Sa kursong ito, matututunan natin ang tungkol sa mga pamilyang magkasama sa iisang tahanan. Maraming iba’t ibang kumbinasyon ng mga tao ang bumubuo sa mga grupo na naninirahan sa iisang bahay at tinatawag na pamilya. Mayroong mga pamilyang may isang magulang, pamilyang nahahati dahil sa diborsyo, pamilyang nabuo sa ikalawang kasal, pamilyang nag-ampon ng mga anak, pamilyang may iba’t ibang henerasyon, at mga pamilyang pansamanatalang nag-aalaga sa mga dagdag na bata o matatanda.
Bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang konsepto kung ano ang ibig sabihin ng pamilya. Lumilikha ng iba’t ibang emosyon sa atin ang mga talakayan tungkol sa pamilya, depende sa ating personal na mga karanasan.
Paano Tayo Naaapektuhan ng Ating mga Karanasan sa Kamusmusan
Baka may mga magagandang kang alaala ng iyong kamusmusan, o maaaring may galit ka dahil sa mga karanasan mo noong bata ka. Maaaring madalas na nagtutulungan at nagpapalakasan ng loob ang iyong pamilya, o baka iniiwasan nila ang isa’t isa at palaging may hidwaan kapag magkasama sila. Maaaring sa tingin mo, naging matibay na pundasyon at tulong ang iyong pamilya sa iyong buhay, o maaaring sa pakiramdam mo ay parang bilangguan at masakit na kapaligiran ang iyong tahanan na gusto mo talagang takasan. Maaaring kapag nakakakita ka ng pamilyang tila mas maayos kaysa sa inyo, nakakaramdam ka na binigo ka ng iyong pamilya.
Ang ating pang-unawa sa ating mga pamilya ay mahalaga dahil naaapektuhan nito ang ating pag-unawa sa buhay at ang ating pag-unawa kung sino ang Diyos. Sinasabi ng Biblia na ang Diyos ay Ama ng kanyang mamamayan. Ang ating relasyon sa ating mga magulang—lalo na sa ating ama—ang bumubuo ng konsepto tungkol sa ating Ama sa langit. Kung ang tao nating ama ay lagging wala, mapang-abuso, pabaya, mapanghimasok, manggagamit, walang paki-alam, o nananakit sa anumang paraan, maaaring masira ang ating konsepto ng Diyos bilang Ama. Hanggang sa makilala natin ang Diyos sa pamamagitan ng kanyang Salita, sa pamamagitan ng buhay ni Jesus, at sa pamamagitan ng ating personal na paglalakbay kasama siya, maaaring mahirapan tayong makita siya bilang mabuting Ama. Siya ay tunay na mabuting Ama na aktibong nagpoprotekta at nagbibigay para sa kanyang mga anak. Siya’y nakikinig at nakikipag-usap sa kanyang mga anak, ginagabayan sila, at natutuwa kapag nasa mabuti silang kalagayan. Makakatulong ang Diyos na mabago ang ating pang-unawa tungkol sa kanya habang kinikilala natin siya.[1]
Paano Tayo Naaapektuhan ng Mga Pagkakaibang Espirituwal
Marami sa atin ang itinatanggi ng ating mga pamilya dahil sinusunod natin si Cristo. Sinabi ni Jesus na dapat asahan natin ang pag-uusig mula sa mga hindi naniniwalang kapamilya dahil sa ating debosyon sa kanya. Sa maraming lugar, ang mga mananampalataya ay tinatraidor, pinapahiya, pinababayaan, o pinapatay ng sariling nilang mga kapamilya na nagtakwil kay Cristo.
► Dapat basahin ng mag-aaral ang Mateo 10:21-22, 28, 32-39. Pagkatapos basahin ang mga bersong ito, talakayin ang mga sumusunod na tanong:
Ayon sa siping ito, ano ang dapat asahan ng mga mananampalataya?
Anong mga pangako ang ibinibigay dito?
Paano dapat mag-isip ang mga mananampalataya tungkol sa pag-uusig?
Ang iba sa atin ay pwedeng hindi nakakaranas ng pag-uusig mula sa pamilya pero pwedeng magkaroon pa rin ng mahirap na relasyon dahil sa ating pananampalataya. Maaaring masira, maging malayo, o malimitahan ang ating mga relasyon sa pamilya dahil bilang mga mananampalataya, lubhang naiiba ang buhay natin sa buhay ng ating mga kapamilya. Maaaring hindi tayo maintindihan o igalang. Maaaring may mga kamag-anak na magtatangkang hadlangan ang ating ministry. Kahit si Jesus ay nakaranas ng kahirapang ito (Marcos 3:21, Juan 7:3, 5), kaya hindi tayo dapat magulat kung maranasan din natin ito.
[1]Upang malaman kung paano mo maaaring baguhin ang iyong pang-unawa kung sino ang Diyos, tingnan ang Aralin 4 ng Spiritual Formation, mula sa Shepherds Global Classroom.
Ikaw at Ang Iyong Pamilya
Sa loob ng ilang minuto, ipapakilala mo ang iyong sarili sa iyong mga kaklase, pero hindi mo lang sasabihin ang iyong pangalan. Sabihin mo kung sino ka sa konteksto ng iyong pamilya.
Una, isipin lahat ang iba’t ibang titulo na iyong pinanghahawakan sa iyong pamilya, tulad ng anak na lalaki o anak na babae, asawa, ama o ina, tiyo o tiya, lolo o lola. May naiisip ka pa bang iba pang titulo? Marahil marami kang titulo.
