng pagbibigay ng seguridad.[1]
Nais malaman ng babae na pinoprotektahan siya ng asawang lalaki sa paraang pisikal at emosyonal. Dapat harapin ng asawang lalaki ang anumang alitan sa mga kapitbahay. Dapat siguruhin ng lalaki na ang tahanan ay isang ligtas na lugar. Dapat siyang magsalita para ipagtanggol ang asawang babae kapag pinupuna ito ng iba, kahit ng mga kamag-anak nito. Hindi niya dapat saktan ang kanyang asawang babae o saktan ito sa anumang paraan para sundin siya. Dapat niyang gawin ang kanyang makakaya para ibigay ang materyal na pangangailangan ng kanyang pamilya. Kung ang asawang lalaki ay hindi maingat sa pera, nadarama ng kanyang asawa na wala itong pakialam sa mga pangangailangan ng pamilya niya.
Mga Puntong Pinansiyal para sa Kalalakihan
Isa sa mga pinakamalaking sanhi ng alitan sa pagitan ng mag-asawa ay ang problema sa pera. Mga lalaki,
Huwag gawin ang anumang hindi tapat o imoral para kumita; tandaan mo na ikaw ay nasa ilalim ng awtoridad ng Diyos.
Ibigay ang iyong ikapu (tithe) sa simbahan dahil nagtitiwala ka sa Diyos na magbibigay sa iyo ng sapat.
Hanapin ang pinakamagandang trabaho ngunit maging handang gawin ang hindi kanais-nais na trabaho sa ngayon.
May trabaho o wala, humanap ng gawain araw-araw upang makatulong sa iyong sarili at sa iba.
Huwag gastusin ang pera ng kinabukasan sa pamamagitan ng pangungutang ng pera ngayong araw.
Kapag gumastos ng pera para sa kaligayahan, isama ang iyong asawa at mga anak.
Mag-ipon nang regular para sa mga pangkaraniwang gastusin tulad ng upa sa inyong tahanan.
Ipuhunan ang pera upang mapabuti ang inyong kalagayan sa halip na gumastos para sa kaginhawahan.
(2) Minamahal ng lalaki ang kanyang asawa sa pamamagitan ng paglalaan ng kanyang sarili para dito.
Ang isang asawang lalaki ay dapat panatilihing moral na malinis at masiyahan sa kanyang asawa, “Gaya ng magandang usa at mahinhing babaing usa, bigyan kang kasiyahan ng dibdib niya sa tuwina, at sa kanyang pag-ibig ay laging malugod ka.” (Kawikaan 5:19). Kung ang isang asawang lalaki ay may mga hindi naaangkop o imoral na relasyon sa ibang mga babae o gumagamit ng hindi imoral na libangan, nadarama ng kanyang asawa na hindi niya ito minamahal.
(3) Minamahal ng lalaki ang kanyang asawa sa pagsisikap na unawain ito.
Hindi laging magtatagumpay ang lalaki sa pag-unawa sa kanyang asawa, ngunit dapat maglaan siya ng panahon para pakinggan at unawain ito. Sinasabi ng kasulatan sa mga lalaki, “Gayundin naman kayong mga lalaki, maging mapagbigay kayo sa inyu-inyong mga asawa sa inyong pagsasama, na binibigyan ng karangalan ang babae bilang isang mas marupok na sisidlan, yamang sila man ay tagapagmana rin ng biyaya ng buhay upang walang makahadlang sa inyong panalangin.” (1 Peter 3:7). Kapag pinagtawanan ng lalaki ang mga nadarama at opinyon ng kanyang asawa, nararamdaman nito na hindi niya ito minamahal. Kailangan ng babae ang pag-unawa ng asawang lalaki ang kanyang mga alalahanin kahit pa tila hindi nito maintindihan ang kanyang mga pahayag.
