Si Susana Wesley, ang Ina na may Makabuluhang Layunin
Si Susana Wesley ay nagkaroon ng 19 na mga anak, subalit dahil sa masalimuot na kalagayan ng kanyang panahon, namatay ang siyam sa mga ito. Kabilang sa kanyang 10 mga anak na pinalaki ay ang magkapatid na sina John at Charles Wesley. Noong ang kanyang anak na si John ay nasa hustong gulang na, hiniling niya sa kanyang ina na isulat ang pamamaraan ng kanyang pagpapalaki sa mga anak. Ang sulat na galing sa kanyang ina ay naglalaman ng ganitong paglalarawan.[1]
Itinuro sa mga bata ang ‘Ama Namin’ sa sandaling sila ay nakapagsasalita na. Inuulit nila ang pagsambit rito sa umaga at gabi. Ang mga bata ay sama-samang magbabasa ng isang kabanata sa Biblia sa araw-araw. Noong panahong iyon, ang mga kababaihan ay hindi nakapag-aaral, subalit naniniwala si Susanna na ang lahat niyang mga anak ay dapat na marunong bumasa. Naging prayoridad niya ang karunungang bumasa kaysa sa maagang pagtratrabaho ng mga anak.
Ang sabi ni Susanna, “Ang makasariling kalooban ang siyang ugat ng lahat ng kasalanan at pagdurusa.” Tinuruan niya ang kanyang mga anak na pigilan ang kanilang mga pagnanasa at magpasakop sa awtoridad. Sinabi niya na ang bawat gawa ng pagsunod ay dapat na papurihan kahit na ito ay hindi isinakatuparan ng perpekto. Ang mga pagkakamali ay maaaring palampasin, subalit ang pagkakasalang ginawa ng kusa at may pagkukusaay dapat na parusahan.
Ang pamilya ay sama-samang kumakain sa hapag-kainan at natutunan ng mga bata na kainin ang anumang inihanda sa kanila.
Sinasabi sa atin ng Biblia na, “Nakabalot sa puso ng bata ang kahangalan…” (Kawikaan 22:15). Sinabi rin ng salmista na ang mga bata ay isinilang na nagsasalita ng kasinungaligan, “…naliligaw sila mula pagkasilang, at nagsasalita ng mga kasinungalingan” (Awit 58:3). At sapagkat ito ay totoo, ang mga magulang ay may mahalagang responsibilidad na ituwid ang kanilang mga anak.
Kung bibigyan mo ng pagpipilian ang isang tatlong-taong gulang na bata, kung nais ba niya ang isang basong ice cream o ang maging may-ari ng tindahan ng ice cream sa hinaharap, tiyak na ang pipiliin niya ngayon ay ang isang basong ice cream. At kahit na ipaliwanag ng magulang ang mga pagpipilian sa anak, pipiliin pa rin ng bata ang isang basong ice cream ayon mismo sa kanyang ipinasyang piliin. Ang ilustrasyong ito ay nagpapakita na ang pagpapaliwanag ay hindi sapat upang ituwid ang bata.
Ang pagpapaliwanag sa kung ano ang tama at mali ay hindi sapat upang maituwid ang bata, sapagkat
1. Hindi pa kayang unawain ng bata ang paliwanag ng mga nakatatanda (1 Corinto 13:11).
2. Hindi pa kayang makita ng bata ang kumpleto at pang-hinaharap na resulta ng kanyang mga kilos.
3. Ang bata ay hindi pa ganoon katanda upang kontrolin ang kanyang mga hilig at pananasa alinsunod sa matuwid na kaisipan.
Maaaring tingnang masama ng iba ang pamamalo sa bata, subalit ginagamit ng isang mapagmahal na magulang ang palo upang iligtas ang bata sa higit pang kasamaan. “Ang hindi gumagamit ng pamalo ay napopoot sa anak niya, ngunit ang umiibig sa kanya ay matiyagang dumidisiplina” (Kawikaan 13:24). Halimbawa, ang isang bata na naglalaro ng malapit sa apoy ay maaaring mapaso o matumba sa apoy sapagkat hindi niya nauunawaan ang panganib ng apoy. Subalit kung siya ay papaluin ng kanyang ina kapag lumalapit siya sa apoy, ang bahagyang sakit ng palo ang mag-iiwas sa kanya mula sa matinding pinsala.
May ilang mga tao na nakaranas ng pisikal na pang-aabuso mula sa mga taong hindi nagmamahal sa kanila. Ang kanilang karanasan ang siyang dahilan kung bakit nagagalit silang makakita ng batang pinapalo. Subalit, ang magulang na walang pakialam sa nararapat na pagtutuwid sa kanyang anak ay naghahatid ng higit pang problema sa magiging kinabukasan ng kanyang anak.
► Dapat basahin ng mag-aaral ang Kawikaan 19:18 at Kawikaan 29:17 para sa grupo.
Ang pagtutuwid ay dapat na ibigay sa bata kapag may sapat na siyang unawa sa ginagawa niyang pagsuway sa kanyang magulang. Kahit ang isang maliit na bata ay may kaalaman na kapag siya’y tumatangging sumunod o gawin ang isang bagay.
Marami sa mga pagtutuwid ay dapat gawin sa murang edad pa lamang ng bata (Kawikaan 22:15). Kung paanong ang luwad ay tumitigas sa paglipas ng panahon at nagiging mahirap hubugin, gayundin naman, ang paghubog sa bata ay nagiging mahirap sa paglipas ng panahon. Kapag nasanay ang isang bata na laging tumanggi sa kanyang magulang hanggang sa marating niya ang edad na 10, hindi naging matagumpay ang magulang sa pagtutuwid, at ang tiyansa ng kanyang ganap na tagumpay ay bumababa. Ang pisikal na pagtutuwid ay pabawas ng pabawas ang bisa sa paglaki ng isang bata. Isang pagkakamali sa magulang na isiping mas magiging madali ang pagtutuwid kapag matanda na ang bata. Higit ng mahirap at minsa’y imposible pa nga na ituwid ang bata kapag matanda na siya.