Ano ang iba pang mga papel o lugar ang iyong ginagampanan sa iyong pamilya? Ikaw ba ang pinakamatanda o pinakabata? Ang nagbibigay ng pinansiyal na suporta? Ang nag-aasikaso sa bahay? Tagapag-alaga ng isang matanda o may kapansanan? Isipin ang iba pang mga tungkulin at responsibilidad na iyong ginagampanan sa loob ng iyong pamilya.
► Ipakilala ang iyong sarili sa mga kaklase mo, ilista ang ilan sa iyong mga titulo at papel sa loob ng iyong pamilya.
► Ngayon, maglaan ng sandali upang isipin kung paano nakakaapekto ang iyong mga titulo at papel sa (1) iyong pagtingin sa iyong sarili at (2) sa iyong pagtingin sa iba sa loob ng iyong pamilya.
Kahit ano pa ang nararamdaman mo tungkol sa iyong mga malalapit o malalayong kamag-anak, kapamilya mo sila. Maaaring hiwa-hiwalay ang iyong pamilya, kaya may mga sugat at kirot. O marahil may mga taong naiinggit sa iyong pamilya dahil parang perpekto kayo: maaayos ang pagsasama ninyo ng asawa mo, matatalino at malulusog ang mga anak ninyo, at may tahanan kayong puno ng pagmamahal, kapayapaan, at kasiyahan.
Kahit mukhang mahina o malakas ang inyong pamilya, interesado at kasama ang Diyos sa inyong pamilya. May plano siya para sa pamilya ninyo.
► Isulat ang mga pangalan ng miyembro ng inyong pamilya (hindi bababa sa 3-4 henerasyon ng mga miyembro ng pamilya). Halimbawa, ang mga pangalan ng iyong mga lolo at lola (unang henerasyon), ang mga pangalan ng iyong mga magulang (ikalawang henerasyon), ang iyong pangalan at ng iyong mga kapatid (ikatlong henerasyon), ang mga pangalan ng iyong mga anak o pamangkin (ikaapat na henerasyon).
Lagyan ng bituin sa tabi ng mga pangalan ng taong may malapit at maayos na relasyon sa iyo. Lagyan ng tatsulok sa tabi ng mga pangalan ng mga taong may limitadong relasyon, at parisukat sa tabi ng mga pangalan ng mga taong hindi mo na nakakaugnayan sa anumang kadahilanan.
May mga tao bang itinuturing mong kapamilya kahit hindi mo talaga sila kadugo: mga taong dumadalo sa lahat ng pagtitipon at selebrasyon ng pamilya na parang kapamilya na rin sila? Isulat at bilugan ang kanilang mga pangalan.
Ang Unang Pamilyang Tao
► Panatilihing bukas ang iyong Biblia sa aklat ng Genesis habang pinag-aaralan natin ang buhay nina Adan at Eva, at Abraham at Sarah.
Ang Unang Kasal
Si Adan at Eva ang unang pamilyang tao: isang asawang lalaki at asawang babae, isang lalaki at isang babae na pinagsama sa pag-aasawa. Sa unang kasal, sinabi ni Adan, “Sa wakas, ito'y buto ng aking mga buto at laman ng aking laman. Siya'y tatawaging Babae, sapagkat sa Lalaki siya kinuha” (Genesis 2:23).
Ang sumusunod na berso ay nagbibigay ng Biblikal na kahulugan ng pag-aasawa: “Kaya iiwan ng isang lalaki ang kanyang ama at ina, at sasama sa kanyang asawa, at sila’y magiging iisang laman” (Genesis 2:24). Ang parehong pagpapahayag na ito ay inuulit sa Bagong Tipan sa Mateo 19:5 at Efeso 5:31. Ang pag-iisa ng lalaki at babae bilang iisang laman ay isang walang-kondisyong pangako sa harap ng Diyos at ng tao na dapat panghabambuhay.
Ang pag-aasawa ay binubuo ng tatlong himala. Ito ay isang himalang biyolohikal kung saan ang dalawang tao ay tunay na nagiging iisang laman; ito ay isang himalang panlipunan kung saan nagsasama ang dalawang pamilya; ito ay isang himalang espirituwal dahil ipinapakita ng relasyong pag-aasawa ang pagkikipag-isa ni Cristo sa kanyang nobya, ang iglesya.[1]
Ang Pag-aasawa ay Sumasalamin sa mga Relasyon ng Trinidad ng Diyos
[2]Ang pag-aasawa ay dinisenyo para sumalamin sa karakter at mga relasyon ng Diyos. Ang Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo ay laging may relasyon sa isa’t isa. Bawat isa ay natatangi sa kanyang tungkulin, ngunit lahat ng persona ng Trinidad ay permananteng Iisa at Iisa sa kanilang pagkakakilanlan. Sa ugnayan ng mga mga persona ng Trinidad, nakikita natin ang pagkakaisa, pagiging malalapit, katapatan, at matibay na pagmamahalan. Ang Biblikal na kasal ay tinularan mula sa kamangha-manghang ugnayang ito. Ang plano ng Diyos ay ang pagiging dalisay ng bawat mag-asawa sa kanilang pagmamahalan at katapatan sa isa’t isa habambuhay.