Dahil ginawa ng Diyos ang asawa bilang ulo ng tahanan (Efeso 5:23), may responsibilidad ang lalaki na pamunuan ang tahanan (1 Timoteo 3:4-5). Gayunpaman, ang mag-asawang lalaki at babae ay dapat maglaan ng oras para mag-usap hanggang sa mapagkasunduan nila ang karamihan ng mga desisyon. Hindi dapat mabilis na magdesisyon ang lalaki nang hindi iniisip ang damdamin at opinyon ng kanyang asawa. Kung hindi sila magkasundo sa isang bagay, maaaring kailanganing magdesisyon ng lalaki, ngunit dapat malungkot siya na hindi sila nagkasundo. Karaniwan, ang kawalan ng pagkakaisa ay babala sa lalaki. Madalas, may karunungan at pang-unawa ang mga babae na kailangan ng mga lalaki para gumawa ng mabubuting desisyon.
► Dapat basahin ng isang estudyante ang Efeso 4:2-3, 15-16 para sa grupo. Paano naaangkop itong mga bersikulong ito sa relasyon ng mag-asawa?
(4) Minamahal ng isang lalaki ang kanyang asawa sa pamamagitan ng pagpapahalaga rito.[2]
Maraming asawang babae ang nakakaramdam na hindi pinahahalagahan ng kanilang mga asawa ang kanilang ginagawa. Dapat magpakita ng pasasalamat ang lalaki sa kanyang asawa. Dapat niyang kilalanin ang pagsisikap na ginagawa nito para sa kanilang pamilya. Hindi niya dapat batikusin ito sa harap ng ibang tao.[3] Dapat niyang purihin ang pagkatao, kagandahan, at kakayahan nito. Sa abot ng kanyang makakaya, dapat niya itong bigyan ng maayos na pananamit. Hindi nararamdaman ng babae na siya ay minamahal kapag nadarama niyang walang pakialam ang asawang lalaki sa kanyang itsura.
Kapag pinupuna ng lalaki ang kanyang asawa, maaaring maisip ng babae na hindi siya sapat bilang tao at mawalan siya ng gana. Sinasabi ni Pablo sa mga mananampalataya, “huwag magsalita ng masama tungkol sa kanino man, huwag makipag-away, maging maamo, at magpakita ng hinahon sa lahat ng mga tao.” (Tito 3:2). Kung kinakailangan ang pagpuna, dapat labis na maging maingat ang lalaki upang maipakita na mas mataas ang kanyang pagpapahalaga sa kanyang asawa kaysa sa kanyang pagbatikos. Dapat niyang iwasan ang pagbibigay ng mga halimbawa ng mga babae na mas magaling sa kanyang asawa sa iba't ibang aspeto.
(5) Minamahal ng lalaki ang kanyang asawa sa pamamagitan ng paglalaan ng oras para sa relasyon.
Ang pagiging magkasama sa buhay ay nangangailangan ng oras para sa pag-uusap. Lumalalim ang mga relasyon sa pamamagitan ng mga salita (Kawikaan 16:24, Kawikaan 20:5). Dapat mag-usap ang mag-asawa tungkol sa mga bagay na nangyayari sa kanila araw-araw. Dapat silang mag-usap tungkol sa kanilang mga kaibigan, mga nararamdaman, mga nais, at mga alalahanin. Nararamdaman ng asawang babae na siya ay minamahal kapag naglalaan ang kanyang asawa ng oras para sa makipag-usap at makinig. Kahit pagod nang umuuwi ang lalaki mula sa trabaho, maaaring wala na siyang ganang makipag-usap o makinig tungkol sa mga problema sa bahay, ngunit hindi niya dapat balewalain ang pangangailangan na ito. Kung gusto ng lalaki ng pisikal na kasiyahan subalit hindi siya available para sa emosyonal na suporta, nararamdaman ng babae na siya ay ginagamit lamang at hindi minamahal.
(6) Minamahal ng lalaki ang kanyang asawa sa pamamagitan ng pagiging pasensiyoso sa mga kahinaan nito.