Kapag ang isang bata ay naging binatilyo na o dalagita, siya ay hindi na dapat pang paluin na katulad nang siya ay bata pa. Ang isang binatilyo at dalagita ay nangangailangan ng paggalang kahit na mali ang kanilang mga inaasal. Gayunpaman, ang disiplina ng magulang sa ganitong edad ay maaaring gawin sa pamamagitan ng paglilimita ng paggamit ng cellphone, sosyal na mga aktibidad, at iba pang gawain ng kaaliwan. Kaugnay rito, dapat makita ng magulang na ang mapagmahal at maingat na pakikipag-ugnayan ay napakahalaga. Dapat niyang maunawaan na maging ang isang binatilyo o dalagita ay gumagawa ng mga tunay na desisyon. At bagamat ang magulang ay may impluwensya, hindi niya pwedeng hadlangan ang kanyang binatilyo at dalagitang anak na gawin ang kanilang personal na kagustuhan at maranasan ang bunga ng kanilang desisyon.
May ilang mga magulang na hindi alam kung gaano kalakas ang pisikal na palo na kanilang ibibigay sa bata. Kung ang isang bata ay nagpapakita pa rin ng galit at paghihimagsik kahit tapos na siyang paluin, nagpapakita ito na hindi sapat ang lakas ng palo na ibinigay sa kanya (ang prinsipyo na ito ay hindi na dapat gawin sa kaso ng anak na binatilyo o dalagita na; sila’y di na dapat pang tumanggap ng pisikal na palo). Ang pagtutuwid ay dapat na sapat para pagsisihan ng isang bata ang kanyang pagsuway at matutong magpasakop sa awtoridad.
Ginagamit ng Biblia ang ilustrasyon ng pisikal na pagpalo upang ipaliwanag ang pamamaraan ng pakikitungo ng Diyos sa kanyang mga anak.
► Dapat basahin ng mga mag-aaral ang Kawikaan 3:11-12 at Hebreo 12:5-8 para sa grupo.
Ang mga talatang ito ay nagpapakita sa atin na dinidisiplina ng Diyos ang kanyang mga anak sapagkat sila’y kanyang minamahal. Gayundin naman, dinidisiplina ng isang ama ang kanyang anak sapagkat siya’y kanyang minamahal. Ang maayos na disiplina ay tanda ng pagmamahal. Ang kakulangan ng disiplina ay kakulangan rin ng pagmamahal.
Ang pisikal na pagtutuwid ay nagtuturo sa bata na magkaroon ng pagpipigil sa sarili; sa pamamagitan nito’y magagawa niyang labanan ang tukso; mauunawaan niya na ang pagpapatangay rito ay maghahatid sa kanya ng parusa. At kapag nagagawa niyang paglabanan ang tukso, nahuhubog rin ang kanyang karakter. Kapag siya ay matanda na, hindi siya magpapatangay sa tukso sapagkat nauunawaan niya ang magiging bunga nito; hindi lang ng dahil lang sa pisikal na parusa. Subalit, ang isang bata na hindi madalas sawayin ay lalaking mahina ang loob sa pagtanggi sa tukso, kahit na alam niyang makakasama ito sa kanya.
Isipin mo ang isang magulang na nagbibigay lamang ng kendi sa kanyang anak sapagkat ito ang gusto ng bata. Hindi niya gustong malungkot ang bata, subalit gumagawa siya ng makakasama sa bata. Gayundin naman, ang isang magulang na laging nagpapatangay sa kagustuhan ng kanyang anak ay gumagawa ng makakapinsala sa karakter at kinabukasan ng bata. Sinasabi ng Biblia na ang magulang na hindi gumagamit ng pamalo ay napopoot sa anak niya (Kawikaan 13:24).
Ang isang bata na namumuhay sa isang tahanan na walang mga pagbabawal ay hindi masaya. Ang limitasyon ay naghahatid ng seguridad. Kapag nakita ng bata na makukuha pala niya ang kanyang gusto sa pamamagitan ng pagmamaktol, lagi niya itong gagawin sa lahat ng pagkakataon at hindi siya magiging masaya. Ang bata ay nagiging masaya kapag siya ay may seguridad at sinanay na gabayan sa mga limitasyon. Bunga nito, hindi niya kinakailangang idaan sa pagmamaktol at pagtanggi sa awtoridad ang mga bagay-bagay upang makamit niya ang kanyang gusto. Subalit ang batang hindi pinalaki sa disiplina ay hindi masaya.
Kapag ang isang bata ay isa ng kabataan, mauunawaan niyang hindi ibibigay ng mundo ang anumang kanyang maibigan. Hindi siya igagalang at itataas sa puwesto kung siya ay walang galang, makasarili, at iresponsable. Kaya dapat na palakihin ng magulang ang kanyang anak sa paraang ihahanda niya ito sa pagharap sa buhay. Dapat tandaan ng mga magulang na hindi sila nagpapalaki ng mga mananatiling bata, kundi ng mga magiging matanda.
Dapat ipaliwanag at ipakita ng magulang na ang kanyang ginagawang pagtutuwid ay para sa layunin na tulungan ang bata na mahubog ang kanyang pagkatao bilang isang mapagkakatiwalaan at iginagalang.
► Basahin ng mga mag-aaral ang Kawikaan 22:15, Kawikaan 23:13-14, at Kawikaan 29:15 para sa grupo.