Dapat na ang relasyon sa pag-aasawa ay sumasalamin sa relasyon sa loob ng Trinidad sa mga paraang ito:
1. Ang pag-aasawa ng tao ay dapat walang kondisyon at eksklusibong katapatan sa isa’t-isa.
2. Ang pag-aasawa ay isang relasyon ng pagmamahal na may sakripisyo.
3. Ang pag-aasawa ay dapat isang mabungang relasyon.
Ang Unang Utos
Noong panahon ng unang kasal, na ginawa mismo ng Diyos,
Sila'y binasbasan ng Diyos at sa kanila'y sinabi ng Diyos, “Kayo'y magkaroon ng mga anak at magpakarami, punuin ninyo ang lupa at supilin ninyo ito. Magkaroon kayo ng pamamahala sa mga isda sa dagat, sa mga ibon sa himpapawid, at sa bawat bagay na may buhay na gumagalaw sa ibabaw ng lupa” (Genesis 1:28).
Ang maging mabunga at magparami ay unang utos na ibinigay ng Diyos sa Biblia. Ang pag-aasawa ay dinisenyo para maging mabungang relasyon ng pagmamahal na nagbibigay ng sarili. Ang pagpaparami sa loob ng kasal ay nagdadala ng kaluwalhatian sa Lumikha, dahil ang magkasamang ipinagpapatuloy ng mag-asawa ang gawain ng Diyos sa paglikha at nagdadala pa sila sa pamilya ng mas maraming tao. Isang karangalan at responsibilidad!
► Dapat basahin ng mag-aaral ang Awit 127:3-5 para sa grupo. Ang siping ito ay gumagamit ng mga larawang salita upang ilarawan ang mga anak. Ano ang mga larawang salita? Batay sa mga larawang salita na ito, paano natin dapat isipin ang ating mga anak?
Ipinapakita sa atin ng Biblia na ang mga bata ay isang regalo, isang mahalagang ari-arian. Hindi sila dapat tingnan bilang bunga lamang ng relasyong seksuwal. Kahit pa ang mga pangyayari na humantong sa pagkakabuo ng isang bata ay hindi kanais-nais o tama, ang Tagapagbigay ng Buhay ay may layunin sa pagkakabuo at kapanganakan ng bawat bata, kasama na tayo. Mayroong layunin ang Diyos para sa bawat tao, anuman ang mga pangyayari sa pagkapanganak ng isang tao.
Oo, ang mga bata ay biyaya mula sa Diyos, pero regalo rin sila ng mga magulang sa Diyos.
...Ano ang ginawa niya noong naghahanap siya ng lahing maka-Diyos? Kaya't ingatan ninyo ang inyong espiritu, at huwag nang hayaang ang sinuman ay magtaksil sa asawa ng kanyang kabataan. (Malakias 2:15).
Ang mga anak ay isang banal na ipinagkatiwala. Inaasahan ng Diyos na palalakihin ng mga magulang ang kanilang mga anak upang tuparin ang Kanyang sariling layunin. Nais ng Diyos na gamitin ang ating mga anak upang mapalaganap ang Kanyang kaharian (Genesis 18:19). Iniatang sa atin ng Diyos ang responsibilidad na ihanda ang ating mga anak para sa isang buhay na naglilingkod sa Kanya (Deuteronomio 6:2). Hindi natin sila palalakihin upang maglingkod sa atin o tuparain ang ating mga pangarap. Dapat tingnan natin sila na parang mga ipinukol na pana para tumbukin ang layunin ng Diyos para sa kanila.
Ang Pagbagsak at ang Pagkasira ng Pamilya ng Tao
Sa Genesis 3, ang tanging perpektong pamilya na nabuhay ay nahulog sa isang kalagayan ng pagkasira at lubusang nangangailangan ng isang Tagapagligtas. Nagkasala si Adan at Eva, at ang ibinunga nito ang sumpa ng kamatayan sa lahat ng sangkatauhan. Ang relasyon nina Adan at Eva sa isa't isa ay permanente nilang nasira, at sila ay nahiwalay sa Diyos.
Parehong nagdusa ang lalaki at babae sa mga dagdag pang mga parusa:
Ang panganganak ay magiging masakit.
Aabusuhin ng mga lalaki ang kanilang awtoridad.
Magiging matigas ang ulo at walang galang ang mga babae.
Ang perpektong plano ng Diyos para sa pamilya ay nasira dahil tinanggap ng mga tao ang mga kasinungalingan ni Satanas.
Patuloy na inihahayag ng Genesis 4 ang pagkasira ng nagakasalang pamilya ng tao.
Pansinin sa Genesis 4:1, ang unang pagbubuntis at panganganak. Sakop ng bersong ito ang siyam na buwang panahon—mula sa pagkakabuo ng anak hanggang sa pagsilang ng anak. Isipin ang siyam na buwang ito ng pagbubuntis para kay Eva, habang sinusubukan niyang ibahagi ang kanyang takot at kaligayahan kay Adan. Walang nagbibigay ng payo sa kanya, wala ring sasagot sa mga tanong niya. Ang paglaki ng kanyang tiyan, mga sipa ng kanyang sanggol, at ang proseso ng panganganak na may kaakibat na paghilab ng tiyan at sakit ay mga bagong karanasan para sa lahat ng ina. Hindi kataka-taka na sinabi ni Eva tungkol sa panganganak niya kay Cain, “Nagkaanak ako ng lalaki sa tulong ng PANGINOON” (Genesis 4:1).