Tinuturuan tayo ng 1 Pedro 3:7, “Gayundin naman kayong mga lalaki, maging mapagbigay kayo sa inyu-inyong mga asawa sa inyong pagsasama, na binibigyan ng karangalan ang babae bilang isang mas marupok na sisidlan, yamang sila amn tagapagmana rin ng biyaya ng buhay, upang walang makahadlang sa inyong panalangin.” Karamihan ng mga babae ay hindi kasinglakas ng karamihan ng mga lalaki sa aspetong pisikal. Bukod dito, karamihan sa mga babae ay mas madaling masaktan ang damdamin kaysa sa karamihan ng mga lalaki. Dapat aliwin at palakasin ng lalaki ang loob ng kanyang asawa. Dapat niyang matutunan kung paano mababawasan ang stress nito. Dapat niyang iwasan ang paghingi ng mga bagay-bagay kapag pagod, stressed, o nag-aalala ito.
(7) Minamahal ng lalaki ang kanyang asawa sa pamamagitan ng pagtugon sa mga praktikal na pangangailangan nito.
Tulad ng kagustuhan ng isang lalaki na magkaroon ng pinakamahusay na kagamitan para sa kanyang trabaho at ng magandang lugar para gawin ang kanyang trabaho, dapat siyang maglaan ng magandang kapaligiran para sa kanyang asawa. Dapat niyang tiyakin na ang tahanan ay maayos at may mga kagamitang kinakailangan nito.
Mga Resulta Kapag Minamahal ng Lalaki ang Kanyang Asawa
Nakikita ng karamihan sa mga lalaki na kapag nagpapakita sila ng pagmamahal sa kanilang mga asawa, ang mga ito ay tumutugon sa pamamagitan ng kasiyahan at kooperasyon. Sumasaya ang mga babae kapag seryoso ang kanilang mga asawa sa kanila at ipinapakita ng mga ito ang pagmamahal sa kanila sa mga paraan na naipaliwanag. Lubos na sumasaya ang mga lalaki sa kanilang buhay may-asawa kapag nagpapakita sila ng pagmamahal sa kanilang mga asawa (Efeso 5:28). Gayunpaman, hindi garantisado ang resulta para sa mga lalaki. May mga pagkakataon na hindi ito nangyayari. Hindi dapat magpakita ng pagmamahal ang isang lalaki para sa layunin na makuha ang kanyang nais. Dapat niyang ipakita ang pagmamahal upang matuwa ang Diyos at matugunan ang mga pangangailangan ng kanyang asawa kaysa sa mag-alala tungkol sa sariling pangangailangan.
May mga babae na nagkaroon ng pinsalang emosyonal dahil sa mga nakaraang karanasan, at maaaring hindi kaagad tumugon sa pagmamahal ng kanilang mga asawa. Ang mga pamamaraang ito ng pagpapakita ng pagmamahal ay hindi isang teknik na dapat subukan nang ilang araw lamang bilang eksperimento. Dapat magpatuloy ang lalaki sa pagpapakita ng pagmamahal sa mga paraang ito dahil sa pagmamahal niya sa Diyos at sa kanyang asawa. Mahal ni Cristo ang Iglesia sa ganitong katapatan at pag-aalay ng sarili.
[1]Maraming kasulatan kaugnay ng katotohanang ito, kabilang ang Efeso 5:28-31, Colosas 3:19 (emosyonal na proteksyon), 1 Timoteo 5:8 (pisikal na pangangalaga), Nehemias 4:13-14 (pisikal na proteksyon), at 1 Timoteo 2:14 (espirituwal na proteksyon).
[3]Sa konteksto ng pag-aasawa, pagpapatupad ito ng tagubilin ng Diyos sa atin sa Efeso 4:29-32; 5:25-29 at Mateo 7:12.
Paano Nagpapakita ng Respeto ang Babae sa Kanyang Asawa
Inuutos ng Efeso 5:33, “Gayunman, dapat ibigin ng bawat isa sa inyo ang kanyang sariling asawa gaya ng kanyang sarili, at igalang ng babae ang kanyang asawa.”