Tandaan na ang layunin ng pagtutuwid ay para hubugin ang bata. Kapag naunawaan ng isang bata na mali ang kanyang nagawa at humingi siya ng tawad, hindi na kinakailangan ang pisikal na palo. Ang pinakalayunin natin rito ay pagtutuwid, hindi paglalatag ng hustisya. Hindi kinakailangan ng magulang na laging ibigay ang palo sa kanyang anak.
► Paanong ang pagtutuwid ng magulang ay iba sa ginagawa ng mga taong nang-aapi at nagbabanta ng pisikal na pananakit upang makamit ang kanilang kagustuhan?
Ang marahas na tao ay gustong manakit ng kapwa upang makamit lang ang kanilang gusto. Subalit ang magulang, mahal niya ang kanyang anak. Ang pisikal na pagtutuwid ay para sa kapakinabangan ng anak. Hindi hangarin ng mapagmahal na magulang na saktan ang kanilang mga anak. Hindi mararamdaman ng isang tao na siya’y mahal ng mapang-api at mapanakit na tao. Subalit mararamdaman ng isang batang itinutuwid na siya’y minamahal. Mauunawaan niyang mapapabuti ang kanyang kalagayan ng dahil sa awtoridad ng kanyang mga magulang.
May ibang mga magulang na nagpaparusa ng matindi at wala sa katuwiran kundi bunsod lamang ng galit at kalupitan. At dahil rito, napipinsala nila ang pisikal at emosyun ng kanilang mga anak. Pinapalo nila ang kanilang mga anak bilang paraan upang mapawi ang kanilang pagod at pagkadismaya sa buhay. Ito ay isang seryosong problema na hindi dapat palampasin ng mga taong nakakakita. Dapat kausapin ng mga kaibigan, kapit-bahay, at mga kamag-anak ang taong nang-aabuso sa bata. Ang asawa ng isang mapag-abuso ay dapat na humingi ng tulong sa kanyang mga kamag-anak, mga kaibigan, at pastor. Mahalagang prinoprotektahan ang mga bata.
► May ilang mga magulang na pinapahiya ang kanilang mga anak sa publiko kapag nakakagawa sila ng mali. Ito ba ay magandang paraan ng pagtutuwid?
► Dapat basahin ng mag-aaral ang Efeso 6:4 para sa grupo.
Kailangang matiyak ng bata na siya’y minamahal ng kanyang mga magulang at ang kanilang pagtutuwid ay para sa kanyang kapakinabangan. Ngunit kapag ang bata ay pinapahiya ng kanyang mga magulang, hindi niya mararamdaman ang kanilang pag-ibig. Magkakaroon siya ng sama ng loob at mararamdaman na ang awtoridad ng kanyang mga magulang ay masama at dapat niyang takasan. Dapat na ituwid ng mga magulang ang pagkakamali ng kanilang mga anak sa pribadong paraan. Hindi nila dapat ipahiya ang kanilang mga anak sa harapan ng maraming tao. Dapat na turuan at ituwid ng mga magulang ang kanilang mga anak sa mahinahon at matiyagang paraan.[1] Sinasabi sa atin sa Kawikaan 16:21b ang ganito, “…nagdaragdag ng panghikayat ang kaaya-ayang pananalita.”
► Isipin mo halimbawa na sinabihan mo ang iyong anak na alagaan ang inyong mga alagang-hayop. Subalit pag-uwi mo sa gabi ay nakita mong hindi pa niya pinapakain ang inyong mga alaga. Pagod ka mula sa buong araw na pagtratrabaho subalit bago kayo matulog ay kailangan mong pakainin ang inyong mga alaga sapagkat hindi ka sinunod ng iyong anak. Dapat ka bang magalit? Mali ba para sa isang magulang sa lagay na ito na magalit sa kanyang anak?
Dapat alalahanin ng magulang na ang pagtutuwid ay para sa kapakinabangan ng anak. Kapag ang magulang ay galit sapagkat pakiramdam niya’y hindi siya iginalang o kaya’y dahil sa ang pagsuway ng kanyang anak ay nagdudulot sa kanya ng hindi maayos na pakiramdam, ang kanyang nararamdamang galit ay hindi makakabuti (Santiago 1:20). Ang kanyang galit ay bunsod ng pagtuon sa sarili.
Maaaring ipahayag ng magulang ang kanyang galit sa ganitong maayos na paraan: “Anak, hindi mo pinakain ang ating mga alagang hayop na gaya ng sinabi ko sa iyo. Ang mga alaga natin ay gutom na gutom at sila’y mananatiling gutom sa buong magdamag kung hindi ko sila papakainin. Ngunit dapat ko silang pakainin bagamat pagod ako sa buong maghapon. Galit ako sapagkat ayokong maging tao ka na walang pakialam sa pangangailangan ng iba at kinakalimutan ang iyong responsabilidad. Ang sabi sa Kawikaan 12:10, ‘Buhay ng kanyang hayop, pinapahalagahan ng matuwid, ngunit ang kaawaan ng masama ay malupit.’”
Sinabihan ni Rebecca ang kanyang mga anak na huwag magdala ng pagkain sa kuwarto na bago ang karpet sa sahig. Ngunit ng sumunod na araw, nakita niya ang isa sa mga bata na kumakain rito at pinagalitan ito. Matapos ito, isang bata na naman ang pumunta sa kwarto na may dalang baso ng juice at pinagalitan niya ito. Sa paglipas ng ilang mga araw, ang mga bata ay pumupunta pa rin sa kwarto na dala ang kanilang mga inumin. Subalit abala si Rebecca at hindi niya sila napagsabihan. Ngunit isang araw, natapon ng kanyang anak sa karpet ang dala nitong Coke. Galit si Rebecca at pinalo niya ito.