Lumipas ang panahon, at sa susunod na berso, matututunan natin ang pangalawang pagbubuntis at panganganak. Ngayon, mayroon nang pamilya sina Adan at Eva na may apat na kasapi. Sa ikalawang bahagi ng parehong berso, may buod ng mga propesyon ng kanilang mga anak. Sa berso 3, ang mga anak nila ay mga binata na, at sa mga sumusunod na berso, mababasa natin ang malungkot na kuwento ng unang pagpatay. Papatayin ng panganak na anak ni Adan at Eva angg kanyang kapatid dahil sa galit at inggit. Naisip mo ba ang pagkabigla, kalungkutan, mga tanong, at sakit na naramdaman nila?
Ang iyong sagot sa mga tanong na iyon ay maaaring maging, “Oo! Naisip ko. Sa katunayan, nakaranas na ako ng katulad noon!” Hayaan mo akong palakasin ang loob mo: Hindi ka nag-iisa. Pwedeng mailigtas ang pamilya mo! May magandang balita para sa bawat pamilya.
Ayon kay Gordon Wenham,
…Ang mensahe ng Genesis… ay isang kuwento ng biyaya na nagtatagumpay sa kabila ng kasalanan ng tao, ng biyaya na nagtatagumpay kahit sa mga pamilyang nasira ng kasalanan. Ang aklat ay nagsisimula sa tagumpay ng paglikha ng sanlibutan, kung saan ang rurok ay ang paglikha sangkatauhan sa imahe ng Diyos at pagsasabi ng Diyos na ang lahat ng Kanyang nilikha ay napakaganda… Sa kabanata 3 lamang nagsimulang magkaroon ng problema, dahil sa pagsuway, [kaguluhan], at kamatayan na pumalit sa pagsunod, pagkakasundo, at buhay. Lalong lumala ang situwasyon sa kabanata 4… at narating ang kanilang [pinakamababang punto sa] kabanata 6, kung saan sinasabing ang mundo ay puno ng karahasan (Genesis 6:11, 13).[4]
[1]The Woman’s Study Bible, (Thomas Nelson, Inc., 1995), 9.
[2]“Ang pag-aasawa ay isang… pagpapakita ng karakter ng Diyos bilang dakilang tagapagbuo ng tipan at tagapagpatupad ng tipan. Sa isang tipan, ang mahahalagang elemento ay ang katapatan at integridad, hindi ang emosyon.”
- Robertson McQuilkin, An Introduction to Biblical Ethics
[3]Importanteng bigyang-diin na ang panganganak ay hindi bahagi ng sumpa. Ang sakit sa panganganak ay bunga ng sumpa, pero ang panganganak mismo ay laging bahagi ng kamangha-manghang plano ng Diyos para sa pagpapalaganap ng susunod na henerasyon. Gayundin, ang trabaho ay hindi isang sumpa, kundi ang kahirapan ng trabaho ang bahagi ng sumpa. Sa katunayan, ang iba pang mga utos na ibinigay ng Diyos kay Adan at Eva sa Genesis 1:28 ay nagpapahiwatig na tayo ay nilikha para sa trabaho! Ang trabaho ay isa sa mga paraan kung paano natin sinasalamin ang imahe ng Diyos.
[4]Isinulat ni Gordon Wenham sa Family in the Bible, in-edit ni Richard S. Hess at M. Daniel Carroll R., Grand Rapids, MI: Baker Academic, 2003, 29
Ang Pagkasira ng Pamilya ni Abraham
Sa mga sumunod na bahagi ng Genesis, mababasa natin ang kuwento ni Abraham, ang ama ng bansang Hebreo (Genesis 11:27-25:11).[1] Sa pamamagitan ng pamilya ni Abraham, dadalhin ng Diyos ang Tagapagligtas sa pamilya ng tao.
Makikita sa Genesis 11 ang talaan ng lahi ni Abram, na isa sa mga inapo ni Shem na anak ni Noah. Sa Genesis 11:30, ipinababatid sa atin na ang asawa ni Abram na si Sarai ay hindi nagkaanak. Ang bersong iyon ay isang berso ng pagluha, kalungkutan, pighati, sama ng loob, galit, at pagluluksa para sa maraming nagbabasa noon. Kung maipapalit mo ang iyong pangalan sa pangalan ni Sarai sa bersong ito, tandaan mong hindi ka nag-iisa.
Para sa mga nagnanais na magkaanak ngunit nakararanas ng pagkabaog, ang pagbabasa ng mga naturang teksto tulad ng Genesis 1:28 at Awit 127:3-5 ay nagdudulot ng malalim na sakit at kalungkutan. Natural na magkaroon ng pakiramdam na ang kawalan ng anak ay isang parusa o sumpa.
Ang katotohanan ay, hindi mas maliit ang halaga mo sa Diyos dahil wala kang anak. Hindi ka nakakalimutan. Ang kawalan mo ng anak ay hindi nangangahulugan na ang iyong pamilya ay may pagkukulang. May ibang nakaranas din ng malalim na kalungkutan na ito.
Napakaimportante kung paanong hinaharap ng mag-asawa ang pagkabaog, parehong bilang mag-asawa at bilang mga indibidwal. Maaaring humantong sa dagdag na problema ang hindi maingat na mga desisyon, tulad ng makikita natin sa buhay nina Abram at Sarai.
Paghihintay para sa Isang Pangako
Matapos ang pagkamatay ng kanyang ama, si Abram ang tumayong ama ng kanyang pamilya. Nangako ang Diyos na gagawin dakilang bansa si Abram (Genesis 12:2) at ipagkakaloob ang lupain ng Canaan sa mga inapo ni Abram (Genesis 12:7). Si Abram ay 75 taong gulang na noon (Genesis 12:4) at si Sarai ay sampung taon na mas bata (Genesis 17:17). Hindi pangkaraniwan ang ganda ni Sarai na 65 taong gulang na (Genesis 12:11), pero wala pa ring anak, at lampas na sa karaniwang edad ng pagbubuntis.