Ang isang lalaki ay nangangailangan ng respeto. Karamihan sa mga lalaki ay mas pipiliing irespeto ng ibang tao kaysa gustuhin ng mga ito. Dinisenyo ng Diyos ang mga lalaki para protektahan, suportahan, at pamunuan ang kanilang mga pamilya. Ang posisyon ng isang ama at asawang lalaki ay nararapat lamang igalang kahit na wala pa siyang ginagawang kahit anon kagalang-galang. Dapat igalang ng asawang babae ang kanyang asawa kahit pa mali ang ginagawa nito. Dapat niya itong itrato bilang tao, na nilalang sa imahe ng Diyos, na mahalaga kahit pa hindi nito maayos na nagagamit ang kanyang awtoridad (Efeso 5:23). Ito ay hindi nangangahulugan na hindi niya maaaring sabihin dito kapag hindi siya sang-ayon sa mga gawain o desisyon nito, ngunit hindi niya dapat ito itrato nang walang-galang.
Kapag nirerespeto ng isang asawang babae ang kanyang asawa sa pamamagitan ng malayang pagsunod sa kanyang awtoridad, ipinapakita niya ang kanyang pagmamahal kay Jesus (Efeso 5:22, 31-33).
May mga asawang babae na iniisip na minamahal nila ang kanilang mga asawa kahit na hindi nila ito nirerespeto—pinupuna nila ito sa harap ng mga kaibigan, may mga ginagawang patago, at gumagamit ng masasakit na salita. Dapat maintindihan nila na hindi mapapalitan ng paglalambing ang kawalan ng respeto.
Karamihan sa mga babae ay may matinding hilig na maging ina sa maliit na bata. Mayroon silang likas na kakayahan at pagnanasa na alagaan ang mga pangangailangan ng isang sanggol. Isipin kung ano ang mararamdaman ng isang babae kapag sinabihan siyang, “Hindi mo kayang alagaan ang isang sanggol.” Gayundin, may likas na hilig ang mga lalaki na magprotekta, magbigay, at manguna. Kapag sinasabi ng babae sa kanyang asawa na hindi nito kayang gawin ang mga bagay na iyon, makakaramdam ito ng kabiguan bilang isang lalaki.
Dapat maunawaan ng isang babae na may mga lalaki na mas malakas ang personalidad, kumikita ng mas malaki, o may mas mataas na posisyon kaysa sa kanyang asawa. Hindi niya dapat iparamdam sa kanyang asawa na bigo ito sa pamamagitan ng pagkukumpara dito sa iba. Tulad ng natutunan natin mula sa Efeso 5:21-33, iisa ang babae at ang kanyang asawa. Kapag pinuna ng babae ang kanyang asawa o ikinumpara ito sa iba, sinisira niya silang dalawa at ang kanilang relasyon.
► Dapat basahin ng mag-aaral ng Kawikaan 31:11-12, 26 para sa grupo. Ano ang itinuturo sa atin ng mga bersikulong ito tungkol sa pagtrato ng isang maka-Diyos na babae sa kanyang asawa sa kanyang kilos at salita?
(1) Nirerespeto ng babae ang kanyang asawa sa pamamagitan ng mga salitang pagsang-ayon.
Dapat ay sang-ayunan ng babae ang potensyal ng kanyang asawa. Makikita ang paggalang sa mga salitang pagsang-ayon na binibitiwan ng babae sa kanyang asawa. Ang mga salita ay may makapangyarihang epekto sa karamihan ng mga lalaki. Ito'y maaaring mag-angat o magpabagsak (Kawikaan 14:1). Ito'y maaaring mag-udyok o magpahina. Ito'y maaaring magpalakas ng kanyang kumpiyansa o maglubog ng kanyang diwa (Kawikaan 18:21). Hindi lahat ng pagpupunyagi ng isang lalaki ay magiging matagumpay o kaya'y magiging karapat-dapat siyang magkaroon ng posisyon, ngunit ang kanyang asawa ay dapat magpahayag ng pagsang-ayon sa kanyang mga pagsisikap na magbigay ng tahanan at seguridad para sa kanyang pamilya. Dapat sikapin ng babae na hindi pahinain ang loob nito sa pagkakaroon ng mga ideya at pagtatangkang suungin ang mga bagong hamon.