► Ano ang mali sa paraan ng pagtutuwid na ginawa ni Rebecca sa kanyang mga anak?
Utos ni Rebecca na hindi dapat dalhin ng mga bata ang kanilang mga pagkain at inumin sa loob ng kwarto na may bagong karpet. Subalit hinayaan niya ang kanilang mga pagsuway hanggang sa mayroong nangyaring aksidente. Pinarusahan niya ang hindi magandang nangyari ngunit hindi ang paglabag sa utos. Nagpapakita ito na maaaring labagin ng mga bata ang utos hangga’t pwede nilang maiwasan ang di magandang pangyayari. Ang ganitong ideya ay huhubog ng hindi magandang pag-uugali sapagkat nagiging saligan ito ng paglabag sa mga utos. Maaaring labagin ng isang tao ang mga utos sapagkat iniisip niyang makukuha naman niya ang kanyang gusto at pwedeng iwasan ang masamang resulta. Ngunit dapat na ituwid ng mga magulang ang pagsuway ng kanilang mga anak sa halip na parusahan lang ang aksidente o hindi magandang nangyari.
Sinabi ni Michael sa kanyang mga anak na dapat nilang ipasok ang kanilang mga bisekleta sa gabi. Ngunit sa bawat sumunod na araw ng linggong iyon, kapag nakauwi na si Micheal sa kanyang bahay, nakikita niya pa rin ang mga bisekleta na nasa labas ng bahay. Isang araw, hindi makita ni Michael ang isa sa kanyang mga kagamitan, aksidenteng nasaktan niya rin ang kanyang daliri, at na-flat ang gulong ng kanyang sasakyan habang pauwi. Pag-uwi niya ng bahay, nakita niya ang mga bisekleta na nasa labas pa rin at pinalo niya ang kanyang mga anak.
► Ano ang mali sa paraan ng pagtutuwid ni Michael sa kanyang mga anak?
Maraming mga magulang na pinapalampas ang pagsuway ng kanilang mga anak kapag nasa maganda silang pakiramdam, subalit namamalo kapag galit sila dulot ng di kaaya-ayang sitwasyon sa buhay. Subalit ang mga bata ay hindi matututong sumunod hangga’t hindi sila patuloy na itinutuwid ng kanilang mga magulang.
► Tingnan mo ang mga sumusunod na puntos at ipaliwanag kung bakit mahalaga ang bawat isa. Ano ang mangyayari kapag hindi gagawin ng mga magulang ang mga tuntuning ito?
Ang hinihinging bagay sa anak ay dapat na naaayon sa kanyang kakayahan at gulang.
Parusahan lamang ang mga kusang pagsuway, hindi ang mga aksidente o di magandang pangyayari.
Ang mga utos at mga hinihinging bagay ay dapat na malinaw at nauunawaan.
Kapag sumusuway ang isang bata, dapat na ipaliwanag ng magulang ang dapat na gawin ng kanyang anak.
Huwag parusahan ang bata sa bagay na hindi naman niya kontrol.
[1]Bagamat ang 2 Timoteo 2:24-25 at Galacia 6:1 ay isinulat para turuan ang simbahan sa pagtutuwid ng kasalanan, ang katuruan tungkol sa matiyaga at mahinahong pagtutuwid sa mga taong nagkamali ay pwedeng gawin rin sa konteksto ng pagiging magulang.
Mga Praktikal na Tuntunin mula sa mga Bata
Sa mga nakalipas na taon, may isang Britanikong sikologo na si Dr. R.F. Hertz na nagsagawa ng isang pananaliksik. Nagtanong siya sa 100,000 mga bata na nasa pagitan ng 8 at 14 na edad. Ang mga bata at kabataan na ito ay mula sa 24 na mga bansa. Si Dr. Hertz ay gumawa ng listahan ng mga tuntunin para sa mga magulang hango sa kanyang mga pagtatanong sa mga bata. Ang pananaliksik na kanyang ginawa ay siyempre walang awtoridad na gaya ng Salita ng Diyos, subalit ito ay nagpapakita ng mga pangangailangang nararamdaman ng mga bata. Narito ang ilan sa mga pangunahing tugon:
Huwag kang makipagtalo sa harapan ng iyong mga anak.
Huwag kang magsinungaling sa iyong anak.
Laging sagutin ang tanong ng mga bata.
Tratuhin mo ang iyong mga anak na may pantay na pagmamahal.
Dapat na mayroong pagkakaibigan sa pagitan ng magulang at mga anak.
Bukas-loob mong pakitunguhan ang mga kaibigan ng iyong mga anak.
Huwag mong pagalitan at paluin ang iyong anak sa harapan ng kanilang mga kaibigan.
Ituon ang pansin sa mga magagandang katangian ng iyong anak at huwag palakihin ang kanyang mga pagkakamali.
Huwag kang maging pabago-bago sa iyong nararamdaman at inaasal.
Kapag palaging pinupuna ng isang magulang ang ibang magulang sa harapan ng mga bata, iisipin ng mga bata na pwede rin silang makisawsaw at masdan ang pagkakamali ng winawalang galang na magulang. Dapat na pag-usapan ng mga magulang ang kanilang mga di pagkakaunawaan sa pribadong paraan at maglagay ng mga tuntunin na parehas nilang susundin.
Ang magulang ay hindi dapat na magsinungaling sa kanyang anak (Colosas 3:9), kahit na ito ay para bigyan ang bata ng mga dahilan para sumunod, o kaya’y para pawiin ang kanyang mga pinangangambahan. Kapag naunawaan ng bata na ang kanyang magulang ay nagsisinungaling, hindi siya makadarama ng seguridad. May mga magulang na hindi na magawang aliwin at palakasin ang loob ng kanilang mga natatakot na anak sapagkat hindi na naniniwala ang mga bata sa kanilang sinasabi.