[3]Nagdaan ang mga taon, at wala pa ring anak, bagamat ang pangako ng Diyos ay malinaw na binigyang-buhay sa Genesis 13:14-17. Mukhang sumuko na si Abram sa posibilidad na magkaroon pa ng sariling anak, dahil sa Genesis 15:2-3 ay sinabi niyang ang kanyang alipin ang magiging tagapagmana ng kanyang ari-arian. Sumagot ang Panginoon, “Hindi ang taong ito ang magiging tagapagmana mo; ang iyong sariling anak ang magiging tagapagmana mo” (Genesis 15:4). Pagkatapos, binigyan ng Diyos si Abram ng pangalawang pangakong may larawan ng di-mabilang na mga inapo, at sumampalataya si Abram sa Panginoon (Genesis 15:6).
Isipin kung ano ang naging pakiramdam ni Sarai sa ilang taon ng paghihintay niya:
Kahit na maaaring nasaktan si Sarai sa panghuhusga ng iba, ang sarili niyang [sharp] pagkadismaya ang pinakamasakit sa lahat. Marahil hindi lamang niya hinangad ang kasiyahan ng pagiging ina, kundi pati na rin ang karangalan at paggalang na ibinibigay sa mga ina sa isang lipunan kung saan hindi pinahahalagahan ang mga babae sa ibang paraan. Alam natin na ang pagkabaog ng kalalakihan ay maaari ring sanhi ng hindi pagkakaroon ng anak, ngunit wala pang bayolohikal na kaalaman sa mundo ni Sarai. Ang pagkakakilanlan ni Sarai bilang isang babae, bilang isang indibidwal na may halaga, ay nakasalalay sa pagkakaroon at pagpapasuso ng mga anak. Hindi siya naging mahalaga sa mga mata ng mga kalalakihan sa pamamagitan ng pagiging matuwid at tapat na tao, kundi sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga lalaking tagapagmana para sa kanyang asawa. Ang walang laman na bahay-bata ay nangangahulugang walang kabuluhang buhay.[4]
Mga Solusyon ng Tao at Masakit na Resulta
[5]Nang si Abram ay 85 taon na, naisip ni Sarai ang isang ideya—isang solusyon para magkaanak si Abram. Maaaring ang aliping babae ni Sarai ang maging ina ng kanilang anak! (Genesis 16:1-4) Ngunit ang inaasahan nina Abram at Sarai na magiging perpektong solusyon ay nagdulot ng gulo sa kanilang tahanan nang magbuntis si Hagar. Ang dating tama ay naging mali. Ang kanilang tangkang tulungan ang Diyos na matupad ang Kanyang pangako ay humantong lamang sa alitan at hindi pagkakasundo. Kapag ang mga tao ay hindi nagtitiwala sa plano at panahon ng Diyos, natural na magbubunga iyon sa mga nasirang relasyon at masasakit na damdamin.
Sa mga sumunod na taon, dumami ang tensiyon, sakit, hindi pagkakaunawaan, mga problema sa komunikasyon, galit, pang-iiwan, at pagkadismaya (Genesis 16-21), hindi lamang sa tahanan nina Abram at Sarai, kundi pati na rin sa pamilya ng kanilang pamangkin na si Lot.
Mga Pamilyang may Kapintasan
Si Abram ay pinili ng Diyos upang maging ama ng isang dakilang bansa, ang lahi kung saan ipapanganak si Jesus! Tila si Abram ang sumira sa plano ng Diyos, gayundin ang iba pang miyembro ng kanyang pamilya! Sila ay halimbawa ng isang sirang-sira na pamilya.
Sa Genesis 49:33, si Abraham at Sarah, si Isaac at Rebekah, si Jacob at ang kanyang mga asawa ay patay na. Kasama ang mga anak ni Jacob, sila ay isang pamilya na puno ng mga kabiguan at kamalian. Puno ang kanilang kuwento ng away, pagtatalo, paboritismo, panloloko, pang-iiwan, pagtatalo ng magkakapatid, panggagahasa, at insesto. Wala sa mga salitang iyon ang naglalarawan sa isang maunlad at payapang pamilya!
Sa kasamaang-palad, maaaring ulitin ang kuwentong ito sa buong Biblia at sa buong mundo sa mga siglo na lumipas. Ngunit, siyempre, kahit sa mga pamilyang ito ay may mga oras ng kaligayahan, magagandang kuwento ng pag-ibig, at ilan-ilang matutuwid na tao.
Sa kabila ng lahat, hindi iniwan ng Diyos ang Kanyang plano na iligtas ang sangkatauhan. Hindi rin Niya binago ang Kanyang layunin para sa pamilya. Kung magpapatuloy kang magbasa sa Lumang Tipan, makikita mo ang isang magandang tema ng pagliligtas sa kuwento ng pamilyang Hebreo. Maraming pangyayari ang nagpahiwatig kay Jesus. Ang
pag-aalay ni Abraham kay Isaac; ang Paskuwa at ang pagtakas ng mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto; ang pagkakaligtas kay Rahab mula sa hatol at ang kanyang pagsama sa bayan ng Diyos; at marami pang pangyayari na napakagandang ipinakita ang pangako na darating ang isang Tagapagligtas at ililigtas ang sangkatauhan.
[1]Binago ng Diyos ang pangalang Abram at Sarai at ginawang Abraham at Sarah sa Genesis 17:5, 15.