► Dapat basahin ng mga mag-aaral ang Kawikaan 15:4 at Kawikaan 16:24 para sa grupo.
(2) Nirerespeto ng babae ang kanyang asawa sa pamamagitan ng pagpapasakop (1 Pedro 3:5).
Ang pagpapasakop ng isang babae ay hindi nangangahulugan na siya ay mas mababa kaysa sa kanyang asawa. Ito ay nangangahulugan lamang na magkaiba ang kanilang mga papel. Kahit sa Trinidad, makikita natin na nagpapasakop ang Anak sa Ama, bagama’t hindi mas mababa ang Anak sa Ama sa kalikasan o kapangyarihan o anumang katangian.
Ang prinsipyong ito ay hindi madali para sa ilang babae, lalo na kung ang kanilang asawa ay hindi sumusunod sa Salita ng Diyos, o kung hindi mabuti ang pagtrato nito sa kanila. May mga babae na nakakaramdam na makakagawa sila ng mas mabubuting desisyon para sa kanilang sarili o sa kanilang pamilya kaysa sa kanilang asawa. Sa ilang pagkakataon, tama ang babae, at mali ang lalaki. Gayunpaman, kung magpapasakop lamang ang babae sa kanyang asawa kapag siya'y sumasang-ayon dito, kinukuha niya ang awtoridad at hindi tunay na nagpapasakop dito. Ang pagpapasakop ay nangangahulugang pagpapaubaya sa desisyon ng asawa.
Sinasabi ni Pedro sa mga asawang babae,
Gayundin naman, kayong mga asawang babae, pasakop kayo sa inyu-inyong sariling asawa, kahit na ang ilan sa kanila ay hindi sumusunod sa salita, upang mahikayat nang walang salita sa pamamagitan ng ugali ng kani-kanilang asawang babae. Ang inyong kagayakan ay huwag maging panlabas na pagpapahiyas ng buhok, at pagsusuot ng ginto, o pagbibihis ng maringal na damit. Sa halip, ay ang panloob na pagkatao na may kagandahang walang paglipas, ng isang mahinhin at maamong espiritu na napakahalaga sa paningin ng Diyos. (1 Pedro 3:1, 3-4).
Maraming mahirap na sitwasyon. Maraming babae ang nagtatanong. “Kung sinabi niya sa akin na _____ kailangan ko bang gawin ito?” Hindi kayang talakayin ng araling ito ang lahat ng pagkakataon. Gayunpaman, ang problema sa pagpapasakop ay madalas na hindi dahil may hinihinging ipagawa ang lalaki na hindi dapat gawin ng babae. Maaaring ayaw ng babae na magpasakop dahil iniisip niya na hindi magiging makatuwiran ang kanyang asawa kung gagawin niya ito. Maaaring hindi mapagmahal at mabait ang asawang lalaki. Maaaring ayaw ng babae na isuko ang kanyang kalayaan sa paggawa ng sariling mga desisyon. Maaaring mayroong ugaling pasaway ang babae. Ginagamit ng babae ang mga halimbawa ng hindi magandang kilos o pagkakamali ng kanyang asawa bilang dahilan para tanggihan ang awtoridad nito sa pangkalahatan. Ito ay pagsuway sa mga utos ng Salita ng Diyos.
Sinasabi sa Biblia na ang isang maka-Diyos na asawang nagpapasakop ay maaaring madala ang kanyang asawa sa Panginoon. Hindi natin ipinapangako na ang isang lalaki ay magiging mananampalataya dahil sa mabuting asawa, ngunit mas malamang na hindi siya magiging mananampalataya kung ang kanyang Kristiyanong asawa ay pasaway. Maraming posibleng pakinabang na makuha ang babae sa kanyang asawang lalaki sa pamamagitan ng pagiging magalang, ngunit hindi iyon ang pangunahing dahilan kung bakit niya ito gagawin. Dapat niyang respetuhin ang kanyang asawa dahil may utang siyang respeto dito at dahil nais niyang pasayahin ang Diyos.