► Pumili ng isang puntos mula sa seksyon sa itaas at ilarawan ang mga resultang problema kapag hindi ito ginagawa ng mga magulang.
Ang Tahanang Kristiyano
► Kapag may bumisita sa iyong tahanan, kaagad ba nilang nakikita na ito ay tahanan ng mga Kristiyano? Paano?
► Dapat basahin ng mag-aaral ang Deuteronomio 6:6-9 para sa grupo.
Dapat ibigay ng mga Israelita ang kanilang pansin sa paghubog sa kinabukasan sa pamamagitan ng paghubog sa karakter ng kanilang mga anak. Paano nila ito dapat gawin? Sila ay dapat na magkaroon ng isang kapaligiran o komunidad na naninindigan sa mga prinsipyo ng Biblia. Dapat nilang ilagay ang turo ng kasulatan sa lahat ng lugar (“isulat ang mga ito sa pintuan ng kanilang mga bahay at sa pasukan ng kanilang bayan.”) Ngunit hindi lamang dapat literal na ipaskil ang kasulatan sa kanilang mga tahanan, kundi higit sa lahat, lahat ng bagay sa loob ng kanilang tahanan ay dapat na alinsunod sa turo ng kasulatan.
Ang ganitong uri ng pamilya ay hindi magpapaskil ng Sampung Utos sa isang pader at magpapaskil naman ng larawan ng isang makamundong artista sa kabilang pader. Ang bagay na ito ay makakalito sa paniniwala at pagpapahalaga ng mga bata.
Ang mga bata ay naiimpluwensiyahan sa kaibuturan ng kanilang puso ng mga bagay na kanilang nakikita at naririnig sa araw-araw. Kung ang isang estasyon ng radyo ay laging pinapakinggan sa kanilang bahay, hindi malabong makadampot siya ng mga pananaw na galing sa mga musikang kanyang napapakinggan.
Imposibleng laging maipagsanggalang ng mga magulang ang kanilang mga anak sa mga masamang pilosopiya o makamundong impluwensya. Subalit dapat turuan ng Kristiyanong magulang ang kanilang mga anak na matutong suriin ang mga bagay-bagay na kanilang nakikita at napapakinggan sa pamamagitan ng turo ng Salita ng Diyos. Panalangin ni Jesus, “Hindi ko hinihiling na alisin mo sila sa sanlibutan, kundi ingatan mo sila mula sa masama…Pabanalin mo sila sa katotohanan; ang salita mo ay katotohanan” (Juan 17:15, 17).
Napapansin ng mga bata kung sino ang hinahangaan ng kanilang mga magulang. Kilala nila kung sino ang mga bayaning iginagalang. Kaya isang kabaligtaran na magturo ang magulang ng mga katuruang Kristiyano sa kanilang mga anak ngunit sa kabilang banda ay mayroong hinahangaang makamundo at imoral na tao. Ang magulang na gumagawa ng ganito ay parang nagsasabi sa kanyang anak na mas higit siyang magiging masaya kung siya’y magiging artista kaysa sa maging matapat na Kristiyano.
May mga magulang na nag-iisip na ayos lang na ibukas nila ang kanilang mga anak sa mga makasalanang bagay, hangga’t ipapaliwanag naman nila na masama ang mga bagay na iyon. Ngunit isipin mo ito: kung nais mong pakainin ang anak mo ng maayos na pagkain, hindi ka maglalagay ng maraming kendi at keyk sa kanyang harapan, tapos ay sasabihin mo na dapat siyang kumain ng gulay. Lahat ng mga pagpapaliwanag tungkol sa bitamina ay hindi makakadaig sa kanyang likas na pagnanasa na kumain ng kendi na nasa harapan niya.
May ilang mga magulang rin na hinahayaan lang ang kanilang mga anak na manood ng kung ano-ano sa telebisyon na walang pakialam sa nakikita ng kanilang mga anak. Nguinit dapat tandaan ng mga Kristiyano na ang lipunan ay laging nagtuturo na ang tinatawag na kasalanan ay ayos lang gawin hangga’t kontrolado ang bunga nito. Ang telebisyon ay laging nagpapakita ng mga panoorin tungkol sa kasalanan na kesyo aywala rawbunga o konsekwensya. Subalit hindi iyan ang tunay na kalagayan sa buhay. Ang telebisyon ay naglalagay ng kaisipan sa bata na hinahadlangan siya ng kanyang mga magulang mula sa mga masasayang bagay; kaya hihintayin niya ang kanyang paglaki upang gawin ang kanyang mga naiibigan.
Maraming mga Kristiyano na nakatira sa isang bahay na may mga kamag-anak na hindi Kristiyano. Sa ganitong kalagayan, ang tahanan ay hindi protektado mula sa mga makamundong impluwensya. Kaya mahalagang magpadama ng halimbawa ng tunay na pag-ibig, katapatan, kadalisayan, at kagalakan ang mga magulang para sa kanilang mga anak. Sila’y dapat manalangin na tulungan ng Espiritu Santo ang kanilang mga anak na piliin ang matuwid na direksyon sa buhay.
Di-Perpektong mga Pamilya
Sapagkat ang mga pamilya ay hindi perpekto, ang kanilang mga relasyon ay madalas na mayroong kasaysayan ng pagkakamali at hindi pa nalulutas na mga hidwaan.
Maging ang mga Kristiyanong magulang ay hindi perpekto. Hindi nila laging naisasakatuparan ang mga tuntunin. Hindi nila laging nauunawaan ang kalagayan ng kanilang mga binatilyo at dalagitang mga anak – ang mga pagbabagong nagaganap sa bagong henerasyon. Minsa’y wala rin silang sapat na simpatya sa tunay na isyung pinagdaraanan ng kanilang anak. Hindi laging maayos ang kanilang mga asal at minsa’y nakapagbibitiw sila ng mga masasakit na salita.