[2]Tingnan ang Aralin 10 para sa karagdagang impormasyon sa paksang ito.
[3]Ang Diyos ay gumagawa upang tayo ay maging katulad ni Jesus. Minsan, pinaghihintay tayo ng Diyos, sapagkat sa panahon ng paghihintay,
maaari siyang kumilos sa ating mga puso na hindi maaaring gawin sa ibang paraan.
[4]David at Diana Garland, Flawed Families of the Bible, Grand Rapids, MI: Brazos Press, 2007, 21-22
“May mga banal na dahilan ang Diyos
para sa maghintay habang tayo ay nagmamakaawa,
tulad ng ginawa Niya kay Elizabeth (Lucas 1:7, 13),
at magpatuloy bago tayo maging handa, tulad ng ginawa Niya kay Maria (Lucas 1:34).
Sa ating pagsunod at pagsamba sa Kanya,
ginagabayan, tinuturuan, at
binibigyan niya tayo para sa Kanyang plano
na hindi kailanman nalilimitahan
Ng mga bagay na hindi natin nauunawaan."
- Hango kay Shauna Letellier, Remarkable Advent
Ang Gawaing Pagtubos ng Diyos sa Mga Pamilya
Sinasabi ng Efeso 5 sa atin na dinisenyo ng Diyos ang pag-aasawa upang maging larawan ng relasyon sa pagitan ni Cristo at ng Kanyang nobya, ang Iglesya. Katulad ng pag-aalay ng sarili ni Cristo na puno ng Simbahan, ganun din, ang bawat lalaki bilang ulo ng kanyang asawa, ay dapat i-alay ang kanyang sarili para sa babae. Gayundin, ang bawat babae ay dapat sumunod sa halimbawa ng Simbahan. Katulad ng pagpapailalim ng Simbahan kay Cristo, ang bawat babae ay dapat magpasakop sa kanyang asawa.
Sinira ng Pagkakasala ng sangkatauhan ang orihinal na disenyo ng Diyos para sa mga pamilya ng tao at nagdala ito ng mga nakakasirang bunga sa relasyon ng mag-asawa. Nararanasan ng bawat pamilya ang mga bunga ng pagkakasala ng sangkatauhan. Gayunpaman,
dumating si Jesus upang iligtas ang lahat ng bagay, pati na rin ang pag-aasawa. Siya ay dumating upang iligtas at ibalik ang lahat ng nawasak at nasira dahil sa kasalanan. Doon sa mga pagkakataon na hindi natin maipatupad ang plano ng Diyos para sa kasal, ganap na tinupad ni Jesus ang mga pamantayan ng Diyos. Minahal ni Jesus ang Simbahan nang sapat para mamatay para sa kanya. Siya ay ganap na nagpailalim sa plano ng Diyos Ama. Si Jesus ang buo at ganap na katuparan ng disenyo ng Diyos at ng mga bagay na hindi nagawa ng ating mga pag-aasawa: ang magmahal at magpasakop.[1]
► Paano naging halimbawa ang ugali ni Jesus na dapat taglayin ng isang taong may-asawa?
Hindi lamang tinutupad ni Jesus ang kalooban ng Diyos sa kanyang ganap na pagpapasakop at pagmamahal, kundi binibigyan din niya ang mga mag-asawa ng kakayahang malampasan ang mga nakakasirang tendensiya na natural sa mga bumagsak na sangkatauhan. Sa pamamagitan ng Kanyang biyaya, maaaring tuparin ng mga mag-asawa ang disenyo ng Diyos para sa pag-aasawa kapag nabubuhay sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo (Efeso 5:18).
Walang perpektong pamilya, ngunit nais ng Diyos na iligtas ang bawat pamilya. Ang biyaya ng Diyos ay maaaring mangyari sa mga pamilya para makatulong sa mga indibidwal na maging kung ano ang orihinal na layunin ng Diyos para sa kanila. Kapag pinili ng mga indibidwal sa mga pamilya na sumunod sa mga tagubilin ng Diyos, ang kanilang pagsunod ay nakakatulong para malampasan ang ilan sa mga kahinaan at kakulangan na natural sa bawat pamilya. Ang mga bunga ng Pagkakasala na nakakaapekto sa mga relasyon ng tao ay nababawasan kapag tayo'y nagpapailalim sa kalooban ng Diyos.
Halimbawa, ang isang maka-Diyos na asawang lalaki na sumusunod sa mga tagubilin ng Diyos sa kanya sa Efeso 5, ay napagtatagumpayan niya ang kanyang natural na tendensiyang maging makasarili at abusuhin ang kanyang awtoridad sa kanyang asawa. Ang kanyang pagsunod sa Diyos ay nagdadala ng kaligtasan dahil binabawasan nito ang masasamang epekto ng Pagkakasala. Ang pagsunod na ito ay maaari ring mag-udyok sa kanyang asawa na sumunod sa kanya.
Kapag ang isang asawang babae ay nagpapasakop sa kanyang asawa bilang pagsunod sa tagubilin ng Diyos (Efeso 5:24), napagtatagumpayan niya ang kanyang natural na makasalanang tendensiya na labanan ang awtoridad ng kanyang asawa. Ang kanyang pagsunod sa Diyos ay nagiging kaligtasan, at nakakatulong para ang kanilang relasyon ay mas maging tulad ng intensyon ng Diyos (1 Corinto 11:3, 1 Pedro 3:1-7).