Sinabi sa Kawikaan 12:4, “Ang mabuting babae ay korona ng kanyang asawa, ngunit parang kabulukan sa kanyang mga buto kung kahihiyan ang dulot niya.” Kung hindi nirerespeto ng babae ang kanyang asawa sa harap ng mga kaibigan nito, mawawalan ito ng dangal na maaaring hindi niya na maibalik. Hinahangaan ng mga lalaki ang mga kapwa lalaki na may tapat na asawa. Naaawa ang mga lalaki sa mga kapwa lalaki na may mga asawang walang respeto.
(3) Nirerespeto ng babae ang kanyang asawa sa pamamagitan ng pagtuon sa mga pangangailangan nito (Kawikaan 31:15, 21, 25, 27).
Kapag natutunan ng asawang babae ang mga espesyal na detalye ng paghahanda ng pagkain at pangangalaga sa bahay sa paraang magpapasaya sa kanyang asawa, nakakaramdam ang asawa niya ng pagpapahalaga. Kapag tumanggi siyang baguhin ang kanyang mga gawi para sa kanyang asawang lalaki, makakaramdam ang asawang lalaki na hindi ito mahalaga sa kanya.
Kung ang babae ay abala sa trabaho, mga kaibigan, simbahan, o libangan at hindi naglalaan ng oras para makinig sa kanyang asawa o obserbahan ang mga pangangailangan nito, nararamdaman ng asawang lalaki na hindi ito mahalaga sa kanya.
Sinasabi ng Genesis 2:18, at sinabi ng PANGINOONG DIYOS, “Hindi mabuti na ang lalaki ay nag-iisa; siya'y igagawa ko ng isang katuwang na nababagay sa kanya.”
(4) Nirerespeto ng babae ang kanyang asawa sa pamamagitan ng pagbibigay ng pisikal na pagmamahal.
Tila mas mahalaga ang seksuwal na kasiyahan sa karamihan ng mga lalaki kaysa sa ilang babae. Maaaring hindi ganoon kadalas na interesado ang isang babae sa gawaing seksuwal maliban kung angkop ang kanyang nadarama ang mood para dito, na hindi kasingdalas ng gusto ng isang lalaki. Ibig sabihin, maaaring madalas na hindi makukuntento ang lalaki habang hindi nauunawaan ng babae ang kanyang pangangailangan. Maaari pang itakwil ng babae ang pagnanasa ng kalalakihan dahil sa mga dating pang-aabuso na kanyang naranasan o nasaksihan. Dapat magpakita ng pasensya at pang-unawa ang lalaki sa kanyang asawa. Ngunit dapat malaman ng babae na mabuti para sa kanya na tugunan ang sekswal na pangangailangan ng kanyang asawa kahit sa mga pagkakataon na hindi niya ito kailangan. Kung tapat at seryoso ang isang lalaki sa kanyang asawa, nang walang masamang relasyon sa ibang mga babae, maaaring sumama ang loob niya kapag hindi iniintindi ng kanyang asawa ang kanyang pangangailangan. Hindi dapat nakasalalay ang katapatan ng isang lalaki sa kanyang pangako sa kasal sa pisikal na kasiyahan, ngunit maaaring mabawasan ng pagtugon ng kanyang asawa sa kanyang sekswal na pangangailangan ang kanyang pakikibaka sa tukso.
Ipinaliwanag ng Awit si Solomon, “Akin ang aking minamahal, at ako'y kanya… Halika, minamahal ko, tayo'y lalabas sa mga bukid at maglalagi sa mga nayon… doon ibibigay ko ang aking pagmamahal.” (Awit si Solomon 2:16; Awit ni Solomon 7:11-12, binigyang-diin; tingnan din ang 1 Corinto 7:3-5).