Nilikha ng Diyos ang unang mga magulang at dinisensyo sa pamamagitan nila ang pamilya. Nilikha niya ang lalaki at ang babaeng asawa niya. Pinagkalooban niya sila ng mga anak na papalakihin. Alam ng Diyos ang lahat ng bagay. Alam niya na magkakamali ang mga magulang, gayunma’y, dinisensyo niya pa rin ang pagiging magulang. Alam niya na ito pa rin ang pinakamainam na paraan, bagamat ang tao ay may mga kahinaan. Nangangahulugan ito kung gayon na mayroong paraan upang magtagumpay ang isang pamilya. Maraming kapakinabangan sa sistema ng pamilya bagamat ito ay hindi perpekto.
Ang katotohanang nilikha ng Diyos ang pagmamagulang ay mahalagang bagay para sa mga anak. Nangangahulugan ito na kapag naghihimagsik ang mga anak, taglay nito ang kapasyahang labagin rin ang sistemang itinatag ng Diyos. Ang sabi ng Diyos, “Mga anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang” (Efeso 6:1). Gayundin naman, ang mga magulang ay lumalabag sa plano ng Diyos kapag winawalang bahala nila ang mga responsibilidad na iniatang sa kanila ng Diyos. Ang lumabag sa plano ng Diyos ay ang maghimagsik laban sa kanya.
Responsibilidad sa Pagpapalaki ng Anak
Sa kalagayan ng pagiging magulang, mayroong tatlong bahagi ng responsibilidad. Ang anak ay mayroong bahagi ng responsibilidad. Ang magulang ay may bahagi ng responsibilidad. Ang Diyos ay may bahagi ng responsibilidad. Naibigay na natin ang higit na pansin sa responsibilidad ng magulang dito sa dalawang huling aralin. Kaya ngayo’y titingnan naman natin ang bahaging ginagampanan ng Diyos sa buhay ng mga anak at ang responsabilidad ng mga anak.
Ang Gawain ng Diyos sa Buhay ng mga Anak
1. Nais ng Diyos na ang mga bata ay magkaroon ng personal na relasyon sa kanya sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesus. (Basahin ang Mateo 18:1-6 at Mateo 19:13-15.)
2. Ang Diyos ay tapat na mailapit ang ating mga anak sa pakikipagrelasyon sa kanya. (Basahin ang Juan 6:44.)
3. Ang Diyos ay nagsasalita sa ating mga anak sa pamamagitan ng kanyang Salita. (Basahin ang 2 Timoteo 3:14-15.)
Ang mga Anak na may Relasyon sa Diyos
1. Ang mga anak ay maaaring mapatawad sa kanilang mga kasalanan (1 Juan 2:12).
2. Maaaring makilala ng mga anak ang Diyos (1 Juan 2:13).
3. Ang mga anak ay maaaring lumago sa kanilang relasyon sa Diyos (1 Samuel 2:26).
4. Ang mga anak ay maaaring sumamba sa Diyos (Mateo 21:15-16).
5. Ang mga bata at kabataan ay maaaring gamitin ng Diyos (Joel 2:28).
Sa Biblia, mayroong iba’t ibang mga halimbawa na kung saan ginagamit ng Diyos ang mga bata at kabataan upang isakatuparan ang kanyang layunin: si Samuel, ang batang babae na lingkod ng asawa ni Naaman, ang batang nagbigay ng baon kay Jesus upang mapakain ang napakaraming tao, si Daniel, Jose, David, at Maria. Ang mga ito ay ilan lamang.
Ang Responsibilidad ng Bata
Ang responsibilidad ng isang anak, ayon sa Salita ng Diyos, ay ang sundin ang kanyang mga magulang (Efeso 6:1-3). Subalit paano kung minsa’y mali ang kanyang mga magulang? Dapat na gawin ng bata ang kanyang responsibilidad at ito ay hindi kondisyunal ayon sa kung paano gumagawa ang kanyang mga magulang. Ang kanyang responsibilidad ay ang sumunod.
Kung ang isang bata ay magpapasya na sundin lamang ang kanyang mga magulang kapag iniisip niya na tama ang mga ito, ang magulang ay mawawalan ng awtoridad. Subalit hindi ito ang siyang hangarin ng Diyos sapagkat sisirain nito ang buong sistema ng pagmamagulang.
Walang pananagutan ang anak sa kung paano ginagamit ng mga magulang ang kanilang awtoridad. Ang kanyang bahagi ng responsibiidad ay ang sumunod. Ngunit paano kung may ipagawang mali ang magulang sa isang bata, gaya ng pagkuha ng beer mula sa refrigerator? Hindi responsabilidad ng bata na magpasya kung tama ba o mali ang kanyang magulang. Maaari siyang magalang na magpahayag ng kanyang opinyon, subalit tungkulin niya pa ring sumunod.
Subalit hindi kasama sa tungkulin ng pagsunod ang bagay na may kinalaman sa pisikal na makakasakit o yaong mga imoral na gawain na dapat ay idulog sa mataas na kinauukulan na may kakayahang protektahan ang bata.
Ang problema na mayroon ang mga anak tungkol sa kanilang mga magulang ay hindi karaniwang may kinalaman sa isyu na kung ang utos ba ay labag sa prinsipyong Kristyano. Sa halip, madalas na ang pagtanggi ng mga anak sa kanilang mga magulang ay may kinalaman sa pang-araw-araw na gawain, gaya ng, paglilinis ng kwarto, paglilinis ng bahay, pag-uwi sa tamang oras, at pagbibigay ng limitasyon sa mga kinawiwiliang panoorin o laruin ng bata.