Sa pagbibigay ng Diyos sa mga pamilyang Kristiyano ng mga tagubilin para mailigtas sila, nakikita natin na napakahalaga ng mga relasyong pampamilya sa Diyos.
[1]Christina Fox, “Redeeming Marriage.” Hango mula sa https://cbmw.org/2013/08/29/redeeming-marriage/ noong Nobyembre 29, 2022.
Ang Biblikal na Responsibilidad ng Pamilya
Ang Responsibilidad ng Mga Magulang at Lolo't Lola
Maraming sipi sa kasulatan ang nagsasalita tungkol sa pangangailangan para turuan ng mga magulang at lolo't lola ang kanilang mga anak at apo tungkol sa mga pamamaraan ng Diyos. Sandali nating tingnan ang tatlo.
▶ Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Efeso 6:4 para sa grupo. Ano ang ibig sabihin ng bersong ito?
Plano ng Diyos na turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak na kilalanin at sundin ang Diyos. Ang paraan ng paggabay, pagtuturo, pagtatama, at pagsasanay ng mga magulang sa kanilang mga anak ay dapat magsalamin sa paraan kung paano ito ginagawa ng Diyos para sa kanyang mga anak.
▶ Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Awit 78:1-8 para sa grupo. Sagutin ang mga sumusunod na tanong:
Ilang henerasyon ng pamilya ang nabanggit sa talatang ito?
Ano ang responsibilidad ng bawat henerasyon?
Ano ang itinuturo ng mga mas naunang henerasyon sa mga mas bata?
Ang Awit 78 ay nag-uumapaw sa kahanga-hangang biyaya at habag ng Diyos. Ikinukuwento nito ang kanyang gawaing sa pamilya ng Israel mula nang sila'y umalis sa Ehipto hanggang sa panahon ng paghahari ni Haring David. Ang Awit na ito ay dapat magbigay ng pag-asa sa mga mambabasa para sa kanilang kalagayan sa pamilya.
▶ Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Deuteronomio 6:1-9 para sa grupo. Ayon sa bersong ito, ano ang mga bagay na dapat nating gawin bilang mga tao ng Diyos?
Ang kasulatang ito ay bahagi ng talumpati ni Moises sa mga Israelita, bago sila pumasok sa Lupang Pinangako na ibinibigay sa kanila ng Diyos. Itinuturo sa kanila kung paano maging mga tao ng Diyos at kung ano ang ibig sabihin na maging pag-aari ng Diyos. Ang mga katotohanan sa mga bersong ito ay pundasyon pa rin sa pamumuhay bilang mga tao ng Diyos.
Inuutos sa atin ng Diyos na masunuring pakinggan ang Kanyang Salita—gawin ang Kanyang iniuutos sa atin! (Mga Talata 3-4).
Kailangan nating:
1. Mahalin ang Panginoon nang buong puso, kaluluwa, at lakas (berso 5).
2. Itago ang Salita ng Diyos sa ating mga puso (berso 6).
3. Turuan nang mabuti ang ating mga anak kung paano sumunod sa Salita ng Diyos (berso 7).
4. Itatak ang Salita ng Diyos sa ating isipan at sa harap natin palagi (berso 8-9).
Pansinin na ang mga utos na ito ay para sa bawat henerasyon (berso 2). Itinuturing ng Diyos na responsibilidad ng mga magulang at lolo't lola na turuan ang kanilang mga anak at apo na mabuhay para sa kanya. Hanggang kailan? Sa buong buhay nila (berso 2). Sinasabi ng Diyos sa atin na dapat turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak tungkol sa kanyang mga paraan buong araw, araw-araw, saan man sila magpunta, at sa lahat ng kanilang ginagawa (berso 7-9).
Ang espirituwal na edukasyon ng mga bata ay responsibilidad ng magulang. Ang pagtuturo ay magaganap araw-araw sa pamamagitan ng pagiging halimbawa ng mga magulang pati na rin sa pamamagitan ng pagtuturo ng Batas. Makikita ang kahalagahan ng utos na ito sa kung hanggang saan ang kayang gawin ng mga magulang upang turuan ang kanilang mga anak. Ito ay higit sa pagtuturo ng mga katotohanan ng Batas; ito ay dapat maging demonstrasyon ng estilo ng pamumuhay na nakahabi sa pang-araw-araw na buhay. Kinakailangan ang magiging malikhain upang ituro ang mga simulain ng Diyos habang nasasangkot sa mga karaniwang gawain sa tahanan.[1]
Hindi lamang dapat turuan ng mga magulang ang mga isip ng kanilang mga anak, kundi pati na rin ng kanilang mga puso. Hindi lamang nila dapat ituro sa kanilang mga anak ang mga katotohanan tungkol sa Diyos, kundi pati na rin ang praktikal na aplikasyon kung paano mabuhay nang may relasyon sa Diyos at nang sumusunod sa kanya. Tinuturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng verbal na pagtuturo at sa pamamagitan ng mga halimbawa sa buhay. Mahalaga ang dalawa.
Maaaring magmukhang simple ang bersong ito, pero napakahalaga nito. Ang mga katotohanan at mga utos na ito ay nagbibigay ng layunin at direksyon sa mga indibidwal at sa mga pamilya. Habang patuloy na hinahangad ng mga magulang na mas kilalanin ang Diyos at sumunod nang buong-puso sa kanya sa lahat ng bagay, tinuturuan nila ang kanilang mga anak na gawin din ito. Dapat may panghabambuhay na kagustuhan ang mga magulang na matuto at sumunod. Ito ay halimbawa sa kanilang mga anak, at ito ang magbibigay sa kanilang mga anak ng kagutuman para sa Diyos.