Mga Resulta ng Hindi Pagsunod sa mga Tagubilin ng Diyos
Ang mga paglalarawan sa mga talata na ito ay hindi naaangkop sa lahat ng pagtatalo sa buhay mag-asawa, ngunit karaniwan ito. Nagpapakita ang mga paglalarawan na ito ng natural na mga siklo ng sanhi at epekto ng kilos at reaksyon na nangyayari kapag tumutugon ang mga mag-asawa sa kanilang nararamdaman sa paraang hindi espirituwal, sa halip na (1) kilalanin kung ano ang kanilang nararamdaman, (2) tandaan ang katotohanan ng Diyos at kung ano ang nais niya para sa kanila, at (3) umasa sa Espiritu upang matutunan nilang tumugon sa pamamaraang Biblikal.
Kung ang isang babae ay hindi lumalakad sa Espiritu at hindi hinahayaan ang pagmamahal ng Diyos na kumilos sa kanya, maaaring tumugon siya sa mga natural na paraan na makakasama sa kanyang buhay may-asawa. Kung hindi nararamdaman ng babae ang pagmamahal, hindi rin niya nararamdaman ang seguridad. Nagsisimula siyang ipagtanggol ang kanyang sarili at labanan ang awtoridad ng kanyang asawa dahil hindi niya ito pinagkakatiwalaan na nag-aalala sa kanya. Kapag ginagawa niya ito, nararamdaman ng lalaki na siya ay hindi nirerespeto. Kapag ipinaramdam niya naman ang kanyang awtoridad at humingi siya ng respeto, mas lalo pang nararamdaman ng babae na hindi siya minamahal ng kanyang asawa.
Kung ang isang lalaki ay hindi lumalakad sa Espiritu at hindi hinahayaang kumilos ang pagmamahal ng Diyos sa kanya, maaaring mawalan siya ng tamang disposisyon na magpapatatag ng kanyang buhay may-asawa. Kapag nararamdaman ng asawang lalaki na siya ay hindi nirerespeto, nasasaktan at nagagalit siya. Maaaring magsalita siya ng masasakit na bagay sa kanyang asawa. Kung sinusubukan niyang kontrolin ang kanyang nararamdaman, maaaring manahimik siya. Hindi niya gugustuhing lumapit sa kanyang asawa o buksan ang kanyang puso dito, dahil sa tingin niya ay hindi niya ito kakampi. Kapag ginagawa niya ito, hindi ito naiintindihan ng kanyang asawa. Maaaring hindi siya nito nirespeto dahil gusto nitong ipakita na hindi ito masaya at dapat siyang magbago. Kapag siya ay nagagalit o lumalayo, iniisip ng babae na kumpirmasyon ito na hindi niya iniintindi ang nararamdaman nito. Maaaring mas lalo pa itong mawalan ng respeto.
Lalong nagiging marupok ang isang tao sa tukso kapag nasisira ang relasyong mag-asawa. Natutukso ang asawang babae na maging mas matigas sa pamumuno ng kanyang asawa. Nahihikayat siyang ikuwento ang kanyang asawa sa iba nang walang respeto. Maaari siyang matuksong tangkilikin ang atensyon ng ibang lalaki na waring nagpapahalaga sa kanya. Nahihikayat ang lalaki na layuan ang kanyang asawa dahil sa mga pag-uugali nito na nakakainsulto sa kanya. Hindi ginaganahang ang lalaki na magpakita ng pagmamahal sa kanyang asawa. Maaaring matukso siyang tangkilikin ang atensyon ng ibang babae na humahanga sa kanya.
Ang bawat tao ay may pananagutan sa Diyos para sa kanilang mga desisyon. Hindi pinalulusot ng Diyos ang kasalanan ng isang tao dahil sa ginawa ng kanilang asawa. Pangako ng Diyos ang lakas na tutulong sa atin na mabuhay ayon sa Kanyang kalooban. Ang layunin ng impormasyong ito ay hindi para hingin ng isang tao ang kailangan mula sa kanilang asawa o sisihin ang kanilang asawa para sa kanilang sariling kasalanan. Ang layunin ay upang makita ng isang tao ang responsibilidad na pasayahin ang Diyos at ibigay ang kailangan ng kanilang asawa.