Ang isang mapaghimagsik na bata ay siya na naniniwalang mayroon siyang karapatan na magpasya kung ang utos ba ng kanyang mga magulang ay tama. Ang kanyang pagsuway ay nagmumula sa likas na pagnanasang maging makasarili, huwag pakialaman, at magkaroon ng personal na pamamahala. Ngunit sa anong edad ba ito maaaring makamit ng isang bata? Wala.
Ang ganitong kaisipan ay isang ilusyon. Ang tao ay laging mayroong responsibiidad na nagmumula sa pagsasaalang-alang sa kapakanan ng kanyang kapwa. Laging mayroong mga bagay na alam mong dapat mong gawin kahit na hindi ito sinasabi ng iyong magulang. Kaya ang isang taong nagpupursiging mamuhay na walang pananagutan sa ibang tao ay laging mag-iiwan ng bakas ng sakit at kasiraan; sasaktan niya ang mga taong nagtitiwala sa kanya at umaasa sa kanya.
Minsan, ang mga anak ay nasasaktan sa pagmamalasakit ng kanilang magulang; na para bang humihingi sila ng pagtitiwala ng kanilang magulang. Subalit kung magagawa ng isang anak na maunawaan at igalang ang alalahanin ng kanyang magulang, magagawa rin ng magulang na pagtiwalaan ang kanyang anak at magkukusang luwagan ang mga ilalagay na limitasyon. Subalit kung tatanggihan ng anak ang alalahanin ng kanyang magulang, ang magulang ay mapipilitang maghigpit ng tuntunin.
Pagtanggap sa mga Pagkakamali
Maraming tao na natatakot na umamin sa kanilang mga pagkakamali sapagkat natatakot silang ang pag-amin ng mga pagkakamali ay magpapahina raw ng kanilang kalooban sa panghinaharap na di-pagkakaunawaan. Subalit ang totoo, ang pagiging matapat at bukas na gawin kung ano ang tama ang siyang pinakamalakas na katatayuang iyong kalalagyan. At ang tanging paraan upang mamalagi ka sa ganitong katatayuan ay ang aminin ang iyong mga pagkakamaling nagawa, magsimulang gawin ang tama, at maging bukas ang kalooban sa pagtutuwid ng iyong mga mali.
Minsan, gustong makita ng mga taong nasa awtoridad na nagsisisi sa mga pagkakamali ang mga taong kanilang pinamumunuan. Gayunma’y sila mismo ay walang pagkukusa na ito’y gawin sapagkat iniisip nilang magpapababa raw ito ng kanilang awtoridad. Ngunit mali ang ganitong kaisipan. Kapag ang isang taong nasa awtoridad ay hindi marunong tumanggap ng kanyang pagkakamali, hindi siya pagkakatiwalaan ng kanyang mga pinamumunuan. Ang prinsipyong ito ay totoo sa bawat posisyon ng awtoridad, kasama na ang pagmamagulang.
Ikaw na magulang, kung ikaw ay mayroong di pagkakaunawaan sa iyong mga anak, siguro’y nakagawa ka ng mga pagkakamali na dapat mong aminin. Maaaring nagpapalusot ang bata sa kanyang pagkakamali sa pamamagitan ng iyong kamalian. Kaya dapat kang humingi ng paumanhin sa iyong walang ingat na pananalita, hindi pinag-isipang tugon, at kabiguang maunawaan ang sitwasyon. Maaaring hindi malutas ang inyong di pagkakaunawaan hanggang hindi mo ginagawa ang bagay na ito. Tandaan na “ang Diyos ay sumasalungat sa mga mapagmataas, subalit nagbibigay ng biyaya sa mga mapagpakumbaba” (Santiago 4:6b).
Ikaw man ay magulang o anak, dapat mong aminin ang iyong pagkakamali. Pagsisisi, paghingi ng tawad, at patuloy na pagpapasakop sa awtoridad na ipinagkatiwala ng Diyos ang maghahatid ng magandang kooperasyon sa mga tao. Subalit hindi ito ang dapat na maging dahilan mo, kundi ang bigyang lugod ang Diyos.
Kapag inaamin mo ang pagkakamaling nagawa mo, huwag mo ng hanapin pa na magsisi rin ang iba sa kanilang nagawang mga pagkakamali. Hindi mo dapat gamitin ang pagkakamali ng iba upang magbigay ng palusot sa iyong pagkakamali.
Ang relasyon ay maaaring agad-agad na bumuti o kaya’y mangangailangan ng sapat na panahon. Minsan, kailangan munang makita ng mga tao na may tunay na pagbabago, bago sila magsimulang magbago rin. Subalit ang iyong dahilan na gawin ang mabuti ay hindi upang makita ang iba na magbabago rin. Sa halip, gagawin mo ang dapat mong gawin sapagkat ito ang nais ng Diyos. Maaaring ang ibang tao ay hindi magbago, subalit ikaw ay magkakaroon ng malinis na budhi sa harapan ng Diyos at pagpapalain ka Niya sapagkat tinutupad mo ang iyong responsibilidad. At higit sa lahat, magtiwala kang gagawin rin ng Diyos ang kanyang responsibilidad.
Ang Kahalagahan ng Pagpapasakop sa Awtoridad ng Diyos ng Bawat Bahagi ng Buhay
Isipin mo ang isang maliit na isla na ang pangalan ay Zhivia. Ang katabi nitong isla, ang Grekia, ay nagnanais na sakupin siya. Nangako ang pinuno ng Grekia sa gobyerno ng Zhivia na silang dalawa ay magkakaroon ng kapayapaan kung magbibigay ang Zhivia ng 10 hektaryang sa gitna ng kanilang isla. Mabuti ba ang ganitong solusyon para magkaroon sila ng kapayapaan? Kung magbibigay ang Zhivia sa kanyang kaaway ng lupain na nasa gitna ng kanyang teritoryo, ang kanilang kaaway ay magkakaroon ng malaking pagkakataon na lumaganap pa ng husto mula sa gitna ng lupain na iyon.