► Ano ang ilang praktikal na paraan na maaaring gamitin ng mga magulang para turuan ang kanilang mga anak araw-araw?
Pamilya–Training Ground para sa Pagmamahal sa Iba
▶ Dapat basahin ng isang mag-aaral ang 1 Juan 4:7-13, 19 para sa grupo.
Ang tema ng bersong ito ay pagmamahal. Upang makilala natin ang Diyos sa kanyang kayamanan, kinakailangan nating mahalin ang isa’t-isa. Kasama sa “isa't- isa” ang ating pamilya. Isa sa mga dahilan kung bakit binigyan tayo ng Diyos ng pamilya ay upang matutunan natin kung paano magmahal ng iba. Sa pag-aaral natin na magpakita ng pagmamahal sa mga kapamilya natin (kahit sa panahong mahirap), mas nagiging katulad tayo ng Diyos—dahil ang Diyos ay pagmamahal! (Berso 8).
Kapag nagmamahalan ang mga magkakapamilya—espirituwal man o pisikal—pinatutunayan nila na sila'y ipinanganak ng Diyos (berso 7). Habang nagmamahalan sila, napeperpekto sa kanila ang pagmamahal ng Diyos (berso 12).
Hindi lang tayo inuutusan ng Diyos na mahalin ang iba, inuna na niya tayong minahal (berso 9-11, 19). Minahal niya tayo sa pamamagitan ng pagpapadala kay Jesus upang maging kasagutan sa ating mga kasalanan (berso 10). Ang pagmamahal ng Diyos sa atin ang motibasyon para sa ating pagmamahal sa iba (talata 11).
Ang pagmamahal sa ating pamilya ay maaaring madali sa iba at sobrang hirap para sa iba, pero lahat tayo ay maaaring magkaroon ng kailangan natin para masunod ang utos ng Diyos—ang pananahan ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Banal na Espiritu (berso 12-13).
Tinatawag tayo ng Diyos na mahalin ang isa't-isa, kasama na ang ating mga magulang, asawa, at mga anak. Ang pagmamahal sa ating pamilya ay hindi nangangahulugan na pagsang-ayon sa mali o kasamaan. Hindi ito nangangahulugan na hindi natin kinakailangang managot. Ito ay nangangahulugan na nais natin ang pinakamakabubuti para sa ating mga kapamilya at handa tayong ibigay ang ating sarili para sa kanilang kapakanan.
[1]The Woman’s Study Bible, Thomas Nelson, Inc. 1995, 292
Para sa Talakayan ng Grupo
► Sa sariling ninyong mga salita, ipaliwanag ang ilang paraan kung paano sinasalamin ng pag-aasawa ang mga relasyon sa Trinidad.
► Ikuwento kung paano iniligtas ng Diyos ang isang relasyong mag-asawa na nasira ng kasalanan.
► Ipaliwanag kung bakit nagdadala ng kaligtasan ang pagsunod sa mga utos ng Diyos sa pag-aasawa.
Panalangin
Maglaan ng sandali upang magdasal at magpasalamat sa Diyos para sa inyong pamilya. Ipanalangin ang inyong pamilya. Ipanalangin ang mga sama ng loob at kabiguan, mga selebrasyon at kasiyahan. I-akma sa personal na kalagayan ang mga salita ng Deuteronomio 6:4-9, gawin itong panalangin ng pagpapasakop at pag-aalay.
Mga Takdang Aralin
(1) Isaulo ang Deuteronomio 6:4-9. Sa simula ng susunod na klase, isulat o bigkasin ang sipi mula sa alaala.
(2) Sa Deuteronomio 6:1-9, inuutos ng Diyos ang apat na bagay sa atin. Suriin nang nagdadasal at matapat ang sarili sa bawat isa sa apat na bahaging ito.
Kailangan nating:
Mahalin ang Panginoon nang buong puso, kaluluwa, at lakas (berso 5).
Itago ang Salita ng Diyos sa ating mga puso (berso 6).
Na turuan nang husto ang ating mga anak na sundin ang Salita ng Diyos (berso 7).
Itatak ang Salita ng Diyos sa ating isipan at sa harap natin palagi (berso 8-9).
Magsulat ng personal na pahayag ng dasal tungkol sa bawat isa. (Hindi mo kinakailangang ibahagi ang isusulat mo sa iyong class leader, pero dapat mong i-ulat na ginawa mo ang takdang-aralin.)
(3) Mula sa buhay nina Abraham at Sarah, natutunan natin ang mahabang panahon ng paghihintay. Isipin ang mga sumusunod na tanong:
Kailan mo kinailangang hintayin ang tiyempo ng Diyos? Ano ang iyong mga natutunan sa mga oras ng paghihintay na ito?
Gaano ka katiwala sa mga pangako ng Salita ng Diyos? Nahihirapan ka ba sa isang pangako ngayon? Naaapektuhan ba noon ang inyong pamilya? Paano?
Nasubukan mo na bang ayusin ang isang bagay para sa sarili mo o para sa inyong pamilya nang hindi nagtitiwala sa Diyos? Ano ang mga resulta?
Paano nakakasama ang kawalan ng pasensya at kakulangan sa pananampalataya sa mga pamilya?
Magsulat ng kabuuang tatlong talata bilang tugon sa paksang ito. (Hindi mo kinakailangan ibahagi ang isusulat mo sa iyong class leader, pero dapat mong i-report na ginawa mo ang assignment.)
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.