Mga Maling Layunin
Minsan, ang isang tao ay naghahanap ng paraan para mas guminhawa ang kanyang buhay. Gusto ng lalaki na mas guminhawa ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagpapabago sa kanyang asawa. Gayundin, maaaring isipin ng babae na mas magiging maganda ang kanyang buhay kung magbabago ang kanyang asawa. Nagtatanong ang isang tao sa counselor, pastor, o mga kaibigan kung paano babaguhin ang kanyang asawa. Hindi tamang layunin ang pagpapabago ng asawa. Ang isang tao na sinusubukang gawing mas maginhawa ang kanyang buhay sa pamamagitan ng mga pamamaraan sa relasyon ay hindi kumikilos dahil sa pagmamahal sa Diyos o sa kanyang asawa.
Minsan, may mga taong nagtatangkang baguhin ang mga kahinaan ng kanyang asawa sa loob ng maraming taon. Hindi sila tumitigil sa pagpuna sa mga parehong kahinaan. Bagama’t may mga tunay na kahinaan ang bawat tao, kinakailangang tanggapin ng mag-asawa ang kanilang asawa kasama ang mga kahinaan nito. Ang mga kahinaan ay maaaring mga kahinaan sa pagkatao, kahinaan sa karakter, o mga kahinaan sa espirituwalidad (kabilang ang kasalanan). Hindi dapat umaasa ang relasyon sa kagustuhan ng asawa na magbago. Maaaring hindi niya kayang magbago. Anuman ang dahilan kung bakit hindi siya nagbabago, dapat magpakita ng pagmamahal at respeto ang mag-asawa sa isa’t isa, at pahalagahan ang isa’t isa kahit may mga kahinaan ito.
Konklusyon
Dinisenyo ng Diyos ang kalikasan ng kalalakihan at kababaihan, at dinisenyo niya ang pag-aasawa para matugunan ang mga pangangailangan ng tao. Gayunpaman, nabubuhay tayo sa mundo kung saan ang mga mag-asawa at pamilya ay lubos na nasisira dahil sa kasalanan. Bawat isa sa atin ay nasisira dahil sa ating sariling mga kasalanan at sa mga kasalanan ng iba na nakakaapekto sa atin. Hindi natin mararanasan ang pag-aasawa ayon sa kalooban ng Diyos nang walang biyaya na nagbabago sa atin at tumutulong sa atin na magpakita ng biyaya sa iba. Kinakailangan natin ang paglilinis mula sa Espiritu ng Diyos upang magkaroon tayo ng mga motibong dalisay, pag-ibig na matatag, at kababaang-loob na naglilingkod.
Para sa Talakayan ng Grupo
► Ano ang mga konsepto sa araling ito na bago para sa iyo? Paano mo planong baguhin ang iyong mga pananaw at pag-uugali?
► Ano ang magagawa ng simbahan upang patibayin ang mga pag-aasawa?
Panalangin
Ama naming nasa langit,
Salamat sa pagdisenyo sa relasyong mag-asawa upang matugunan ang maraming espesyal na pangangailangan. Salamat sa pagbibigay sa amin ng mga tagubilin para sa pag-aasawa.
Tulungan mo kaming magkaroon ng pagmamahal at pang-unawa upang mag-alaga sa paraang nararapat. Tulungan mo kaming magkaroon ng mga pamilya na nagpapakita ng iyong pagmamahal sa mundo.
Salamat sa iyong biyaya na tumutulong sa amin na magmahal gaya ng iyong ginagawa.
Amen
Mga Takdang Aralin
(1) Isaulo ang 1 Corinto 13:4-8. Sa simula ng susunod na klase, isulat o bigkasin ang teksto mula sa iyong alaala.
(2) Magsulat ng dalawang pahinang sulatin na naglalarawan ng mga pangangailangan ng asawang lalaki o babae. Magbigay ng mga halimbawa ng asal ng asawa na nakakatulong para matugunan ang mga pangangailangang iyon. Gumamit ng scriptures para suportahan ang bawat pangangailangang tatalakayin mo.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.