Ipagpalagay mo na ang iyong buhay ay katulad ng isang teritoryo na maraming mga rehiyon. Ang isang rehiyon ay maaaring nakatalaga para sa trabaho o ang isa ay para sa paaralan. Isang rehiyon naman ay nakalataga para sa iyong mga paglilibang. Ang isa pang rehiyon ay nakalaan para sa iyong pamilya. May marami pang mga rehiyon sa buhay mo.
Ang buong teritoryo ng iyong buhay ay dapat na nakapailalim sa awtoridad ng Diyos. Subalit ano ang mangyayari kung ang isa sa iyong rehiyon, gaya ng relasyon mo sa iyong pamilya, ay hindi nakapailalim sa pamamahala ng Diyos? Sa halip, hinayaan mo na pumasok si Satanas sa rehiyon na ito. Mula sa rehiyon na ito, magsisimula siya na sakupin ang iba pang rehiyon sa iyong buhay. Gayundin na kung hindi mabuti ang mga ginagawang paglilibang o kaaliwan ng isang tao, ang ibang rehiyon o bahagi ng kanyang buhay ay sasakupin ni Satanas. Kaya dapat ipasakop ng isang Kristiyano ang bawat rehiyon ng kanyang buhay sa ilalim ng awtoridad ng Diyos.
Ilang Mahahalagang Puntos para sa mga Magulang
► Dapat basahin ng mga mag-aaral ang Efeso 6:4, Colosas 3:21, 1 Corinto 13:11, at Colosas 3:8 para sa grupo.
Kung ang anak mo ay emosyunal, nagpapakita ng galit o pagkadismaya, maaaring iniisip niya na hindi mo siya naiintindihan. Marahil ay iniisip niya na hindi ka interesado na pakinggan at unawain siya.
Kaya subukan mong makinig at umunawa. Kung madalas mong ipagwalang- bahala ang kanyang mga problema dahil sa tingin mo ay katawa-tawa at walang kwenta ang mga ito, hindi mo talaga mauunawaan ang kanyang tunay na pinagdaraanan. Kung ito ay malaking problema sa kanya, ito’y magiging hamon sa kanyang pananampalataya at katangian. Kung hindi mo mauunawaan kung bakit gayon na lang ang kanyang reaksyon, hindi mo rin nauunawaan ang bigat ng sitwasyon na kanyang pinagdaraanan.
Huwag kang sumuko sa kalagayan ng iyong anak at huwag kang magsalita ng mga bagay na parang wala ng pag-asa.
Huwag mong isipin na pare-pareho ang katangian ng iyong mga anak.
► Dapat basahin ng mag-aaral ang Efeso 4:30-32 para sa grupo.
Kapag may mga problemang dumarating, huwag magbalik-tanaw sa mga nakaraang kabiguan. Nais isipin ng bata na ang kanyang nakaraang mga pagkakamali ay walang saysay sa kasalukuyan. Para sa kanya, siya ay iba ng tao at hindi maganda para sa kanya na balikan mo ang kanyang mga nakaraang pagkakamali. Gayunpaman, huwag kang umasa na magiging mapagbigay agad siya sa iyo.
Para sa Talakayan ng Grupo
► Ano ang ilang mga konsepto sa araling ito na bago sa iyong pananaw? Maaari mo bang ibahagi ang ilan sa mga bagay at gawi na plano mong baguhin?
► Talakayin ang mga kaparaanan na pwedeng magawa ng mga pamilya sa simbahan upang mapabuti ang kanilang buhay sa tahanan at matulungan ang kanilang mga anak sa simbahan.
Panalangin
Ama naming nasa langit,
Nais po namin na ang aming mga tahanan ay maging lugar ng pagmamahalan, seguridad, at pagpapala. Tulungan mo kami na maging dalisay at mapagmalasakit sa lahat ng aming mga ginagawa.
Tulungan mo kaming maging matapat sa katuruan at pag-uugaling Kristiyano. Ibigay mo sa aming mga anak ang hangarin na sumunod sa iyo.
Salamat sa katapatan mo sa aming mga anak. Alam namin na ang iyong Espiritu ay kumikilos sa aming mga puso.
Amen
Mga Takdang Aralin
(1) Magtala ng pitong biblikal na direksyon para sa mga pamilya. Pagkatapos ay maglagay ng mga partikular na paraan o aplikasyon kung paano ito maisasabuhay. Magsulat ng talata na magpapaliwanag para sa bawat aplikasyon (pitong mga talata).
(2) Pumili ng isa mula sa mga paksa sa ibaba. Buksan mo ang aklat ng Kawikaan at gumawa ng listahan ng mga Kawikaan na sumasagot sa paksang iyong napili. Magsulat ng dalawang talata na nagbubuod sa kahulugan ng Kawikaan tungkol sa napili mong paksa. Pagkatapos ay magsulat naman ng tatlong talata na nagsasaad kung paano ituturo ng isang magulang sa kanyang anak o sa kabataang anak ang mga prinsipyong ito. Mga paksa:
Pagsasabi ng katotohanan
Pinansiyal
Ang mga pagkakaiba sa halaga ng karunungan at salapi
Pagiging mapagkakatiwalaan
Sekswal na kadalisayan
Kapakumbabaan
Pagtanggap ng mga turo at pagtutuwid
Pagiging masipag/pagkukusa
Ano ang gustong sabihin ng Diyos tungkol sa kasiyahan
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.